Kabanata 26

2.9K 89 28
                                    

Kabanata 26




“Wala ka ba talagang regalo sa akin?” hirit ko ulit.

Mahina siyang tumawa kapagkuwan ay umatras na. Pinasadahan niya ng dila niya ang kanyang labi at ipinasok ang parehong kamay sa bulsa ng pantalon.

“Akala ko ba ayos lang kahit wala?”

Kinagat ko ang labi ko. “O-Oo nga… pero wala naman masama kung magbibigay ka, hindi ba?”

Tumawa ulit siya. Mahina lang ngunit malalim. Nanginig pa ang kanyang mga balikat.

“Come here…” aniya.

Namilog ang aking mga mata nang hawakan niya ang mga kamay ko. Hinila niya ako papasok sa isang hall. Nag-alala pa ako at napatingin doon kina mama dahil baka hanapin nila ako, ngunit sa huli ay nagpatianod na lamang ako kay Zach.

“Anong gagawin natin dito?” tanong ko.

Hindi siya sumagot at patuloy lang akong hinila. Nagpalinga-linga ako para tingnan ang paligid. Parang restaurant itong pinasukan namin at aakyat yata kami sa ikalawang palapag. Nakita kong nakatingin sa aming ang ilang mga empleyado. Nahiya tuloy ako at naisip na baka bawal umakyat tapos pigilan nila kami pero hindi naman iyon nangyari.

Pag-akyat namin, hindi na katulad sa baba. Hindi na iyon restaurant. Isang malawak na espasyo na lamang iyon na halos walang kalaman-laman maliban sa may sofa at lamesa sa may gilid. Maaliwalas ang paligid dahil sa glass wall.

Nasulyapan ko ang ilan pang empleyado na nandoon at nakatayo. Lahat sila’y nagsiyukuan nang matanaw kami.

“Here.”

Nilingon ko si Zach nang tumigil kami sa may sofa. Inabot niya sa akin ang isang… bouquet. Ngunit hindi bulaklak ang laman niyon… kundi… mga Bengbeng.

Napamaang ako.

“I saw it online,” paliwanag niya.

Hindi gumalaw ang mga kamay ko kahit na inaabot niya na iyon sa akin. Hindi rin maalis-alis ang tingin ko roon, nagugulat at hindi makapaniwala. Nang lumipas ang ilang segundo ay saka ako nagtaas ng tingin sa kanya. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para akong maiiyak.

Si Zach… binibigyan ako ng regalo!

Imbes na tanggapin na iyon agad ay tumalon ako para yakapin si Zach. Napaatras siya sa gulat ngunit nagawa niya pang hawakan ang aking baywang at ibalanse ang tayo niya upang hindi kami parehong matumba.

Humagikhik ako nang makita ko ang reaksyon niya. Bahagyang nanlalaki ang kanyang mga mata.

“Thank you, Zach!” malawak ang ngiti kong sinabi.

“Ano ka ba?” nananaway na bulong niya at bahagya akong itinulak.

Sinulyapan niya ang mga empleyadong nakatingin sa amin. Nilingon ko rin sila. Tumikhim sila’t umiwas ng tingin.

Mas lalong lumawak ang ngiti ko. Siguro, iniisip nilang mag-boyfriend-girlfriend kami ni Zach? Mas lalo akong humagikhik. Pagkatapos, lumayo na ako kay Zach bago pa tuluyang masira ang mood niya.

“Ikaw ah? May tinatago ka palang ka-sweetan.”

“The hell are you saying?” Umirap siya. “Huwag kang assuming. I didn’t know what to give you and I was scrolling on Facebook when I saw that idea.”

Ngumisi ako lalo. “Wala naman akong sinabi.”

Sumama lalo ang mukha niya.

“Akin na talaga ’to, ah?” usal ko.

TVD #5: The Day She ConfessedWhere stories live. Discover now