Palitaw na naman ulit ang haring araw
Kaya bangon para sa panibagong ikaw
Pag-asa ay tanaw sa balintataw
Lumubog man kahapon pero muli ding lilitaw
Pananabik sa tagumpay ay nag-uumapaw
Bangon para buoin ang pangarap na tanaw.
Madapa man, pagtawanan at apak-apakan ng iba
Tapangan mo pa at tatagan ang mga paa
Mga paang handang bumangon ng paulit-ulit
kahit paulit-ulit pang itumba ng tadhana
Kaya tayo, tayo ay may kanya-kanyang problema
Madalas madapa mula pagkabata
Nilagpasan ang kahinaan, tatayo kahit pinagtawanan nila.
Mga binasurang tula bukas ay babasahin nila
Mga hindi pinansing kanta bukas ay papakinggan nila
Bumangon ka, tuloy lang kahit minamaliit ng mga mapang-mata.
Hayaan mo, bukas makalawa ay titingalain ka nila.
Dating hindi pinapakinggan ay tatangkilikin
Kaya paumanhin mga mapanghusga
Itutuloy ko ang paglalakbay kahit madilim
Pagkatapos nitung ulan haring araw ay makakangiti rin
Putik ay aking lilisanin at tagumpay ay aangkinin.
May mga araw na pagod na pagod ka na
Pero bangon kahit parang ayaw mo na magtrabaho
Iwan na ang higaan at maligo
Isuot ang paboritong damit at magpabango
Upang kahit papanu ay hindi maamoy ang baho ng mundo
Huwag kalimutang magsuot ng relo
Upang maalalang mahalaga ang bawat minuto
Bangon kahit ayaw mo ng masilayan ang mundo
Pero pare payong kaibigan lang
Dito sa mundo, talo ang susuko
Huwag magpahila sa mga pinanghihinayang ala-ala
Subukan ulit tuparin ang mga Sana.
Huwag aantok-antok, bangon!
Huwag tatamad-tamad, bangon!
Bawal ang uupo-upo, tayo!
Bawal ang hihiga-higa, tayo!
Bangon, tayo, at simulang Isabuhay ang mga panaginip mo
Gumising ng maaga sa halip na managinip ng gising.
Sapagkat ang mabuo ka ay matagal ng nakasulat sa propesiya.
Hagupitin man at pagkaitan ng pagkakataon
Hindi man sang-ayonan ng panahon
Lunurin man ng problema ay kailangan mong umahon
Kahit walang mag-abot ng kamay para tumulong.
Alam kong sa utak mo ay may bumubulong
Huwag makinig sa mga negatibong alulong
Gawing inspirasyon ang tawanang umuugong
Kay-ilap ng liwanag ayaw na ayaw umayon
'Yan ang mahirap habang umaahon
Pero madilim man ang kasalukuyang kabanata
Yakapin man ng unos at epidemya
Sandaling ipikit ang mata pero bawal magpahinga
Baka sa byahe ay maiwan ka
Kahapon ay may nakita akong batang natumba
Napatid yata ang mga paa sa maling hakbang na nagawa
Hindi ako natawa
Sapagkat walang nakakatawa sa mali ng iba
Sa halip ay tinulungan ko syang bumangon
Siya nga pala ang sarili ko
Nakapagdesisyon na ako
Sa halip na kalabanin, sarili ko'y tutulungan
Pagkatiwalaan ang pangarap na sinimulan
Malugmok man ay hindi tatalikuran
Ilang beses man matalo sa laban
Pag-iigigihan ko pa para mas maiparating ang mensahe ng kanta
Hindi man kasing-husay ni Loonee at Abra
Hindi rin mala Aklas at Sinio kung magpapatawa
Hindi katulad ni Balakid at Mhot kung maghabi ng letra
Pero tulad ko ay naranasan din nilang matumba
Kaya pipiliin kong tularan sila
Kaya sa pag-ahon kong ito, baon ay pag-asa
Babangon ako para buhayin ang bida ng storya
Nakasulat sa Propesiya ay lalagyan ko na ng bisa.
_BloodyPen
BINABASA MO ANG
Mga Nahabing Tugma
PoetryMga tula -sa iba't ibang panahon (noon at ngayon) -sa iba't ibang sitwasyon -sa iba't ibang paksa