TITD45

46 4 0
                                    

EKSAKTONG PATALASTAS sa pinapanood nilang teleserye kaya kinuha ko ang pagkakataong iyon para umupo sa tabi nila. Kalalabas ko lang sa kuwarto ni Brix, kung saan nakinood ako ng isang episode sa pinapanood niyang k-drama. Ayaw ko naman siyang kulitin para magbigay siya ng payo niya dahil busy siya. Naisipan kong si mama at papa na lang ang lapitan ko dahil baka may maitulong sila sa akin.

Mahina akong tumikhim para pukawin ang atensyon nila, pero hindi ko nakuha sapagkat nag-uusap silang dalawa. Nakaakbay si papa kay mama habang nasa kandungan niya ang bowl na may lamang popcorn, samantalang abala namang dumudukot si mama ng piraso ng popcorn para isubo pagkatapos niyang sumagot sa mga tanong ni papa sa kaniya.

Kinamot ko ang noo ko pababa sa aking pisngi. Tama bang lapitan ko sila? Sumandal ako at nangunot ang noo kong ibinalik ang pagkakamot sa noo. Ano na nga ulit ang sadya ko?

Hindi ko na maalala iyong sadya ko kung bakit gusto ko silang kausapin. Lumingon na lamang ako sa kanila nang marinig ko ang pangalan ni Jazz.

“Ma, Pa,” pagkuha ko sa kanilang atensyon na hindi naman ako nabigo.

“May problema ba kayo ni Jazz?” tanong agad ni mama, na hindi ko ikinagulat dahil alam kong napapansin nilang hindi kami okay.

Nagiging madalas ang pagtatalo namin tuwing bumibisita siya sa bahay, kaya hindi na rin kataka-taka kung ganito ang itatanong nila sa akin. Kinuha ni papa ang remote para i-mute ang TV. Tapos na ang commercial, pero binalewala ang pinapanood nila.

“Wala naman, ma. Okay lang kami.” Ngumiti ako nang pilit. Iyong ngiting nakakumbinsi para wala silang idugtong na tanong at para makampante sila kahit kasinungalingan lang.

Malalim akong nagpakawala ng buntonghininga. Ipinatong ko ang aking kamay sa mga hita ko. Pasimple akong pumikit at mariing kinagat ang pang-ibabang labi sabay iling. “Nahihirapan akong pumili,” pagbawi ko sa aking sinabi kanina.

Tiningnan ko ang kulay kremang sahig habang hinahaplos-haplos ko ang likod ng kanang palad ko. Nakikipagtalo ako nang palihim sa sarili ko dahil parang mali ang ginawa kong lumapit sa kanila. Gusto ko tuloy umalis dahil hindi ko nagugustuhan ang kaseryosohang nabuo sa buong sala.

“Masaya ako kay Jazz, pero hindi iyon iyong saya na gusto ko,” pag-amin ko. Wala na akong nagawa kundi sabihin ang totoo sa kabila ng nararamdaman kong pagka-ilang.

Natatakot akong baka sa pagkakataong ito ay hindi nila ako maintindihan, kahit na palagi naman nila akong naiintindihan. Lalo na si mama na noong una pa lang ay ayaw niyang mag-level up ang relationship namin ni Jazz bilang best friend sa pagiging mag-boyfriend at girlfriend namin. Naalala ko pa noong new year ang takot niya at parang mangyayari na nga ang kinakatakutan niya, ngunit gusto kong agapan para hindi mangyari.

Napansin kong inilapag ni papa ang bowl sa center table. Pinatay na rin niya ang TV at tiningnan ako. “Napag-usapan namin ng Tito Kitian mo kagabi ang tungkol sa inyo ni Jazz, at sinabi niya sa akin ang napapansin niya na medyo tugma sa napapansin ko rin. Ayaw naman niyang makialam, pero concern kasi siya sa inyo. Lalo na kay Jazz, anak,” wika ni papa na ramdam ko ang kaseryosohan sa boses niya.

Sa tono ng boses niya ay para bang bawal akong magrason sa harap niya dahil sinasabihan ako ng ekspresyon niyang magsabi ako ng totoo at sabihin kung ano ang tumatakbo sa isip ko.

“Gusto sana niyang pag-usapan iyon kagabi at sinabi kong hayaan na lang namin muna kayong ayusin kung ano ang problema n'yo.”

Tumango lang ako sa sinabi ni papa na iyon ang sa tingin kong dapat kong isagot, kahit hindi naman siya nagtatanong. Nag-angat ako ng tingin dahilan para magkatinginan kaming tatlo habang nangangapa ng unan sa tabi ko para ilagay sa kandungan ko.

Today is the DayWhere stories live. Discover now