Call Center

921 14 0
                                    

Nasaktan ako dun sa post ng isang page na 'Bobo lang ang mga nag-aral sa university pero sa call center lang bumagsak'.

Graduate ako ng Nursing dito sa FEU at nakapag-trabaho na rin bilang nurse sa isang pampublikong ospital. Ang sinasahod ko bilang nurse ay siyam na libo kada buwan, walang tulog, walang pahinga, overtime na walang bayad at ni "Thank you" wala. Siguro may magsasabi dito ng, 'Eh bakit hindi ka mag-abroad tutal in demand naman ang nurses sa ibang bansa?' Ang dali para sa inyong sabihin yan.

Unang-una, ayokong malayo sa pamilya ko. Bakit? Dahil matanda na ang mga magulang ko, at ako nalang ang nag-aalaga sa kanila dahil may kanya-kanya nang pamilya ang ate at kuya ko. Gustuhin ko mang umalis, hindi ko sila kayang iwanan. Hindi ko ipagpapalit ang magulang ko para sa pera.

Pangalawa, baldado na ang tatay ko. Dahil sa diabetes, pinutulan siya ng paa at unti-unti nang nawawala ang paningin niya. Ako nalang at ang nanay ko na matanda na rin at may mga sakit din ang nag-aalaga sa tatay ko.

Yun din ang mga dahilan kung bakit napilitan akong umalis sa pagiging nurse at nagtrabaho bilang call-center agent na kumikita ng dalawampu't-limang libo kada buwan. Hindi ko iyon ipinagyayabang kundi sinasabi ko iyon para malaman niyo kung bakit ako umalis sa pagiging nurse at naging call-center agent 'na lang' gaya nga ng bansag niyo. Sobrang sapat ang sinasahod ko ngayon para matustusan ang buwanang gamutan ng tatay ko at ng nanay kong may thyroid at highblood.

Baka sabihin niyo ring 'Eh bat hindi ka mag-apply sa private hospitals na malaki ang sweldo?' Sa tingin niyo hindi ko pa nagawang maghanap at magmakaawang matanggap para sa pangangailangan ng magulang ko? Hanggang ngayon naghahanap pa rin ako.

Nakakainis lang na may mga taong sobra kung manghusga nang hindi inaalam o iniisip man lang ang bawat kwento ng bawat tao. Nakakainis din na kailangang may mag-explain pa katulad ko para lang maging eye-opener sa mga taong mapanghusga. Alam kong hindi dapat nagpapa-apekto sa mga katulad nila, pero hindi nila marerealize kung walang magpapa-realize.

Siguro nga hindi magandang tignan na nandun ka dahil hindi naman ito naaayon sa pinag-aralan mo, pero sana iniisip niyo na kada tao sa industriyang hinuhusgahan niyo ay may sari-sariling dahilan kung bakit sila nandoon at karamihan, kailangan ng malaking pera na hindi maabot ng trabahong naaayon sa pinag-aralan.

Marami akong kasama rito na teachers, professors, nurses, at iba pang graduate sa iba't ibang kurso at galing sa magagandang Unibersidad. Maraming fresh grads na atat mag-trabaho at gusto agad kumita ng malaki para matustusan ang pangangailangan. Alam kong karamihan sa amin ay ayaw din na nandito. Pero kung itong trabahong ito na nila-"Lang" ng iba ang magbibigay ng malaking tulong para mabuhay kami, iisipin pa ba namin ang pride namin?

Ang swerte mo kung ang trabaho mo ay ang trabahong gusto mo at naaayon sa pinag-aralan mo, kumikita ka ng malaki na sapat o sobra sa pangangailangan mo. Pero sana maisip mo na hindi lahat kasing swerte mo. At sana rin maisip mo na merong kagaya ko na lahat susuungin sa ngalan ng pamilya.

CCA
2009
IN
FEU Manila

FEU Secret FilesHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin