Chapter 5

988 54 13
                                    

Hindi pa rin maalis sa isip ko ang sinabi ni Elaine kanina. Hindi ko naman sukat akalain na si Ziff pala ang tinutukoy niyang King of the Gorgeous Ones. Malay ko ba? Pero sa bagay, kung titingnan nga naman sa itsura ni Ziff, hindi maipagkakailang siya na nga ang pinakapoging lalake sa school na 'to.

"'Oy, girl, anong nangyari? Okay ka lang ba?" bungad na tanong sa 'kin ni Lei pagpunta ko ng canteen.

Napansin kong nagtitipon na naman silang magkakaibigan sa iisang table, at mukhang hinintay talaga nila ang pagdating ko.

Umupo ako sa isang bakanteng upuan sa tabi ni Liza. "Pasensya na kung ngayon lang ako."

Nabakas ko sa mga mukha nila ang pagtataka at nabasa ko na rin kung ano ang mga iniisip nila. Malamang gusto nilang malaman kung ano ang nangyari sa 'min nina Elaine kanina.

"Oh, Cess, ano, huh? Bakit ka sinama nina Elaine?" may halong pag-aalalang usisa ni Lyn. "Sa'n ka nila dinala?"

"Sinaktan ka ba? Sabihin mo. Jujombagin ko 'yong mga hampaslupang 'yon!" pabirong sambit naman ni Liza.

"Naku. Kilala ko pa naman 'yon sina Elaine," singit ni Lei. "Masasamang tao talaga 'yong mga 'yon. Subok ko na 'yan."

Tumawa ako nang pilit. "Ano ba naman kayo? OA n'yo naman! Walang nangyari sa 'min."

Napakasinungaling ko talaga.

Bahagyang lumapit sa 'kin si Laura nang may mapansin siya sa mukha ko. "Hala, friend. Eh, anong nangyari sa mukha mo? Bakit namumula?"

Agad kong tinakpan ang itinuro niyang parte ng mukha ko sabay sabi ng, "Ano ka ba? Mga tigyawat ko lang 'yan! Tagsibol, eh, kaya namumula." Tumawa na naman ako nang pilit.

"Ah, akala ko naman kung ano na, eh," aniya.

Matapos ang break time ay agad na kaming bumalik sa classroom. Dahil PE ang sumunod naming subject, pinababa na kami ni Sir Mike ng Main Building at pinapunta na sa covered court. Kalahati lamang ng court ang nagamit namin dahil kasalukuyang nagpa-practice ang basketball team ng school namin dito. Hindi rin naman namin pwedeng gamitin ang open court dahil tirik na tirik ang araw ngayon.

"Okay, Grade 10-Love, listen up, listen up!" wika ni Sir Mike kaya tumahimik na kaming lahat. "I want you to form yourselves into two lines, okay?"

"Yes, sir!" tugon naming lahat at agad nang bumuo ng dalawang linya.

Napunta ako sa pinakalikuran kasama sina Lyn. Sa kasalukuyan, naka-arms forward kami gaya ng utos sa 'min ni Sir. Habang nagdi-discuss siya tungkol sa body exercises, nakarinig na lang ako ng mga ingay na nagmula sa may likuran ko—ingay na nagmula sa kababaihan. Mukhang may pinaghihiyawan yata sila. Sino kaya? Si Ziff ba?

Lilingon na sana ako patalikod nang biglang magsalita si Sir.

"Okay, let's start! Humarap na kayo sa opposite n'yong linya," aniya. "Kung sino ang makakaharap n'yo, malamang 'yon ang magiging ka-partner n'yo."

Sinunod naman namin ang sinabi ni Sir kaya agad kaming humarap sa kabilang linya namin. Laking gulat ko naman nang makita ko kung sino ang magiging partner ko. Si Ziff lang naman. Dahil dito, napatingin tuloy nang masama sa 'kin si Elaine at pinagtaasan ako ng kilay. 'Yong mga kaibigan niya naman ay minata ako. Hay, naku. Tiyak na pag-iinitan na naman ako ng mga 'to.

"Okay, pair up na kayo!" utos ni Sir.

Hindi muna ako umalis mula sa kinatatayuan ko dahil baka mamaya niyan, eh, kung ano pa ang isipin nina Elaine. Kaya naman, hinintay ko na lang na si Ziff ang maunang lumapit sa 'kin.

"Hi, Cess," bati ni Ziff nang malapitan na ako.

Tipid na ngiti lamang ang siyang naitugon ko sa kanya. Hindi ako umimik. Marunong naman kasi akong dumistansiya kung kinakailangan. Alam ko rin naman na hindi ako nababagay na makipag-usap sa mga taong katulad niya.

Your Face (Your Series #1)Where stories live. Discover now