PABORITONG PAKSA

191 51 62
                                    

Marami ng letra ang ikinasa
Marami na din mga nahabi kong pyesa,
Pero ikaw ang pinakapaborito kong paksa
Kaya madalas kang matagpuan sa mga pahina.

Dalawampu ako noong nakilala ka
Pero teka, kilala na ba talaga kita?
Oo, naniniwala akong nakilala na kita
Okay lang kahit di pa tayo nagkita.

Sa totoo lang, takot akong sumugal sa mga bagay na di sigurado.
Pero sumugal ako sayo kahit ang manalo ay malabo.
Hindi ako sigurado noon kung mahal mo ba talaga ako,
Pero mahal kita kaya desperado akong manalo.

Kahit alam kong maaring isa ka lang panaginip,
Na pwedeng maglaho kapag hangin ay nag-iba ng ihip;
Pero puso ko'y ayaw papigil at naging makulit,
Sa pag-ibig natin ay nagpupumilit.

Ikaw yung pinili ko na paulit-ulit kong pipiliin.
Alam kong may mga bagyo tayong dapat na harapin;
Kaya mahal, kapit sa isa't- isa ay hihigpitan natin,
At ang sugal na 'to ay itutuloy pa rin.

Ikaw yung nilaanan ko ng mga bakanteng pahina
Sa bakanteng espasyo ng puso ikaw ang nagpuna
Ikaw yung palagi kong ibinulong sa mga tala
Hindi ako magsasawang mahalin ka, maubusan man ng tinta.

Mahal, okay lang kahit di mo ko magawan ng tula.
Huwag kang mag-alala, di kita ipagpapalit sa makata.
Okay lang mahal kahit di kita laging nakikita.
Hindi kita ipagpapalit sa kahit ano mang likha.

Huwag mo sanang isipin na may mga pagkukulang ka.
Sapagkat ang maging tapat saakin ay sapat na.
Basta mahal kapag pag-ibig mo ay maglaho na.
Sabihin mo agad kasi tuturuan ulit kita.

Hindi ikaw ang makatang hiniling ko sa bulalakaw
Sa halip binigyan nya 'ko ng paksa at mambabasa at yun ay ikaw.
Paksang mahal ko at mamahalin ako araw-araw
At mambabasang hindi ako iiwan lumubog man ang araw.

Mahal, magbago man ang letrang gagamitin ko
Pa iba-iba man ang emosyon ng mga pyesa ko
Mapanakit man mga titik na gawa ko
Sana ay manatili ka hanggang sa huling pahina ng kwento ko.

Mahal, ikaw ang gusto kong makasama sa bawat pangungusap ng talata.
Ikaw ang paborito kong paksa sa bawat talata ng pahina.
Ikaw ang paborito kong karakter sa bawat pahina ng kabanata.
Ikaw ang gusto kong makasama sa lahat ng susunod pa na mga kabanata.

Gusto kong matunaw sa mga titig mo,
Kung pwede lang maghapong panoorin ang mga mata mo.
Gusto kong ako ang palaging dahilan ng pagkislap nito.
Gusto kong manatili lang sa higpit ng yakap mo.

Kaya mahal kapag nanghina ako, sana ay hahawakan mo pa rin ako.
Sana ay ipaalala mo saakin ang mga salitang isinulat ko sa kwaderno.
Sabay nating tingnan ang pagsikat ng araw sa silangan.
Sabay nating hintayin ang dapit-hapon at ang paglubog nito sa kanluran.

Sabay nating hintayin ang paghinto ng ulan.
Ang isa't isa ay gawin nating kanlungan.
Sabay nating pagmasdan ang mga tala sa kalawakan
At ang pagbago-bago ng anyo ng buwan.

Pero mahal kapag pipiliin mong sukuan ako ay maiintindihan kita.
Kapag nangyari yun mahal ay huwag mo na akong lingonin pa.
Ipagpatuloy mo ang iyong paglalakbay at saakin ay huwag mag-alala.
Ipagpaumanhin kung nasaktan ulit kita.

Pero mahal kung sakaling gusto mong bumalik pa.
Lingon ka lang at ako ay naghihintay pa.
Kahit na ang balikan mo ay malabo na.
Malabo na din kasi mata ko para tumingin pa sa iba.

Pero mga negatibo ay ialis sa isipan
Kapit lang, walang lilisan
Tulang 'to ay pansamantalang tutuldukan
Kita tayo pagkatapos ng ulan 😊

-BloodyPen (YUW)

Mga Nahabing TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon