PROLOGUE

8.2K 133 18
                                    

TINANGGAP ni Tristan ang money order
mula sa post office. Matapos bilangin ay ipinasok niya iyon sa bulsa ng pantalong maong niya. Kapagkuwa'y nagbuntong-hininga. Ito ang ikalawang semestre mula nang ang perang tinatanggap niya para sa pag-aaral niya ay ibinibigay niya sa mga taong kumukupkop sa kanya upang makapagkolehiyo ang panganay na anak ng mga ito. Labis-labis iyon dahil karaniwan na ay kasama na roon ang college allowance niya sa loob ng dalawang buwan.

Kukunin lang niya ang kalabisan at ang
pang-enroll ay muli niyang ibibigay sa adoptive parents niya. Pero sisikapin niyang tipirin ang natitirang pera upang magamit sa paghahanap ng trabaho. Plano niyang mag-aral sa gabi. Subalit hindi niya maaaring ihinto ang pagbibigay ng pera para sa pag-aaral ni Clara.

Napangiti siya sa sarili. Sa inspirasyon kung
bakit ginusto na niyang ipagpatuloy ang pag-aaral. Noong nakaraang taon, pang-enroll niya sana sa ikalawang semestre niya sa unang taon sa kolehiyo ang perang ipinadala sa kanya.

Subalit naulinigan niya ang pag-uusap ng mag- anak kasama ang panganay ng mga itong si Clara. Nakikiusap ang mag-asawa kay Clara na ipagpaliban nitong muli ang pagpapa-enroll sa kolehiyo.

Si Clara ang panganay na anak ng mag-asawang Leoncio at Julieta. Matanda ito sa kanya ng dalawang taon pero katatapos lang ng high school dahil sa pahintu-hintong pag-aaral dala ng kakapusan.

"Kailan naman ako makakatuntong ng
college niyan, Tay... Nay?" Umiiyak nitong
tanong. "Desi-ocho na ako pero kaga-graduate ko lang sa high school noong isang linggo. Baka maputi na buhok ko bago ako makapagkolehiyo."

Kinaumagahan ay kinausap niya ang mag-
asawa habang nasa pondahan sila ng mga ito sa may labas ng pabrika. Ang munting pondahang iyon ang pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mag-anak. Sinabi niyang hindi na muna siya mag-e-enroll at ibibigay niya sa mga ito ang perang pantustos niya sa pag-aaral niya. Para kay Clara.

"H-hindi ka ba nagbibiro, Tristan?" manghang
tanong ni Julieta. Nahinto sa paghihiwa ng
sibuyas para sa lulutuing pagkaing paninda.
Hinayon nito ng tingin ang asawang nagsasalin ng tubig sa inuminan para sa mga taong kakain ng tanghalian sa pondahan. Ito man ay natigil sa ginagawa. "Tay, narinig mo ba ang sinabi ni Tristan?"

"Paano ang sarili mong pag-aaral?" tanong
ni Leoncio at ibinaba ang pitsel na plastic, hinila ang bangko at naupo na para bang isang himala ang sinabi niya.

"Huwag ninyong alalahanin iyon, 'Nong
Leoncio," sagot niya. Ipinasok niya ang dalawang kamay sa bulsa ng pantalong maong na ilang laba pa ay hindi na pakikinabangan. "Maaari naman po akong makapag-enroll sa ibang pagkakataon. Bata pa naman ako."

"Alam mo ba kung gaano mo kami pinasaya,
Tristan? Lalo na si Clara?" naluluhang sabi
ng ama-amahan niya. "Hinding-hindi namin
pinagsisisihan ni Manang Julieta mo ang
pagkupkop sa iyo. Tahimik at mabait kang
bata. Ni minsan ay hindi mo kami binigyan ng
problema. Mas pa nga ang mga anak naming
sarili ang nagdudulot ng sakit ng ulo sa amin."

Tipid siyang ngumiti at nagkibit. Si Julieta ay lumapit at niyakap siya. "Maraming salamat,
Tristan. Tatanawin naming malaking utang-na-
loob ang ginawa mong ito."

Nakahanda siyang isakripisyo ang sariling
edukasyon alang-alang sa mga anak ng mga
nag-aruga sa kanya. Kung hindi man niya
naramdaman sa mga ito ang inaasahang
pagmamahal ng mga magulang, hindi rin naman masama ang pakikitungo ng mga ito sa kanya.

At nauunawaan niyang sa maraming pagkakataon ay pinapaboran ng mag-asawa ang sariling mga anak kaysa sa kanya.

Limang taon siya nang ipakupkop sa mga
ito. Pitong taon si Clara at nag-iisang anak
pa lang. Subalit sa paglipas ng mga taon ay
nadagdagan ng dalawang lalaki ang anak ng
mga ito na lalo nang nagpahikahos sa buhay ng pamilya. Totoong regular na nagpapadala rin ng panggastos niya sa mag-asawa ang benefactor niya. Gayunman, nagagamit ng mga ito iyon para sa lahat sa hirap ng buhay.

Kristine Series 55: MONTE FALCO - Island In The SunWhere stories live. Discover now