Chapter 16

1K 105 15
                                    

JAM'S POV

Kinabukasan ay balik sa normal ang lahat. Naroon pa rin si Kim sa labas ng bahay at naghihintay sa akin tuwing papasok kami ng opisina.



"Guys, ilang araw na lang bago ang Christmas Party na natin. At bago 'yon dumating, siyempre, may bunutan tayo para sa exchange gift. At dahil may exchange gift nga, hindi mawawala ang Kris Kringle. Bring something soft bukas para sa ka-monito o ka-monita n'yo." nakangiting pahayag ni Steff sa aming lahat.



Hindi ko maiwasang mapataas ng isang kilay sa kanya. Kunwari pa ang babaeng ito. Malamang ay nag-e-expect na naman siya ng isang sako ng marshmallow na kanyang paborito. Ginamit pa ang event na Christmas Party para lang makuha ang gusto.



"Ang gastos naman, Ms. Steff! Hindi ba pwedeng 'wag na lang? Magbibigay din naman tayo ng regalo sa Christmas Party, eh! Meganern pa talaga?" apila ng isa naming kasama. May punto naman siya.



"Nagrereklamo ka ba?! Kaya nga something soft lang 'di ba?! Isang beses ka lang magbibigay! Magdala kayo ng marshmallow para sa ka-monito n'yo bukas na bukas! Tapos ang usapan!" pagtataray ni Steff sa isa naming kasama.



Hindi nga ako nagkamali, iyon talaga ang dahilan niya — para sa nakakaumay na marshmallow niya.



Noong isang araw pa kami nagkaroon ng palabunutan. At kung sinu-suwerte ka nga naman, si Steff pa ang nabunot ko.



"Jammy, mauna ka na, ha? May bibilhin pa ako sa mall, eh. Mag-iingat ka sa pag-uwi." nakangiting pagpapaalam sa akin ni Kim matapos ang panibagong araw ng aming pagtatrabaho.



Sasabihin ko sana sa kanyang sabay na lamang kaming lumabas dahil plano ko rin na bumili ng marshmallow para kay Steff, pero nakaramdam ako ng hiya dahil kitang-kita ko ang excitement sa kanya. Pakiramdam ko ay maiistorbo ko lang siya sa pamimili niya. Dahan-dahan na lamang akong tumango bilang pagsang-ayon sa kanya.



Mabilis na umalis si Kim sa aming opisina at naiwan akong nag-aayos pa rin ng aking gamit.



Habang sakay ng jeep patungo sa mall, hindi ko maipaliwanag dahil nakakaramdam ako ng kalungkutan. Pakiramdam ko ay may kulang. Hindi ko na rin dinadala ang aking earphones para makinig ng music simula nang nakakasabay ko si Kim sa biyahe kaya wala akong pampalipas-oras. Marahil ay naninibago ako dahil walang madaldal sa tabi ko.



Nang makarating ako sa mall ay dumiretso lamang ako sa supermarket para sa pakay kong marshmallow. Hindi na rin ako nagtagal pa roon kaya matapos ko iyon bilhin ay nagdesisyon na rin akong umuwi.



Ilang hakbang na lamang sana ay mararating ko na ang labasan ng mall, ngunit bago pa iyon mangyari ay natigilan ako nang makita ko ang imahe ni Kim na nakapila sa loob ng isang bookstore.



Pinagmasdan ko siyang mabuti mula sa aking pwesto. May hawak siyang isang box at makikintab na pambalot ng regalo habang nakapila sa counter na naroroon.
Iyon marahil ang sinadya niya rito. Bumili siguro siya ng regalo para sa isang tao.



Sa halip na puntahan pa si Kim ay ipinagpatuloy ko na lamang ang aking paglalakad palabas. Hindi ko na tinawag ang kanyang atensyon dahil inisip kong ayaw niyang ipaalam ang bagay na iyon. Ngayon ay naging malinaw na sa akin kung bakit hindi niya ako niyayang magpunta rito sa mall — iyon ay para may privacy siya na makapamili ng regalo para sa ka-monito niya.



Hindi ko maintindihan sa aking sarili, pero nakaramdam ako ng inis dahil hindi ako isinama ni Kim.



"Bibili lang naman ng regalo, ayaw pa akong isama! Eh, 'di mag-isa ka!" bulong ko habang naglalakad palayo.



----------

All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.16.2018

Christmas LightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon