Kabanata 21

3.3K 113 27
                                    

Kabanata 21



“Nakabalik na si Zach!”

Binundol ng matinding kaba ang dibdib ko habang nakaupo pa rin sa upuan. Kulay kahel na ang kalangitan at nakahinga ako nang maluwag dahil hindi siya inabot ng dilim.

Nakita kong pinagkumpulan siya ng ibang mga kamag-aral namin para sabihing nandito na ako. Kinumusta rin siya, ngunit lahat sila ay nilampasan niya nang hindi sumasagot. Dumiretso siya sa kinalalagyan ko matapos akong mahanap sa gitna ng mga tent.

Napaigtad ako sa gulat at taranta na palapit siya sa akin ngayon. Medyo pawisan siya at hinihingal. Gusto kong umalis pero hindi naman ako makatayo.

Nang tumigil siya sa harapan ko’y hindi ko mabasa ang mga mata niya. Hindi ko rin alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Kanina, nag-aalala ako. Pero ngayong nakita kong maayos naman siya, bumalik sa akin ang galit dahil sa ginawa niya kanina. Inakala niyang sinungaling ako, pero bakit niya pa ako hinanap sa loob ng gubat?

“I’m glad you’re okay…” mahinang sabi niya.

“Oo…”

Nagkatinginan kami. Ako ang unang umiwas ng tingin pero pagbaling ko ulit sa kanya’y nakatingin na siya sa paa ko.

Umigting ang kanyang panga, tila ba nagagalit sa kung kanino.

“I’m sorry,” aniya.

Itinago ko ang isa kong paa sa isa ko pang paa para hindi niya na iyon tingnan. Nag-angat siya ng tingin sa akin, para bang sinisisi ang sarili sa sugat ko kahit hindi naman siya ang dahilan n’on.

“Ayos na ako. Salamat sa paghahanap,” mataman kong sinabi.

“Jewel…”

Umiling ako. “Hindi mo kasalanan na nasugat ako kaya huwag kang mag-alala.”

Nagtiim-bagang siya. “It’s not that—”

“Kung gan’on, dapat hindi mo na ’ko hinanap pa sa gubat. Alam kong nakakaistorbo lang ako sa ’yo, Zach. Kaya pasensiya na. Kung hindi mo talaga kayang maniwala sa akin, huwag mo na lang ipilit. Huwag ka na magkunwari na may pakialam ka sa akin. Nasasaktan mo lang ako, e.” Humalakhak pa ako.

Umawang ang kanyang labi habang gulat na nakatingin sa akin.

Hindi ko alam kung nagugulat siya sa mga sinasabi ko o dahil sa inaasta ko. O siguro, pareho. Pero hindi siya dapat magulat. Nang ipakita niyang wala pala siyang tiwala sa akin sa kabila ng mga pinagsamahan namin, dapat naisip niya nang masasaktan ako.

Kumikirot ang puso ko habang sinasabi ang lahat ng iyon pero medyo naalis din ang tinik sa puso ko.

Sa mga natitirang araw ng camping, hindi ko na nagawa pang pansinin si Zach. Kapag nakikita ko siya, nasasaktan lang ako dahil umuulit-ulit sa isip ko ang pag-iisip niyang sinungaling ako. Alam kong magkaibigan sila ni Jackie. Pero sino ba ang una niyang nakilala? Hindi ba’t ako? Bakit parang mas may tiwala siya sa babaeng ’yon? Dahil ba… hindi niya talaga ako gusto?

Kahit palagi kaming aksidenteng nagkakatinginan dahil nahuhuli ko siyang nakatingin, hindi ko pa rin siya kinikibo. Kahit pa sa mga activities namin. Kaya alam kong napapansin din iyon ng lahat. Pero wala na akong pakialam.

“Jewel!” dali-daling binuksan ni mama ang gate nang makita niyang nasa labas ako.

Nasa likod niya si papa at si Gold na pareho ring nakangiti sa pagsalubong sa akin. Madaling araw na nang makarating ang bus sa school.

“Mama…”

“Ano? Kumusta? Masaya ba?” excited na tanong nito.

Ngumuso ako. “Mamaya n’yo na lang ako tanungin, mama. Ang sakit po ng likod ko. Hindi ako nakatulog sa bus nang maayos…”

TVD #5: The Day She ConfessedWhere stories live. Discover now