GITZ, BREAK! #2

25 3 0
                                    

Hi everyone! I'm the heavenly voice of SB19. My name is Stell.

--

"Ako ang pipili sa'yo kapag inaayawan ka na ng mundo."

Nagpaulit-ulit sa isip ko ang huling turan ni Josh bago pa man tuluyang bumagsak ang katawan ko sa pagod, antok, at lasing.

Dahan-dahan pa rin akong umuupo at napapasandal sa headboard pero hindi ko pa rin kaya ang sakit ng ulo ko. Bigong bumalik ang ulo ko sa unan at inilibot ang mata. Nanatili ito sa side table na may isang basong tubig at gamot sa gilid na naiipit ang isang note.

Matamlay ko itong inabot ko at nakita ang handwriting ni Josh.

'Inumin mo muna yung gamot bago ka kumilos. Bibili lang ako ng ulam.'

Sinunod ko naman s'ya. Dilat na dilat na ang mga diwa ko pero napapapikit pa rin ako sa sakit ng ulo dala ng alak. Hindi ko nga naalala na uminom ako ng tubig kagabi. Nanalaytay ang alak sa akin at hindi ko man lang nahaluan ng tubig.

Isinubo ko ang isang tabletang puti sabay lagok ng tubig. Ubos ko ito kaagad kaya ibinalik ko na sa table. Nakaharap ako ngayon sa bintanang nakabukas at nakahawi ang mga kurtina. Kita ko ang araw na naghahari sa kalangitan.

At kahit anong pilit ko sa hindi pag-aalala, kusang pumapasok sa isip ko lahat ng dahilan kung bakit ako nagkakaganito.

Trying hard.

'Yan ang salitang tumatatak sa isip ko kapag nakikita ko ang mapanghusgang mga mata ng tao kapag nakakasalamuha nila ako. Head to toe ang una nilang ginawa kapag nakikita nila kung ano ang suot ko.

Ano nga bang masama sa pagsusuot ng long sleeves na pinapatungan ng oversize shirt? Pantalong hindi naayon sa kulay ng sapatos o sa damit pang-itaas.

"Wala namang masama sa suot mo, ah? Naninibago lang siguro sila..."

Napangiti ako nang masagi sa isip ko ang sagot ni Josh sa akin na may kasamang ngiti.

Isa pa ang pagpuna nila sa pagkanta ko. Hindi naman maikakaila na sobrang ganda ng boses ko, kulang lang talaga sa training at vocalizationizm. Mapait akong napangiti.

Isa sa pangarap ko ang pagiging performer at alam ko na ang mag pagdadaanan ko papunta sa bituing 'yun at kasama na rin itong panghuhusga sa akin...sa amin.

Kahit hindi ko kakilala alam ko ang pasakit na dinadala nila na kapwa kong performer. Isa na rin si Josh pero natutuwa ako dahil malayo na rin ang nararating n'ya. Saka mas matatag 'yun kaysa sa akin.

Ang dahilan naman ng pag-alis ko sa bahay ay iba. Siguro kailangan kong huminga. Kailangan kong mapag-isa. Duwag na kung tawagin pero hindi ko kaya ang problema na kinakaharap ng bahay. Na para bang kapag nakisali pa ako, mas lalo akong dadagdag. Kaya nagdesisyon na lang akong umalis.

Kasabay ng pagiging independent ko, nagsimula na akong humanap ng raket hanggang sa nakilala ko si Josh sa isang audition ng entertainment. Sa sobrang haba ng pila, halos naikwento na namin sa isa't isa ang buhay. Naging malapit kami sa isa't isa. Doon ko na s'ya inanyayahang manirahan sa sarili kong bahay. Dito.

Noong una ayaw pa n'ya pero wala s'yang choice, babawi na lang daw s'ya. Pumayag naman ako kung ganoong ang paraan para mapapayag s'yang tumira sa akin.

Until I entitled this house is our home.

Ilang minuto ang nakalipas at pinakiramdaman ang sariling kaya nang tumayo, umalis ako sa higaan at dumiretso sa baba.

Nakita kaagad ang pintuang papabukas habang pababa ako ng hagdan. Iniluwa nito si Josh na may dalang plastic bag sa magkabilang kamay.

"Oh? Gising ka na pala...nainom mo na ba 'yung gamot?" tanong n'ya habang isinasarado ang pintuan gamit ang paa.

Tumango na lang ako bilang sagot at dumiretso sa island counter at umupo sa high stool.

"Ano 'yang binili mo?" tanong ko sa kan'ya. Inilapag n'ya ito sa tapat ko, sapat na para matitigan kung ano ito.

"ANO 'YAN?!" Napatayo ako bigla dahil sa gulat. Kulay itim ang plastic bag at may kung ano sa loob nito. Kadiring tignan. Napalunok ako.

"Pusit," kaswal na sagot n'ya. Dinampot n'ya ang pusit at inilagay sa lababo. Malinis s'yang kumilos at kalmado, pero nakikita ko ang ngiting nakatago sa mga labi n'ya.

"Bakit 'yan ang lulutuin mo?"

Kumunot ang noo n'ya at bumalik sa harapan ko. Gamit ang siko, dinaganan n'ya ang counter at tumingin sa akin.

"Ayaw mo ba? Hindi ka ba kumakain n'yan?" tanong n'ya pabalik.

Nag-iwas ako ng tingin.

"H-hindi.." Nauutal na sagot ko.

"Pusit? Hindi ka kumakain ng pusit?"

Umiling ako.

Narinig ko ang pag-'tsk' n'ya at umalis na. Hinugasan na n'ya ang pusit at natanggal na ang itim na tinta. Doon nanlaki ang mata ko.

"'Yan ba 'yung ginagawa kalamares?!"

Mahina s'yang natawa. Itinaas n'ya ang isang pirasong pusit na malinis na.

Tumatango s'ya habang papalapit sa p'westo ko. Napatayo na ako at unti-unting lumalayo sa kan'ya.

"JOSH!"

Dahil sa malakas na sigaw ko, napaatras s'ya pero patuloy pa ring tumatawa. 

"Lutuin mo na 'yan! Magliligpit lang ako." Hahakbang na sana ako sa hagdan nang tawagin n'ya ako ulit.

"Bakit ka uminom kagabi?" Maingat na tanong n'ya.

"Nagkalat ba ako?" Binaliwala ko ang tanong n'ya. Umiling naman s'ya.

"Sorry." Matamis akong ngumiti.

Kilala ko si Josh. Isang sorry ko lang, wala na lahat ng tanong sa utak n'ya at mapapanatag ang loob. Pati ang mga mata, lalambot.

Ipinagpatuloy ko ang pag-akyat at nakabalik na sa kwarto. Nakalimutan ko na kung anong gagawin ko kung bakit ako bumaba.

Pagbukas ng pinto, bumungad sa akin ang higaan na naging sandigan ko sa gabi-gabing pag-iyak.

Lumakad ako ng kaunti para makuha ang kumot at itinupi. Sinunod ko ang comforter at mga unan. Napaupo na lang ako sa paanan at napatitig na naman.

Napapagod na ako. Siguro tama na 'yun. Masyado na akong basag sa lahat. Nawawalan na ng saysay ang pag-alis ko sa bahay namin. Umalis ako para may mapatunayan. Umalis ako para mas makilala ko pa ang sarili ko at makilala ng iba.

Tama na siguro, 'no? Simula bukas, tatanggalin ko na lahat ng problema sa isip ko at titigil na ako sa kaiisip kung ano bang mali sa akin.

Hindi lahat ng tao perpekto, hindi lahat ng tao pantay-pantay ang tingin sa'yo. Hindi lahat ng tao kaya kang husgahan, may mga taong maniniwala sa'yo.

'Eto ako, ako ito. Stellvester Ajero.

Ilang minuto ang nakalipas, naririnig ko ang boses ni Josh sa baba na parang may kausap s'ya. Ewan, baka telepono lang.

Pero mukhang nagkamali ako.

Ilang saglit pa ay kumatok si Josh sa pinto at hindi pa ako nakasasagot, binuksan na n'ya ito at pumasok.

"May bisita tayo sa baba," imporma n'ya.

Tumango na lang ako at hindi na nagsalita.

Habang pababa kami ay sinasabi n'ya ang detalye tungkol sa "bisita" namin at nang makatuntong na ako sa huling baitang, natanaw ko ang isang lalaking nakaupo sa island counter.

Tuluyan nang nagpalit ang mukha ko at nagliwanag ito. Ngumiti ako at naglahad ng kamay.

"Stellvester..."

Subside Everything (SB19)Where stories live. Discover now