Kabanata 3

23.2K 1.1K 433
                                    

Kabanata 3

Talahiban

Nakauwi na kami ni auntie sa bahay. Tahimik kami parehas. Nilingon ko siya.

“Ako na po ang magbabantay sa tindahan, auntie.” boluntaryo ko.

Tinitigan niya ako ng ilang sandali bago tumango.

“Sa kwarto muna ako at medyo nanakit ang ulo ko. Ikaw na ang bahala, Isha.”

“Sige po. Pahinga muna kayo.”

Isang beses niya pa akong tinitigan bago tumalikod. Naglakad ako patungo sa tindahan at tinanaw ang bahay nina Nero. Maingay pa rin dahil sa karaoke pero wala doon ang atensyon ko kung hindi sa magarang sasakyan na dumating kanina.

Tinawag ni Nero na mama ang babaeng dumating. Ibig sabihin ay iyon ang ina niya?

Naupo ako sa silya at ipinosisyon ang sarili ko sa pwestong makikita ko pa rin ang lalabas sa gate nila. Matapos ang dalawang oras na paghihintay, nakita ko ang mag asawa na papalabas na kasama si Nanay Martha.

Kagaya kanina, nakasuot pa rin ang mga ito ng salamin. Dumapo ang mga mata ko sa entrada ng bahay at nakita roon si Nero na nakatanaw sa kanila. Kumaway ang babae sa kaniya. Kumaway siya pabalik. Yumakap ang babae kay Nanay Martha. Ang lalaki naman ay tumapik sa balikat nito.

Biglang tumingin sa direksyon ko ang babae. Hindi ko man kita ang mga mata niya dahil sa kaniyang salamin, sa pagpaling na lang ng kaniyang ulo ay nasisiguro ko nang sa gawi ko siya nakamasid.

Bahagya kong inilihis ang sarili para umiwas sa tingin niya. Nagkunwari akong may ginagawa. Nakakahiya na baka naabutan niya akong pinagmamasdan sila.

Ang ugong ng makina ng sasakyan ang narinig ko bago ako unti unting sumilip muli. Nakaalis na ang mga ito at si Nanay Martha ay nasa labas pa rin at hinahatid ‘yon ng tanaw.

Inayos ni Nanay Martha ang salamin niya saka tila huminga nang malalim. Tumingin ako sa main door ng bahay at gano’n na lang ang kalabog ng dibdib ko matapos makita si Nero na nakatingin sa akin habang nakahilig sa haligi ng pintuan. Kitang kita kung paanong umangat ang makapal niyang kilay na para bang gusto niya akong tanungin kung ano ang itinitingin tingin ko.

Mabilis kong iniiwas ang sarili ko sa pwestong hindi niya na ako makikita. Nagbuga ako ng hangin, hindi maintindihan kung bakit kinakabahan.

Hindi na ulit ako tumingin pa sa bahay nila dahil baka naroon pa si Nero. Sa halip ay inabala ko na lang ang sarili sa cell phone at nag-scroll sa social media.

Pigil ang tawa ko habang nakakapanood ng isang tiktok video na lumabas sa newsfeed ko. Isang magandang babae ang sumasayaw, sa likod niya ay lalaki na gwapo rin at makisig. Nakasimangot ito habang nakatingin sa babae. Marahil ay nobya niya ito.

“Isha...”

Tumunghay ako nang marinig ang malamig na boses na ‘yon. Kumurap kurap ako nang makitang si Nero ito bitbit ang isang tupperware.

Ipinatong ko ang cell phone sa ibabaw ng maliit na mesa sa harapan ko. Gumapang ang itim na itim niyang mga mata dito at nagtagal doon.

“Nero? Bakit?”

Kung hindi pa ako nagsalita ay hindi pa maaalis ang paninitig niya sa cell phone ko. Pinapanood niya rin ba ang TikTok video doon?

“Ipinabibigay ni Nanay Martha itong panghimagas.”

Bumaba ang tingin ko sa tupperware nang iabot niya ito.

“Uh, nag abala pa talaga si Nanay Martha.”

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon