Chapter 9

1K 107 14
                                    

JAM'S POV


Kinabukasan ay may hindi magandang nangyari bago ako pumasok sa trabaho. Ang nakasanayan kong pakikipag-usap kay Sam bago ako umalis ay hindi nangyari sa pagkakataong ito.


"Good morning, Jam-jam!" masiglang bati ng impakto mula sa labas ng aking gate.


Tulad ng aking nakaugalian ay hindi ko siya binati pabalik. Mukhang sanay na rin naman siya kaya wala siyang nagagawa kundi ang ngumiti.


Padabog kong sinarado ang pinto ng aking bahay dahil sa labis pa rin na inis.


"Oh?! Bakit parang badtrip ang umaga mo? Ngayon ka lang yata lumabas ng bahay na hindi maganda ang mood, ah? Anong nangyari?" sunod-sunod na tanong nito pagkalabas ko ng gate.


Nagtaka ako sa kanyang sinabi. Iisa lang naman kasi ang lagi kong ekspresyon at tanging pagsimangot lang iyon. Pero paano niya nalaman na may kakaiba sa akin ngayon?


"Wala!" tipid kong sagot at inirapan siya. Nagsimula na rin akong maglakad at alam kong nakasunod naman siya.


"Grabe naman 'yon! Sige na, kwento mo na! Malay mo makatulong 'tong impakto na 'to sa 'yo, 'di ba?" pagpipilit niya pa.


Dahil sa alam kong wala naman siyang balak na tigilan ako sa pagtatanong ay huminto na lang din ako sa paglalakad. Kasunod nito ay hinarap ko siya habang salubong pa rin ang aking kilay.


"Nasira ang laptop ko! Ngayon, masaya ka na ba dahil nasagot kita?!" naiinis kong balik sa kanya.


Bahagya siyang natigilan at nabawasan ang mga pagkakangiti niya. Muli ko na namang nakita ang lungkot sa kanyang mga mata.


Ilang segundo rin ang kanyang pinalipas bago muling nagsalita.


"Gano'n ba? Kaya naman pala ganyan ka. Hindi kayo nagkausap ng boyfriend mo sa video call?" tanong niyang may kahinaan ngunit sapat lang iyon para marinig ko.


Hindi ko siya sinagot. Tinalikuran ko siyang muli at itinuloy ang aking paglalakad. Pero ilang hakbang pa lamang ang aking nagagawa nang muli na naman siyang magsalita.


"May kilala akong magaling mag-ayos ng computer. Gusto mo bang tulungan kitang mapaayos 'yon?"


Dahil sa narinig ko ay muli na naman akong napatigil.


"Sasamahan kita mamaya after office hours para ipaayos 'yon. Ililibre ko pa ang magagastos mo," sunod niya pang alok.


Muli ko siyang nilingon at tiningnan nang diretso. Gusto kong makasigurado kung may katotohanan ba ang alok ng impakto.


Nang magtagpo ang aming mga mata ay ngumiti siya, ngunit pareho ng kahapon ay hindi iyon umabot sa kanyang mga mata.


Christmas LightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon