PLANETA

83 11 0
                                    



Unang Yugto, magkaiba ang mundong kinamulatan,

Magkaiba rin ang tinatahak na daan, ika'y wala pang pagkakakilanlan.

Naglakbay ng hindi magkasabay ang ikot ng ating orasan,

Naglakbay sa kabihasnan at may iba't ibang kinahiligan,

Ginuhit ang kanya-kanyang kapalaran, at ang makilala ka'y hindi ko inasahan.

Puso'y nasugatan sa iba't ibang paraan at magkakaibang mga dahilan, hanggang sa-


Ikalawang Yugto, sa pag-ikot ng mundo ay nag-iba ang pagkakapwesto ng mga bagay sa paligid ko.

Nagpalit ng mga pahina ang kalendaryo at buwan ay nagpabago-bago ng anyo,

Nagkaroon ng maliit na siwang sa bintana ng kwarto ko,

Sumilip ako at napag-alaman kong meron palang ikaw sa kabilang ibayo.

Hindi alam kung anong elemento ang sumanib sa aking pagkatao, ano ba'tong nararamdaman ko?

Ayoko ng ganito, delikado ang sementong pader na tinayo ko. Dumating ang-


Ikatlong Yugto, tuluyan ka na ngang pumasok sa sirkulasyon ng buhay ko.

Inukupa mo halos lahat ng parte ng utak ko hanggang sa naglandas ang mundo mo sa mundo ko-

Gumawa tayo ng sariling daigdig subalit para tayong buwan at araw na pinagkaitan ng tadhana,

Kung pwede nga lang araw-araw humingi ng eklipse para ika'y makasama.

Tayo'y mula sa magkaibang bilog kaya kahit anong sirkulasyon pa ang mangyari ay malabo nga ang tayong dalawa-

Kaya pakiusap lumabas ka sa mundo mo at tuluyang pumasok sa mundo ko o di kaya'y hayaan mo 'ko-

Hayaan mo 'kong pumasok sa mundo mo.


Ikaapat Na Yugto, nagpatuloy ang pagdaloy ng oras at dahan-dahang inilalayo ng orbit ang mundo mo sa mundo ko-

Para kang pluto na patuloy sa paglayo,

Hanggang sa hindi ka na saklaw ng aking pananaw at ang tsansa na makasama ka ay mas lalong lumabo.

Ayoko ng magk'wento, sana ay lumitaw ka ulit sa susunod na yugto-kapag nangyari 'yan sana ay tuluyan ka ng pumasok sa mundo ko-

Manatili tayo sa iisang bilog at samahan mo ako hanggang sa kahuli-hulihang yugto.




Your_Unknown_Writer

Mga Nahabing TugmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon