Chapter 9

41.5K 1.6K 58
                                    

KABADO si Agwee. Normal lang sigurong mangibabaw ang kaba kahit pinakbet na emosyon ang nasa sistema niya. Kaba, galit, frustration, lungkot. Ang kaba niya ay mula sa pag-aalala na may halong takot. Hindi araw-araw na haharapin ng isang tao ang ganitong sitwasyon. Pero may mga bagay na mahirap mang gawin ay kailangan. Kapit sa patalim 'ika nga.

Sa gitna ng kanyang mga problema noong nakaraang linggo ay biglang dumating ang kanyang ama. Ang kanyang tunay na ama. Ang sabihing nabigla siya ay kulang. Hindi siya makapaniwala na sa ganoong sitwasyon ito magpapakilala.

Noong teenager ay pinantasya niya ang paghaharap nilang mag-ama. Madami siyang mga linyang pang-Famas na nakahandang sabihin sa lalaki. Wala siyang ibang libangan noon kundi ang manood ng lumang pelikula dahil iyon ang bisyo ng kanyang lola. Pelikula at pocketbooks. Kaya naman ang mga nabuo niyang hugot lines ay puwedeng kumalaban sa mga banat nina Maricel Soriano, Vilma Santos, Nora Aunor, at FPJ. Hindi siya naniniwala noon sa mga pang-Bea Alonzo na hugot dahil masyadong makabago, pang-jowa. Kapag tipong para sa amang hindi siya kinilala at ginawa ang lahat para hindi siya maging bahagi ng buhay nito, eighties na linyahan ang pangbanat niya, iyong tipong hindi lang halukay-ube, kundi halukay-langis. Tagos hindi lang sa dibdib, kundi maging sa balumbalunan. Na-imagine niya ang ama bilang isang don na kontrabida sa pelikula, habang ang asawa nito ay mala-Rosemarie Gil.

Pero ang lahat ng pag-i-imagine niya noong unang panahon, tulad ng kanyang kabataan, ay lumipas din. Kusang umalwan ang loob niya bilang rejected na anak. Walang sense magmukmok at ngumuyngoy para sa isang bagay na hindi niya kayang baguhin. Kaya nang magkita silang mag-ama ay limot na niya ang mga hugot-balunan lines. Nagtaka pa siya noong una kung sino ito dahil wala siyang ideya sa hitsura ng lalaki. Walang picture ang kanyang ina. Minsan din lang niya itong hinanap sa internet at hindi naman nakita. Hindi siya mahilig sa internet. Hindi na niya maalala kung kailan siya huling nag-Facebook dahil bukod sa sumasama lang ang loob niya sa mga pangungumusta ng mga ka-batch noong high school, hindi rin siya natutuwa sa mga nagta-tag sa kung anu-anong pa-like na contest. Parang kapag may ganoong contest lang naman siya naaalala ng mga tao. Kung sana ay nakita niya ang ama kahit sa picture lang, naging mas may dating siguro ang kanilang unang paghaharap.

Guwapo pala ang kanyang ama. Bakas pa rin dito ang kaguwpuhan noong bata kaya hindi na nagtaka si Agwee kung paanong nagsuko ng Bataan ang kanyang ina. Bata pa rin noon ang nanay niya dahil twenty years old lang ito nang iluwal siya. Sa batang edad, mayroong guwapong amo na siguro ay nagparamdam dito at 'ayun na nga ang nangyari—nabuo siya at hindi nakilala ang ama.

Noong umpisa, hindi niya nagawang makapagsalita. Ni hindi niya alam kung ano ang tamang maging reaksiyon. Hayun ang taong sinabi ng kanyang ina na ayaw sa kanila, makaraan ang dalawampu't anim na taon, nagpakita na rin sa wakas. Nang matagpuan niya ang boses, tinanong niya kung ano ang kailangan nito. Ang sabi ng matanda ay wala raw, gusto lang siyang makilala. May kapatid daw siya, panganay nito. Nailang si Agwee, natural. Mayamaya ay nagtanong ang matanda kung may gusto raw ba siya sa buhay, at kung baka kaya nitong kahit paano ay punan ang pagkukulang sa kanya. Doon siya parang natauhan at agad na naalala ang sinabi ni Pipay. Baka ang pagdating ng ama ay isang malaking biyaya mula sa langit. At kailangang-kailangan niya ng biyaya.

Hindi siya nagdalawang-isip na ikuwento rito ang lahat. Sa huli, sinabi niya, "Kung totoo pong gusto ninyong makabawi, o makatulong sa akin, sana po tulungan ninyo akong mabawi itong lupain. Ito na lang po ang naiwan sa akin ni Nanay."

Ang sagot nito? "Hija, I will help you if you help me. I will give you whatever you want. I just need to adopt you. Itatama natin ang mali noon. Anak kita. Isa ka sa dapat magmana ng lahat ng pinaghirapan ko."

Halos hindi siya makapaniwala sa narinig at dapat palang hindi siya agad naniwala dahil sinabi rin nito, "Naniniwala akong kailangang magtulungan ng pamilya, hija. At kailangan ng ate mo ang tulong mo. Malalagay siya sa alanganin kung hindi no siya tutulungan."

Nagpaliwanag ang matanda tungkol sa "tulong" na kailangan ng kapatid niya. Naguluhan siya sa masalimuot na kuwento at sa huli ay nabigla nang malaman ang sumatotal—siya ang magiging proxy bride. Actually, proxy asawa. Forever. At hayun, ang mga halukay-langis na salita ay nanumbalik sa isip niya at pinaulan dito. Hinanap lang siya ng lalaki dahil may kailangan ito! Ang "tulong" nito ay hindi libre kundi napakamahal pala ng bayad! Personal niyang kaligayahan ang kapalit. Ano siya, timang para magpakasal sa isang lalaking hindi kakilala? At para saan? Para sa negosyo nito, para maging kapalit ng anak nito na posible daw mademanda. Nunca!

Galit na galit si Agwee at handa nang magwala ngunit hindi niya pinayagang pangunahan siya ng emosyon. Kailangan niyang paganahin ang isip. Umalis ang kanyang ama at sinabing sakaling makabuo siya ng desisyon ay bukas ang pinto nito sa kanya. Talagang ginipit siya nito dahil hindi nag-alok ng tulong na walang kapalit.

Heto na siya ngayon sa bahay nito, naayos na ang mga papeles, legal na siyang anak ng lalaki. Kaunti na lang, papantay na ang kanyang galit sa kanyang kaba. Kitang-kita sa marangyang bahay ang uri ng buhay nitong ipinagkait sa kanya at sa huli ay ibinenta. Napakadali para rito na bigyan siya ng kaunting tulong. TV pa lang sa sala nito ay halos pangbayad na niya sa anim na buwang hulog sa bangko. Nagbigay naman ito ng pera nang pumayag siyang ayusin nito ang papeles, pero hindi buo. Umaasa siyang makakakuha pa ng pera. Salamat na lang at kahit paano ay nakabayad siya sa bangko ng isang daang libong piso, katumbas ng dalawang buwang hulog kaya pumayag ang abogadong ma-extend ng hanggang dalawang buwan ang palugit niya.

"Nandito na si Janet, ang ate mo," sabi sa kanya ng ama, nakangiti.

Hindi alam ni Agwee kung paano nito nagagawang makangiti, sa kabila ng ginawa sa kanya. Pumasok sa bahay ang isang babae. Sopistikada ito, mukhang kaedad niya. Maganda sana ito, kundi lang halatang may pinabago sa mukha. Hindi normal ang sukat at tambok ng mga labi nitong parang makagat lang ng lamok ay sisiritan ng likido.

"Is this her?" tanong nito, nakatingin sa kanya, tumawa. "I'm sorry, dear, I just didn't realize you're so... simple."

Hindi niya gusto ang kapatid. Salamat palang ngayon lang niya nakilala ang buong pamilya ng ama. Pero lalo lang siyang kinabahan, dahil kung ganito ang mga ugali ng pamilya, ano pa ang aasahan niya sa mapapang-asawa? Isang lalaking dahil sa negosyo ay handang magpakasal sa isang babaeng hindi pa nito nakikilala kailanman?

____

Click that star button to help this story reach more people. Thanks!

It doesn't take a lot to support the writer. Just vote and comment on the chapters, and like her Facebook page: www.facebook.com/vanessachubby

The Romance Tribe: www.facebook.com/theromancetribe

Gods of Halcon 1: Davide Castillejo - COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon