Chapter 11

1K 108 14
                                    

JAM'S POV


"Hi Jam-jam!" masaya nitong pagbati sa akin.


"K-kim..." mahina kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang aking mga mata dahil sa pagkabigla.


Nakasuot na ito ng kanyang pambahay na pinaparesan ng kanyang mga ngiting hindi na yata maaalis sa kanyang mukha.


"A-anong ginagawa mo rito sa loob..?" nauutal ko pang tanong sa kanya.


Nagkamot muna siya ng kanyang batok bago ako sinagot.


"Kakatok sana ako sa pintuan bahay mo, eh. Saktong lumabas ka naman." nahihiya naman niyang sagot.


Kumilos ako nang dahan-dahan para harangin ang pinto ng aking bahay. Nakakaramdam na kasi ako ng kaba sa maaaring maganap ngayong naririto siya.


"A-anong kailangan mo..?" kinakabahan ko pa rin na tanong sa kanya.


Saglit muna siyang nag-isip habang nakatingala. Kalmado siya sa mga oras na ito, samantalang ako ay hindi na malaman kung paano kakausapin ito.


"Uhm... Wala naman. Wala kasi akong magawa, eh. Pwedeng patambay rito? Hindi ako hihingi ng juice o tubig, promise!" pagsagot at pagpapaalam niya.


Hindi ako nakasagot dahil sa labis pa rin na pagkasorpresa. Dahil din doon ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na makapagsalita.


"Saka gustong ipa-check ni Lola kung may mga kailangang ayusin dito sa bahay mo. Kagaya ng tubo, kuryente, at kung anu-ano pa. Kailangang maayos ang mga 'yon bago pa magkaroon ng problema." mahaba niya pang pagpapaliwanag kung bakit siya rito nagpunta.


Alam kong responsibilidad ng mga nagpapaupa ang mga bagay na tulad ng nasabi nito, pero sa tuwing magkakaproblema naman ako rito ay ako na rin mismo ang umaayos dahil marunong naman ako. Hindi ako kailanman humingi ng tulong sa kahit na kanino. Hindi kailanman dahil ayaw kong may ibang taong makakapasok sa bahay ko.


"H-hindi pwede..." mahina at nauutal ko pa ring sagot.


Nangunot naman ang kanyang noo dahil sa sinabi ko.


"Ha? Bakit naman?" kaswal niyang tanong sa akin.


Dahil sa labis na takot ay hindi ko na nakontrol ang aking sarili na pagtaasan na siya ng boses.


"Basta, hindi pwede!"


Dahil sa aking inasal ay mas lalo siyang nagtaka, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nagbalik din ang ngiti niya.


Ang akala ko ay hanggang doon na lamang iyon, pero lalo nang dumoble ang aking kaba nang magsimula siyang humakbang patungo sa aking pwesto.


Kahit ilang linggo pa lamang kami nitong magkakilala ay alam ko kung ano ngayon ang binabalak niya. At dahil din sa kanyang angking kakulitan ay alam ko kung anong ideya ang mayroon ngayon siya.


"Eto naman! Kahit magkuwentuhan na lang tayo! Wala naman pasok bukas, eh! Mamaya ka pa naman matutulog, 'di ba? Saka mamaya pa naman yata kayo mag-uusap ng boyfriend mo kaya hindi naman kita maiistorbo." pagpupumilit niya pa habang patuloy na lumalapit sa kinatatayuan ko.


Agad kong hinarang ang aking mga kamay sa pintuan ng bahay ko. Sa ipinapakita niya ngayon ay sigurado na akong gusto niya talagang makapasok dito.


"Kim, hindi pwede!!" sigaw ko na sa kanya sa pagkakataong ito.


Napahinto siya sa aking tapat at alam kong nabigla siya sa pagsigaw na ginawa ko. Ngunit tulad ng inaasahan ay muli niya ring ibinalik ang kanyang pagkakangiti makalipas lang ang ilang segundo.


Christmas LightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon