Chapter 5

47.8K 1.1K 33
                                    

Biglang natigilan si Agwee, sabay lingon sa babae. Paano nito nalaman? "Ano'ng sinasabi mo diyan?" pagkakaila niya.

"Narinig kong minsan daw na nadulas si Lola Ising at sinabing mayaman daw ang totoo mong ama. Sorry kung nanghihimasok ako. Naisip ko lang na hirap na hirap ka na, baka sakaling makatulong siya sa 'yo."

"Hindi," aniya. Wala na siyang ibang maisip sabihin. Ni hindi niya alam kung ano ang hitsura ng totoong ama, bukod sa nangako na siya sa sarili na hinding-hindi hahanapin ang isang ganoong klaseng tao. Madalas niya noong maisip na magsisisi ang lalaki sa pagtalikod sa kanilang mag-ina, pero lumipas na sa kanya ang panahong iyon. Wala na siyang makapang totoong galit sa dibdib para sa isang taong hindi nakilala. Siguro, noong teenager siya ay puno siya ng galit tulad ng ibang teenager, iyon bang tinatawag na "angst." Pero ngayon? Wala na. Wala na siyang pakialam sa taong iyon.

May sama ba siya ng loob? Wala. Wala siyang maramdaman, actually. Hindi siya naghahanap ng kahit na anong kalinga ng ama, kahit noon ay naitatanong niya sa sarili kung ano kaya ang pakiramdam na buo ang pamilya. Ang simpleng katotohanan ay madaming kaso na tulad ng sa kanya. Kung tutuusin, masuwerte pa ang kanyang ina na nakakuha ito ng isang pag-aari, hindi tulad ng iba niyang kakilalang inabandona na lang isang araw ng magulang, kung hindi man ama ay ng ina. Pare-pareho lang siguro ang mga tao, mga walang-hiya by nature. Nagkataon lang na hindi kailangang kumuha ng lisensiya bago magkaanak kaya madaming mga tulad niyang lumaking iisa ang magulang. Mas maigi pa rin kumpara sa ibang walang magulang ni isa.

Ni hindi dumaan sa isip niya ang tunay na ama nang dahil sa problemang kinakaharap ngayon. Kahit alam niya ang pangalan nito at nasa notebook ng ina ang address ng lalaki. Hindi niya sigurado kung doon pa rin nakatira ang lalaki, o kung buhay pa ito. Isang bagay ang itinuro sa kanya ng ina—ang huwag ipagpilitan ang sarili sa isang taong ayaw sa kanya. Bakit nga naman siya magpapakilala sa isang taong ni hindi nag-abalang silipin siya nang siya ay isilang?

Wala siyang nabuong kahit na anong image ng ama sa isip. Hindi kasi nagkukuwento ang kanyang ina tungkol dito. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa dalawa, pero sigurado niyang hindi napilitan ang kanyang ina dahil minsan nitong sinabi sa kanya, "Salamat na naging tanga akong isiping mamahalin ako ng tatay mo at nabuo ka."

Mahal na mahal siya ng ina, iyon ang kanyang sigurado. Ganoon din ng kanyang lola. Hindi nagkulang ang mga ito sa kanya. Nagkataon lang na nagkaroon ng problema ang lola niya noong huli at nakasama siya sa problema. Iniisip niyang baka mas mainam na ibenta na lang niya ang ilang bahagi ng farm, pero labag na labag iyon sa kanyang loob. Kaya nakikiusap pa siya ngayon sa mga taong nautangan ng matanda.

Nakalapit na siya sa abogado at ang sabi noon, hindi daw niya obligasyon ang utang ng kanyang lola dahil wala daw ebidensiyang siya ang nakinabang sa pera. Wala rin daw assets ang matanda na puwede i-liquidate para punan ang utang nito. Pero paano niya naman magagawang takbuhan ang ibang utang kung taga-roon din sa kanila at hindi naman mayayaman? May isa pa ngang napahagulgol dahil pang-tuition pala ng mga anak ang ipinahiram sa lola niya.

"Sorry na, Ate, naisip ko lang naman," patuloy ni Pipay.

Hindi pa rin siya umimik. Nagpatuloy sila sa pagsasalansan ng mga bakal. Madami-dami ding naipon sa kamalig. Siguro ay ilang libo din ang makukuha niya mula roon na gagamitin niya ang iba na pambayad sa utang, habang ang iba naman ay para sa sariling gastusin, at ang matitira ay gagamitin para sa kaunting puhunan. Gumagawa siya ng daing at iba pang pagkain. Umaasa siyang mapapaikot ang pera, kahit paano. Matatagalan ang pagbabayad niya sa mga utang, pero siguro ay kakayanin. Mayroon ding maibababang mga buko sa susunod na buwan. Eksakto iyon dahil Disyembre na, magtataas ang presyo ng buko.

Pagod na pagod siya matapos ang pag-aayos ng mga gamit. Magkatabi sila ni Pipay sa isang bangko, kumakain ng pan de coco. Iyon na ang pananghalian, merienda, at hapunan niya. Alas-kuwatro pa lang ng hapon pero siguro ay makakatulog na siya ng alas-sais.

Naglakad na sila ni Pipay pabalik sa bahay. May ilang gamit pa doon na puwedeng ibenta pero ayaw niyang galawin dahil ang bahay na iyon na lang ang naiwan ang kanyang lola at naroon pa ang bakas ng kanyang ina. Hindi pa man nakakapag-init ang puwit sa sofa ay may narinig na siyang tunog ng sasakyan. Tumayo siya at sumilip sa bintana. Isang kotse ang dumating. Agad siyang lumabas, kabado. Sa tuwing may darating nang hindi inaasahan ay kinakabahan siya at baka isa na namang maniningil.

Bumaba sa sasakyan ang isang lalaking naka-polo barong. "Magandang hapon."

"Magandang hapon naman din po. Ano po ang atin?"

"Aguida Ramos?"

"Ako nga po. Sino po sila?"

"Attorney Ocampo. Puwede ba tayong mag-usap?"

Tumango siya at pinatuloy ang lalaki. Inabot nito sa kanya ang isang folder na agad niyang binuksan. Mga dokumento ang laman noon. Nabigla siya nang makilala ang sariling pirma.

"A-ano po ito?"

"Ginawa mong collateral itong property sa loan. Anim na buwan ka nang hindi nakakapagbayad. Representative ako ng Rural Bank of Bernardino."

Napanganga siya. Nang matauhan ay inisa-isa niya ang mga dokumento. Naalala niyang mayroong pinapirmahan sa kanya ang lola noon, pero ang sabi nito ay para daw lang iyon sa permit sa munispiyo. Noon pa man, isang kakilala ng matanda ang nag-aayos ng mga papeles nila sa munisipyo. Ang sa kanya lang ay ang makompleto ang mga libro, na madaling gawin. Okay lang sa kanya dahil wala siyang oras maglakad-lakad ng mga ganoon. Aminado siyang hindi na binasa pa ang mga papeles at pumirma na lang nang pumirma, lalo na at itinuturo na lang sa kanya ng lola kung saan-saan siya dapat lumagda.

Bigla siyang napahagulgol. "A-ano po ang ibig-sabihin nito?"

"Hindi mo ba natatanggap ang mga sulat?"

"Wala po ni isang sulat ang dumating."

Nagtaka ang abogado at tiningnan ang papeles. "Ah, hindi dito naka-address ang mga sulat. Dito." Itinuro nito ang address ng tabernakulo ng kulto. Received and lahat ng sulat, may pangalan ng nakatanggap doon.

"Attorney, ano po ang gagawin ko? Hindi ko po ito alam."

"Kaya nga nandito ako. Maganda naman at sa maliit na bangko ka nagsangla. Kung sa iba 'yan, tatlong buwan pa lang may problema ka na. Basta mabayaran mo ang interes at ang anim na buwang hulog, wala namang problema." Ipinakita nito sa kanya ang total ng babayaran niya—mahigit dalawang-daang libong piso! "Bibigyan kita ng dalawang linggo, ano? Kapag hindi mo na-settle, magkakakaso ka. Pero iniiwasan din naman namin ito kaya magkasundo na lang tayo."

Nakiusap siya rito. Ang pinakamalaking palugit na naibigay ng abogado ay hanggang isang buwan at kapag nakalagpas doon ay dadagdag na ang babayaran niya para sa buwan na iyon. Kulang treinta mil kada buwan ang hulog para sa isang milyong pisong loan. Nanglata si Agwee.

Nagpaalam na ang abogado. Parang gusto ni Agwee na magwala. Ni hindi pala niya puwedeng ibenta ang bahagi ng farm dahil nakasangla ang buong farm! Kahit ibenta niya ang mga gamit sa bahay, hindi aabot ng dalawang daang libong piso iyon. Ang pinakamalaking kaya niyang makuha mula sa pagbebentahan ng gamit ay treinta mil siguro. Wala na siyang maisasangla pa. Wala nang ibang maibebenta pa.

Hindi siya makapayag na nakuha na lang lahat ng perang iyon ni Pastor Mercado. Nanggagalaiti siya, halos manginig na sa galit. Agad niyang pinadalhan ng text message ang isa sa mga na-scam. Agad siya niyong tinawagan, pero sa huli, matapos niyang mapaiyak sa galit ay wala rin silang naisip na gawin kundi ang mag-picket sa Linggo at hintayin ang meeting sa mayor. Sa Linggo ay haharangin nila ang lahat ng gustong magsimba sa kulto! Kung hindi man nila maharang ang mga iyon, mailantad man lang nila ang pang-scam ng kulto.

Sa kabila ng matinding pagod, natagpuan ni Agwee ang sariling nagtatabas ng karton para gawing placard. Pininturahan niya iyon ng: God knows Judas not pay! PASTOR MERCADO JUDAS, SCAMMER! Mukhang wala na siyang pagpipiliang gawin kundi ang lumapit sa media kung hindi sila papansinin ng mayor ang kanilang hinaing.

_____________

Don't forget to vote and comment.

Support my page by giving it a like: www.facebook.com/vanessachubby

Writers collab page: www.facebook.com/theromancetribe

Gods of Halcon 1: Davide Castillejo - COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon