Chapter 10

1K 103 9
                                    

----------

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

----------


JAM'S POV


Dahil sa ginawa kong pag-alog sa kanyang katawan ay nalaglag ang hawak nitong ice cream. Hindi ko kasi napansin na may hawak ito nang siya ay dumating.


Nakaramdam ako ng hiya at panghihinayang. Ngayon kasi ay nasa sahig na ang kanyang ice cream na hindi na niya mapapakinabangan.


Unti-unti kong inangat ang aking paningin upang magtama ang aming mga mata at humingi ng dispensa sa kanya. Sa hindi ko malamang dahilan, nakatitig siya sa akin habang nanlalaki ang kanyang mga mata.


"S-sorry, Kim..." nahihiya kong paghingi ng tawad sa kanya habang nagkakamot ng aking batok.


Hindi siya tumugon, nanatili lamang siyang nakatingin sa akin suot ang tila gulat na gulat niyang ekspresyon.


"K-kim?" pagtawag ko na sa kanya dahil hindi na siya gumalaw pa.


Sa pagkakataong ito ay tinawag na rin ni Mark ang kanyang atensyon dahil tulala pa rin siya.


"Hoy, Pareng Kim! Anyare sa 'yo?" tanong sa kanya ni Mark.


Dito na siya natauhan. Ngunit sa halip na harapin si Mark ay nanatili lamang ang kanyang mga matang nakapako sa akin.


"Mark..." mahina niyang pagtawag sa pangalan ng kanyang kaibigan.


"Oh?" sagot naman ni Mark.


"Anong sira ng laptop?"


"Uhm... Charger lang. Bakit?"


Ilang segundo ang lumipas bago ito sinagot ni Kim, pero hindi niya pa rin inaalis ang kanyang tingin sa akin.


"Bigyan mo siya ng tatlong charger, Mark. Ako na ang magbabayad." sagot ni Kim.


"Ha??!!" gulat na gulat tuloy na reaksyon ng kanyang kaibigan. Kahit ako ay nagulat sa sinabing iyon ni Kim.


Ano bang tumatakbo sa isip nito? Pabigla-bigla lang siya sa mga sinasabi niya!


Sa wakas ay nagawa ni Kim na lingunin ang kanyang kaibigan. Dahan-dahan niya iyong ginawa bago muling nagsalita.


"First time niya akong tinawag sa pangalan ko... First time ko rin siyang nakitang ngumiti... Kaya bigyan mo siya ng tatlong charger kung 'yon lang ang paraan para mapangiti ko 'tong si Jam-jam... Bilisan mo lang, Par, kung puwede..?" paliwanag niyang may kabagalan habang tinuturo ako.


Nang maisip ko ang nangyari ay nag-init ang mukha ko. Alam ko rin na namula ako.


"Langya ka, Par! Nababakla ka na naman kay Jam! Umalis na nga lang muna kayo! Balikan n'yo na lang 'to after one hour. Kukunin ko pa ang charger na ipapalit ko rito sa kabilang branch namin. Doon lang may available, eh." utos na lamang sa amin ni Mark.


Hindi na kami nakapagsalita pa dahil kasunod nito ay unti-unti akong nilingon ng impakto. Pero dahil sa hiya ay mabilis kong iniwas sa kanya ang tingin ko.


"T-tara na nga! B-bumalik na lang tayo mamaya! Papalitan ko na rin ang ice cream mo!" pagyaya kong nauutal sa kanya at sinimulan ko na rin ang humakbang palabas nitong shop.


Hindi ko makita ang reaksyon niya dahil nasa likod ko siya, pero narinig ko ang pagpapaalam niya sa kanyang kaibigan gamit ang tono niyang napakasaya.


Nagpunta kami sa isang ice cream parlor at sabay na kumain. Mabuti na lamang at hindi na niya inungkat pa ang nangyari kanina. Dahil kung sakaling mapag-usapan pa namin iyon ay baka hindi ko na alam kung saan ako magtatago dahil sa labis na hiya.


Nagpatuloy siya sa pagkukuwento ng kung anu-ano kahit 'oo' at 'hindi' lang naman ang naisasagot ko. Nalaman kong kapitbahay din pala namin si Mark at matalik na kaibigan nito. Kilala rin pala ako ng kanyang kaibigan dahil madalas nga nila akong nakikita sa tuwing papasok at uuwi ako ng trabaho.


Nang makabalik kami kay Mark ay hindi na rin kami nagtagal pa roon. Nagpumilit pa ang impakto na magbayad sa pinalitang charger ng laptop ko ngunit hindi na ako pumayag. Ayaw kong magkaroon ng atraso sa kahit kanino dahil baka iyon pa ang maging dahilan upang magkaroon kami ng komunikasyon nito.


Habang nasa biyahe pauwi ng aming lugar ay hindi napagod ang lalaking ito sa pagkukuwento ng mga bagay tungkol sa kanya. Hindi na nga niya alintana kung hindi ko siya minsan pinakikinggan dahil sobrang saya ko na naayos nang muli ang laptop ko.


Nang makarating kami sa aming lugar ay nagpaalam na rin siya dahil ang kanilang bahay ang una naming madadaanan bago naman ang bahay ko. Ilang beses akong nagpasalamat sa kanya na tinutugunan niya lamang ng paulit-ulit na pasasalamat pabalik dahil nilibre ko raw siya ng ice cream.


Saglit lamang akong nagluto at kumain tulad ng aking nakasanayam. Matapos iyon ay bubuksan ko naman ang Christmas lights na nasa labas ng aking bahay.


Madilim na sa mga oras na ito. Kinailangan ko pang gamitin ang flash ng aking cellphone para lang makita ang saksakan ng Christmas lights na paiilawin ko. Pero nang tuluyan kong mapailaw ang Christmas lights na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatay-sindi ay nagulat ako sa imaheng nasa loob ng bakuran ko.


"Hi, Jam-jam!" masigla nitong pagbati sa akin.


"K-kim..." mahina kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang aking mga mata dahil sa pagkasorpresa.


Masama ang kutob ko. Sa tingin ko ay may hindi magandang mangyayari sa pagpunta niya rito.



----------

All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.10.2018

Christmas LightsWhere stories live. Discover now