Kabanata 24

3K 116 107
                                    

Kabanata 24



Tinakasan ko si Zach noong gabing iyon. Hindi ko matandaan kung paano basta ang alam ko lang, kahit pa nasa loob na ako ng aking kuwarto, hindi pa rin matanggal ang labis na hiya na umiikot sa sistema ko.

“Luh? Anyare sa ’yo?”

Nagising ang natutulog kong diwa sa boses ni Clarisse sa aking tabi. Nakaupo ako sa aking desk sa loob ng aming classroom nang nilingon ko ang kaibigan kong natatawa habang nakatingin sa akin.

“Bakit?” tanong ko.

“Ang laki ng eyebags mo, te. Natulog ka ba?”

Ngumuso ako. “Hindi…”

“Nge? Bakit?”

Hindi ako nakasagot. Pumasok na naman sa isip ko ang nangyari kagabi.

Hindi ko maalala kung kailan ako naging agresibo nang ganoon katindi sa buong buhay ko. Hindi ko alam kung bakit ko iyon ginawa o kung saan ako humugot ng kakapalan ng mukha para magawa ang bagay na iyon. Ang mahalikan si Zach ay langit para sa ’kin, ngunit ang halikan ko siya nang hindi nag-iisip nang maayos habang tulog siya, nakakabaliw.

Ngayong natauhan na ako, pakiramdam ko ay wala na akong mukhang maihaharap pa sa kanya.

Huminga ako nang malalim at inisip ang naging reaksiyon ni Zach. Hindi naman ako nababahala sa kung ano ang naging reaksiyon niya pero mukhang hindi naman siya nagalit. Pero kahit nagalit pa siya, hindi ko ’yon poproblemahin. Ang poproblemahin ko ay kung paano ko pa siya haharapin matapos ang kalapastanganan ko.

“Siya nga pala… may plano ka ba sa Sunday?” wika ni Clarisse kaya muli akong napatingin sa kanya.

May kinukuha siya sa loob ng kanyang bag.

“Wala. Bakit?”

“Samahan mo ’ko. A-attend ako ng birthday party ng isang kakilala,” aniya.

Napakurap-kurap ako. Pinanood ko siyang tila propesyunal na naglalagay ng lip tint sa kanyang labi.

“Party? Saan?”

“Diyan lang sa tabi-tabi.” Ngumisi siya.

Kumunot ang noo ko.

“Magsuot ka ng magandang damit. Dress, gano’n.”

Ngumuso ako. “Pero hindi ako nagsusuot ng gano’n, Clarisse. Saka, hindi mo sinagot ’yong tanong ko.”

“Never mind. Pupunta na lang ako sa inyo. Ako na hahanap ng damit mo.”

Tinapos niya ang pag-aayos sa kanyang mukha bago tuluyang tumingin sa akin. Nginitian niya ako kahit pa nakikita niyang nalilito ako sa kanya.

“Isasama natin sina Jessa at Precious?” umaasang tanong ko.

Umirap siya. “Huwag na. Hayaan mo ’yon.”

“Pero…”

“Si Randyll na lang. Ayain mo ’yon mamaya, ha?” Ngumisi siya bago tumayo at bumalik sa kanyang lamesa.

Napabuntong-hininga na lamang ako.

Kailan kaya sila magbabati? Hindi puwedeng frindship over na sila. Nami-miss ko na sina Jessa, lalo na si Precious. Magdadalawang linggo na kaming hindi nagkakasamang apat. Ito na yata ang pinakamatagal sa lahat ng away na nangyari sa pagitan naming magkakaibigan. Sila naman ’yong magkaaway pero ba’t kami yata ni Precious ang nahihirapan?

“Jewel, ha? Sa Sunday,” paalala ni Clarisse noong uwian bago kami naghiwalay ng landas.

“Oo!” sagot ko.

TVD #5: The Day She ConfessedWhere stories live. Discover now