Chapter 16

38.9K 1.3K 22
                                    

Nang matapos kumain ay naglipit na si Pipay. Si Agwee ay tumuloy sa kanyang silid. Ayaw na niyang malungkot kaya nagsimula na lang isipin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Habang wala siya sa farm ay sina Pipay ang hahawak noon. Wala naman masyadong kailangang gawin na hindi kaya ng mga ito. Uuwi rin siya madalas para masigurong walang problema. Kailangan lang niyang tumuloy sa Maynila dahil iyon ang inaasahan sa kanya bilang asawa ni Davide. Siguro, habang nandoon siya ay pupunta na rin sa doktor para magbuntis...

Ang saklap, sa isip-isip niya, ang magbuntis nang birhen. Para siyang si Maria. Technically, hindi siguro siya matatawag na virgin kung magpapa-artificial insemination siya, pero parang ganoon na ring lumalabas dahil mabubuntis siya nang hindi man lang nalalasap ang sarap, 'ika nga. Pero ano ang kanyang magagawa kung sa ganito nauwi ang lahat?

Nakatulog siyang iyon ang laman ng isip at nang magising ay nagpunta sa sementeryo para "magpaalam" sa ina, maging sa lola. Nangliliit siya habang nakaupo sa damuhan, sa harap ng lapidang magkatabi.

"Wala naman akong ibang pagpipiliian, 'Nay, 'La. Sana maintindihan ninyo. Ayoko pong mawala ang farm. Ayoko ring mauwi sa walang-wala. Lola, hindi naman po ako galit sa inyo, kahit kung minsan naitatanong ko sa sarili kung ano ang meron sa Alpha Omega para hindi na ninyo maisip ang lahat ng hirap natin sa farm... Malapit na po akong ikasal. Kung nandito ka, 'Nay, malamang na nagalit ka kay Papa na kailangan niyang gawin ang ganito, pero siguro iyon ang dahilan kung bakit suwerte na rin akong sa inyo ako lumaki at hindi sa kanya. Kahit naman ganito lang tayo, mas gusto ko pa rin kaysa nagaya doon sa anak niya. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, 'Nay, 'La, para maging maayos ang buhay ko. Isa lang ang sure, kapag natapos na ang pagsasama namin ni Davide, magiging maayos na ang farm at ang buhay ko. Mag-aaral siguro ako ulit. Bahala na po. Anyway, gusto ko lang sabihin sa inyo ang lahat."

Mabigat ang loob niya, pakiramdam ay binigo ang dalawa. Disappointed kaya ang mga ito sa naging desisyon niya? Siguro. Sinong anak ang hindi bibigat ang loob sa kaalamang nabigo nito ang magulang? Wala siyang pakialam sa ama, pero kahit wala na ang ina ay iniisip pa rin ito.

Mayamaya ay tumayo na rin siya at tumuloy sa Alpha Omega. Ganoong araw ng Linggo ay nagpi-picket sila malapit sa simbahan, kahit makailang ulit na silang pinagbawalan. May isa silang kasamahang may alam sa batas at iyon ang palaging nakikipag-usap sa mga pulis.

Sa hapong iyon ay mas dumami sila. Mas madami na ang lumalantad na naloko ng kulto. Sabihing yayaman na siya ay hindi niya kailanman tatalikuran ang kanilang pangakong papanagutin si Pastor Mercado, maging ang buo nitong pamilya. Inabot na sa kanya ng kasamahan ang isang megaphone. Hindi siya nahiyang magsalita doon. Siya ang na-scam, siya pa ba ang mahihiya?

"Ang perang pinagpaguran nating lahat ay nawala nang ganoon na lang dahil sa pangako ni Pastor Mercado," aniya, puno ng init, puno ng hinaing. "Ang kultong ito ay palaki nang palaki at mayroong mas malaking misyon—ang mag-recruit ng mas madaming miyembro para mas malaki ang makuha mula sa mga nauuto! Mga miyembrong tulad natin ay mga ordinaryong tao lamang na may simpleng mga pangarap sa buhay. Kami, mga ordinaryong tao, ay niloko ng kultong ito. Walang masama sa pananampalataya, pero kung ito ay mayroong kasamang pananakot na ang hindi magbibigay ay mapaparusahan at kung ang aral ay sinasabing nakabase sa pera ang pagkaligtas, ito ay isang scam. Ano ang kultong ito?"

"Scam!" sigaw ng mga kasamahan niya, lahat ay gigil na gigil. Kahit sino sigurong mawalan ng pera ay manggagalaiti rin sa galit.

"Sino ang totong Hudas?"

"Si Pastor Mercado!" sigaw ng mga nanggigigil na tao.

"Ipasara ang Alpha Omega!"

"Ipasara!"

"Papanagutin ang mga Hudas!"

"Papanagutin!"

"Ikulong si Pastor Mercado!"

"Ikulong!"

Pakanta niyang sinabi ang kanilang linyang isinisigaw. "Pastor Mercado Hudas, scammer, ikulong! Pastor Mercado Hudas, scammer, ikulong! Pastor Mercado Hudas, scammer, ikulong!" Kahit lumawit ang lahat ng litid niya ay okay lang. Kahit mamaos siya ay walang problema. Masaya siyang magwewelga. Kahit halos treinta katao lang sila doon sa harap ng simbahan, hindi sila aatras.

Pero sa pagkakataong iyon, mukhang nabigyan ng padulas ng pastor at ng kulto ang mga pulis dahil mayamaya lang ay may dumating nang mobile, lima! Bago pa sila nakapalag ay pinaghuhuli na sila. Kahit anong pangangatwiran ay hindi sila pinakinggan ng mga pulis. Nagwala sa galit si Agwee, pero nang makita niyang nasaktan na ang mga kasamahan ay tumahimik siya, nagpupuyos sa galit.

Sumama sila sa mga pulis, lahat ay pawisan, may dalawang nasaktan. Kahit ang kumukuha ng video ay isinakay sa mobile. Wala silang ebidensiya dahil kinumpiska ang kanilang mga cellphone.

Nang makarating sa presinto ay ni hindi sila kinausap, kundi inilagay sila sa isang maliit na silid. May kasama silang isang pulis doon at bawal daw silang mag-usap-usap. Malinaw na isang paglabag ng batas ang lahat ng ito. Hindi man lang nila puwedeng tawagan ang kanilang mga kaanak. Intimidation. Halos manginig si Agwee sa galit. May mga kasamahan siyang nagsimulang mapaiyak, iyong mga nanay at lola.

"Nasaan ang puso mo?" singhal niya sa pulis.

"Tumahimik ka," anito sa kanya.

"Magkano ang ibinayad sa 'yo ni Pastor Mercado?"

Dahil doon ay inilapat ng pulis sa kanyang bibig ang dulo ng baril. "Sige, paandarin mo pa ang bunganga mo, may kalalagyan ka, pero maganda ka, baka tikman muna kita."

Nangilabot siya dahil malinaw na kaya nitong gawin ang ganoon. Mayamaya ay inilabas ang iba niyang kasamahan, hanggang sa lima na lang sila sa silid. Nanatili ang pulis. Unti-unting kumalma si Agwee. Naisip niyang hindi pupuwede ito. Kapag nakaalis siya doon, maghahalo ang balat sa tinalupan. Ngayon pang may pera na siya? Pero paano siya makaaalis kung walang balak ang pulis na paalisin sila? Ni wala silang kaso pero nandoon pa rin sila. Illegal detention na iyon, hindi ba? Ah, hindi niya alam masyado ang batas pero alam niyang bawal ang ganoon.

Nang lumabas ang pulis ay nag-usap sila ng mga kasamahan. Lahat sila ay nagkaisang ilegal ang ginagawa sa kanila, pero lahat sila ay hindi alam ang susunod na hakbang. May isa siyang kasamahan na nagsabing baka raw hindi na ito magrereklamo pa dahil mukhang malaki ang galamay ng pastor.

"Sa laki ng nakuha niya, kayang-kaya niyang bayaran ang mga pulis. Ano ang laban natin? Ni wala tayong maikaso. Kailan nila tayo pauuwiin? Hinihintay na ako ng mga anak ko. Siguradong nag-aalala na ang mga 'yon."

Sa kasamaang palad, walang naghihintay kay Aguida kaya baka bukas pa siya mapuntahan ni Pipay. Umandar ang isa pang oras at nabigla siya nang palabasin siya ng pulis. Kinabahan siya dahil siya lang ang pinalabas. Akala niya ay kung ano ang gagawin sa kanya pero dinala siya nito sa reception at doon ay nakita niya si Pipay na agad siyang niyakap.

"Ate, akala ko kung ano na ang nangyari sa 'yo!"

"Paano mo nalaman na nandito ako?"

"May kaibigan akong doon nakatira malapit sa simbahan. Nag-post siya sa Facebook ng update. Eh, di nagpunta agad ako dito. Noong nalaman kong naka-detain ka, tinawagan ko agad si Kuya Davide. Katatawag ko lang mga fifteen minutes ago. Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero heto nga, heto ka na."

Hindi alam ni Agwee kungano ang ginawa ni Davide pero maraming salamat dito.

---

Don't forget to vote and comment.
You may like these Facebook pages to show support: vanessachubby and theromancetribe

Thanks!

Gods of Halcon 1: Davide Castillejo - COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon