Chapter 41

87.9K 3K 725
                                    

           

Chapter 41:

No deliverance

INILIBRE si Sandro ni Kuya Bari nang pagkain pagkatapos ay sumakay sila sa kotse nito na may naghihintay na driver. Dumaan sila sa isang mamahaling restaurant at hindi na nakatanggi si Sandro nang bumili ang kapatid nang mas masarap at masustansiyang pagkain para sa Mama niya daw.

            "Tawagan mo 'ko bukas," paalala ng kapatid niya pagkahatid nito sa kanya sa harap ng ospital.

            "Sige, Kuya. Maraming salamat ulit."

            "Puwedeng umiyak pero huwag palagi," natatawang tukso nito nang parang maiiyak na naman siya.

            Natawa na rin siya. "Balitaan mo 'ko, Kuya Bari, kapag nakausap mo na sina Papa."

            Tumango ito. Pagkatapos niyon ay nagmamadali siyang umakyat sa pribadong kuwarto nang ina na kinuha niya. Natutulog pa rin ang Mama niya. Nang magising ito ay inalalayan niya itong kumain.

            "Maligayang kaarawan, anak. Dapat nagsasaya ka ngayon..." nanghihinang sabi nito. "Dapat nasa labas ka at kasama ang mga kaibigan mo o ang nobya mo..."

            Sandro chuckled. "Wala akong nobya, Mama." Isinubo niya rito ang gulay. "Isa pa, nakalabas na kami ni Kuya Bari. Ayos na iyon."

            Napabuntong-hininga ito. "Napakasuwerte mo, Sandro. Tanggap ka ni Bari at Ysabella sa kabila nang kasalanan ko sa kanila. Pumatol ako sa pamilyado nang tao..."

            Umiling siya. "Matagal na iyon, Mama. Napatawad ka na ni Tita Bella at walang kaso kay Kuya Bari. They believe in forgiveness more than grudge. They belive in love over hate."

            "Napakasuwerte ni Santino sa kanila. Sana ay matuto na ang ulupong na iyon."

            "Sana nga, Mama. Mahal na mahal si Papa nina Kuya Bari."

            "Siguro ay mahal din sila ni Santino, Sandro. Dahil nang n-nagmakaawa ako sa Papa mo na ako ang piliin, kay Ysabella pa rin siya umuwi. Gago lang talaga siya dahil nagpatukso na naman sa ibang babae. Pero si Ysabella pa rin naman ang pinili niya sa huli."

            Nagkibit-balikat siya. Pero sana nga ganoon iyon. Matutuwa si Tita Bella kapag nalaman nitong mahal rin naman ito ng Papa niya.

            "Pero isa na rin sigurong dahilan kaya hindi ako pinili ni Santino dahil hindi naman ako kagalang-galang na iharap sa mundo niya. Iyon pa naman ay mas pinapangalagaan ang reputasyon."

            "M-Minahal mo si Papa, Mama?"

            "Oo," amin nito.

            "Hindi lang dahil sa pera niya?" diretsa niya na sa ina.

            Akala niya ay masasaktan ito pero mahinang natawa pa ito. "Isa na iyon kasama pang napaka-simpatiko niya. Buti nga at namana mo. Mas guwapo ka kay Ibarra."

            Napakunot-noo siya. "Ma," saway niya sa ina.

            "Minahal ko talaga ang Papa mo. Hindi alam ni Santino pero maalaga siya. Nang nasa lihim kaming relasyon ay nadama koi yon. Mas nangibabaw lang ang kasamaan ng ugali niya." Nagkibit-balikat ito pagkatapos. "Saan ka nga pala nakakuha ng pera? Narinig ko sa nurse na bayad na ang isang buwan kong pananatili dito sa ospital. Napakamahal dito, Alessandro!"

            "Wala akong alam na mahihingan ng tulong kundi si Kuya Bari at ang pamilya niya. Handa siyang tumulong. Kakausapin niya pa sina Tita Bella..."

Deliverance (DS #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon