Chapter 17

974 113 11
                                    

JAM'S POV


Tulad ng nakagawian ay kasabay ko pa rin si Kim na pumasok sa aming trabaho. May dala siyang paper bag at may regalo sa loob. Napansin ko ang makintab na pambalot na ginamit niya roon. Iyon din ang pambalot na hawak niya kahapon nang makita ko siya sa mall.


Pagpasok pa lang ng opisina ay walang gana kong inabot kay Steff ang inaasahan niyang marshmallow. Hindi ko na iyon ibinalot dahil bubuksan niya rin naman iyon at sigurado akong alam na rin naman niyang marshmallow ang laman no'n.


"Oh my gosh, Jam! Ikaw pala ang nakabunot sa akin?! Buti na lang! Akala ko unan ang ibibigay ng nakabunot sa akin, eh!" tuwang-tuwang reaksyon ni Steff.


Tinaasan ko lamang siya ng isang kilay dahil doon. Nag-e-expect pa talaga siya na may magbibigay sa kanya ng unan? Eh, samantalang kahapon pa lang ay halos ipagsigawan na niyang dapat ay marshmallow ang dalhin para sa kanya.


Matapos kong iabot iyon kay Steff ay dumiretso na lamang ako sa aking mesa. Iniwan ko na ang lahat na nagkakagulo sa pagbibigay ng regalo para sa nabunot nila.


"Jammy!" pagtawag sa akin ni Kim nang makaupo na rin ito sa kanyang pwesto.


"Oh?" nakataas ang isang kilay ko pa rin na tugon. Sa hindi ko malamang dahilan, hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng inis dahil sa hindi niya sa akin pagyaya kahapon. Magkaharap ang aming pwesto at nag-uusap na naman kami mula sa gilid ng aming mga computer.


Pinagmasdan ko lamang siya hanggang sa yumuko ito na tila may kinukuha mula sa ilalim ng kanyang mesa.


Ilang sandali pa ay nangunot ang aking noo nang iabot niya sa akin ang regalong bitbit niya lang kanina. Ang regalo na halos kasing laki ng box ng cellphone at napakaganda ng pagkakabalot. May blue ribbon pa sa ibabaw nito.


"Ano 'to?" tanong kong nagtataka sa kanya.


Nagkamot muna siya ng batok na tila nahihiya.


"Ikaw kasi ang nabunot ko, eh. Kaya nga hindi kita isinama sa mall kahapon para bilhin 'yan." sagot niya sa akin.


Hindi ako nakapagsalita. Ngayon ay naging malinaw na rin sa akin kung bakit hindi niya ako niyayang sumama kapon — iyon pala ay pangalan ko ang kanyang nabunot.


Habang nakatingin lamang ako kay Kim, tinatanong ko na rin ang aking sarili kung bakit kailangang ganito pa kaganda ang pagkakabalot ng regalo? Eh, samantalang pwede namang simple lang o kaya naman ay ibigay na lamang niya sa akin nang walang balot.


"Buksan mo na, Jammy!" atat na atat niyang utos.


Wala na nga akong nagawa. Maingat kong binuksan ang regalo. Tila ba nanghihinayang ako na may masira ako sa magandang pagkakabalot nito.


Nang tuluyan ko itong mabuksan ay rumehistrong ang pagtataka mula sa akin.


"Ano 'to?!" tanong ko na naman sa kanyang puno ng pagtataka habang hawak ang laman ng regalo niya.

Christmas LightsWhere stories live. Discover now