Chapter 10: Weyla

3.8K 158 18
                                    

Ilang araw na ang nakakalipas mula ng mangyari ang mga di inaasahang pangyayaring naganap sa buhay ni Disha. Kakagising pa lamang niya mula sa mahabang pahinga. Matapos siyang mahanap ng Heneral sa selda agad din siya nitong inuwi sa bahay niya at doon nagpatawag ng manggagamot ng palasyo.

Matapos mapansin ng Heneral na nawawala ulit ang mahal na Reyna agad niya itong hinanap at natagpuan nga niya ito sa selda na halos wala ng buhay dahil sa lamig at natamo nitong sugat na siyang nagpalala ng sitwasyon. Buti na lamang at naipagamot niya agad ang mahal na Reyna. At sa kabutihang palad ay ligtas na nga ito sa kapahamakan.

Tahimik lamang si Disha na nagmamasid sa paligid. Nakadungaw lamang ito sa bintana habang malalim na nag-iisip sa mga nangyari. Nag-aala din siya sa mahal na Hari. Tinatanong niya sa kaniyang sarili kung ayos na nga ba ang mahal na Hari.

Marahang lumapit si Haya sa Reyna. Nag-aalala pa rin ito sa kalagayan ng kaniyang Reyna.

"Kamahalan, may nais po ba kayong kainin para po hindi po kayo mabagot?" tanong ni Haya.

"Ayos lamang ako. Nga pala nasaan si Weyla? Hindi ko siya nakita ngayong araw." tanong ni Disha.

"Ahm, nasa loob po siya ng palasyo. Hindi ko nga po alam kung anong ginagawa niya doon eh. Basta na lamang siya nagpaalam sa akin kaninang umaga at ang sabi niya sa akin may gagawin daw siya. Dalawang araw na nga po siyang laging nagpapaalam sa akin ng ganoon kaaga." sagot ni Haya.

"Bakit? Bukod ba sa akin may iba pa ba kayong pinaglilingkuran?" tanong ni Disha.

"Kayo lang naman po, Kamahalan. Pinili kami ng inang Reyna para sayo, Kamahalan, dahil minsan na kaming naglingkod sa kaniya. Alam niya rin pong malapit po kayo sa mga bata kaya kami po ang pinili ng inang Reyna. Tsaka po masaya rin po kami dahil sa inyo kami napunta. Isang malaking karangalan po iyon." sagot ni Haya.

"Salamat kung gano'n. Masaya din ako dahil kayo ang nagsisilbi sa akin." masayang saad ni Disha.

"Kamahalan, nais niyo po ba akong magluto sa inyo ng minatamis?" suhestyon niya.

"Wag na, ayos lamang ako. Hindi pa naman ako nagugutom." sagot niya. "Magpahinga ka na lamang baka pagod ka na." dagdag nito. Tumango na lamang si Haya bilang tugon at umupo na lamang ito sa may tabi ng pintuan.

Habang dinadama ang hanging dumadampi sa kanila, ang bawat huni ng ibon, at bawat ihip ng hangin sa mga dahon ng puno, pinalibutan sila ng katahimikan. Pero sa pagdating ni Weyla ay nagambala sila.

Umiiyak na dumating ang batang si Weyla. Agad na lumapit ang dalawa sa bata na nag-aalala.

"Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?" tanong ni Disha. Hindi naman makapaniwala si Haya nang makita niyang may sugat na parang latay mula sa isang patpat ang bumakat sa braso ng batang kapatid nito.

"K-Kamahalan, mukhang may nanakit po sa kaniya." nauutal na saad ni Haya. Agad na naagaw ng bata ang pansin ni Disha. May namuong galit sa kaniya nang makita niyang dumudugo ang braso ng bata.

"K-Kamahalan, w-wala po ito." saad ni Weyla na panay pa rin sa pagtangis.

"Anong wala? Ano bang ginawa nila sayo? Sinong may gawa nito sayo?!" galit na sigaw ni Disha na ikinagulat nilang dalawa.

"Kamahalan, ayos lang po ako. 'Wag niyo po akong alalahanin. Hindi naman po masakit. Ayos lang—" natigilan ang bata sa pagsasalita nang hubaran siya ni Disha. Parang nanlumo ang dalawa nang makita nila ang mga sugat sa likod ng bata. Mas lalong sumisiklab ang galit ni Disha.

"Sinong gumawa sayo nito? Sagutin mo ko!" sigaw ni Disha kaya wala ng nagawa ang bata kung hindi ang sabihin ang totoo.

"Si Lady Shiya at Lady Violet po ang gumawa nito sa akin. Hindi ko naman po sinasadyang mabasag ang mga gamit nila. Alam ko naman pong maingat ako pero sinadya po akong tinulak ni Lady Violet. Hindi ko naman po iyon kasalanan." paliwanag nito na siyang ikinagalit pa ni Disha.

Win Back The CrownWhere stories live. Discover now