Fountain

6 1 1
                                    

Bihira lang ako makarating dito sa parke, pero ‘di ko pinalalagpas ang pagkakataon na ‘di makahiling dito sa fountain. Wala namang mawawala kung susubukan ko, ‘di ba? At saka, hiling lang naman ito. Nasa harapan ko ang fountain, hawak ang isang barya. Kapistahan noon sa bayan namin kaya sinadya ko talagang pumarito kahit saglit.

“Sasaglit muna ako sa bakery, ha?”

Napanganga na lang ako’t walang masabi. Gano’n ba ako kahina kapag nandiyan ang presensiya niya? Hindi niya pa rin siguro nahahalata na gusto ko siya, at syempre, ayaw ko rin na mapansin niya iyon. Malayo na siya nang magising ako sa katotohanan.

Nasa tapat ako ng fountain, at inihahanda ang barya na kanina ko pang itinatago. Nagbabakasaling magkatotoo ang hiling ko, pumikit ako at sinambit ang aking hiling sa aking isip: ang mapansin ng katulad niya— hindi siya tulad ng ibang lalaki na mayaman, sobrang talino, na maladyoso ang itsura; isa lang siyang simpleng lalaki na may diskarte at prinsipyo sa buhay.

Iyon lang naman ang hihilingin ko. Sa aking kalagayan, imposible na ako ang piliin niya, at isa pa, kaibigan lang ang tingin niya sa akin. Sa akin niya rin madalas sabihin ang natitipuhan niyang babae— na mas angat pa sa akin.

Inihagis ko ang barya sa tubig sa fountain. Minulat ko ang aking mata at nakita ko siya sa kabilang parte ng fountain, nakatingin sa akin, at tumawa.

“Alam mo, para kang timang,” wika niya. Lumapit siya sa akin at ginulo ang buhok ko. Sinamaan ko siya ng tingin at sinuntok ko siya sa braso, ngunit muntik na mahulog ang dala niya, mabuti’t nasalo ko.

“Oh, ano naman kung mukha akong timang? Nakakatawa ha?” pagtataray ko sa kaniya. Tumatawa lang siya at umakto katulad ng ginawa ko kanina; nakapikit ngunit nasa bandang dibdib ang magkatiklop na mga palad. Pagkatapos noon ay muli na naman siyang tumawa.

“Effective ba ang hiling kapag nakapikit?” tanong niya sa akin. Tumango lang ako bilang sagot at para manahimik na rin siya. Hinarangan niya ako bigla, at naging seryoso ang mukha niya, “May problema ka ba sa akin?”

Napansin niya siguro na tahimik ako kasama siya. Naiilang lang yata ako? Ewan. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at tumitig sa akin. Hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso. “Tingin ka sa akin,” utos niya sa akin. Tumingin nga ako sa mata niya, at hindi ko namamalayang naluluha ako.

Hindi ko alam kung bakit. Bakit kailangan ko pa siyang tignan sa mata? Sa sandaling iyon, kumirot ang aking puso nang ‘di ko alam ang dahilan. “May problema ba tayo?” muli niyang tanong sa akin.

Niyakap niya ako, pero alam kong bilang kaibigan lang. “Kung ano man iyan, sana maging maayos na. Hindi mo naman sinasabi sa akin. Basta nandito lang ako, ha?”

Bilang kaibigan.

Pagkatapos noon ay nagpatuloy kami sa paglalakad. Tahimik lang kami pareho. Walang imikan. Ayaw ko naman siya tignan. Nakakailang na siya ang dahilan ng pag-iyak ko.

Kinabukasan, nagbihis ako para sa misa. Nakahanda na kaming buong mag-anak. Malapit lang ang simbahan kaya lalakarin lang namin. Naroon na kami sa tapat nang biglang magsalita ang ina ko.

“Sandali, naiwan ko ang aking pitaka. Anak...”

Tinawag niya ako at inutusan niya ako na balikan ko raw ang pitaka sa bahay namin, dahil na rin mabilis ako tumakbo. Bumalik ako ngunit may biglang nanghila sa akin papunta sa isang lumang bahay.

“Hoy! May babalikan pa ako sa bahay namin, bakit mo ako dinala rito?”

Itong lalaking ito, minsan nakakabigla.

May binulong siya sa akin. May mga gustong hulihin siya dahil ang isang kapatid niya ay nagtutulak ng droga, marahil ay itinuturo siyang gumagamit din noon. Nasa tamang katinuan naman siya kaya paanong gumamit siya?

“Hindi ko na alam kung saan ako pupunta, Saoirse. Wala akong kasalanan pero pinagdidiinan pa rin nilang gumagamit ako noon. Iba na rin ang tingin ng ibang tao rito sa akin, sabi nila isa raw akong drug addict. Ikaw na lang ang mapagkakatiwalaan ko,” aniya.

Wala rin akong magawa sa kaniya. Gustuhin ko man umalis, ngunit, hindi ko naman tatalikuran ang aming pagkakaibigan para sa pansariling kaligtasan.

“‘Di ba inosente ka? ‘Wag kang matakot, narito ako, okay? Hindi mo iyon saka, nasabit ka lang sa ngalan ng kapatid mo.”

Nagtago kami nang matagal doon, hanggang sa sumuko na sa paghahanap ang mga pulis. Siguro, hinahanap na ako ng pamilya ko— alam kong nag-aalala na sila sa akin.

Nanatili kami sa lumang bahay na iyon hanggang dumilim. Malamig na rin ang paligid at namutawi ang katahimikan ng gabi. Tulog na ang lahat.

“Hmm, Saoirse, naaalala mo pa ba noong humiling ka sa fountain?” tanong niya sa akin. Kinakabahan ako kasi baka kung anong sabihin o itanong niya.

Bigla niya akong pinatayo at hinila palabas ng lumang bahay. Nagmamadali siyang maglakad, kaya medyo kapos ang aking hininga. Pinagpapawisan ako nang malamig, habang siya’y determinado na makarating sa kung saan.

‘Alam ko ang daan na ito. Bakit kaya rito kami pupunta?’

Ang daang tinahak namin ay papuntang fountain. Mabuti na lang at walang tao. Tumigil kami sa harapan ng fountain at agad siyang naglabas ng isang barya.

“Natatandaan mo pa ba nang humiling ka rito? May himalang nangyari sa akin,” wika niya sa akin.

Hindi ko siya maintindihan. Ano bang ibig sabihin niya?

“Tinago ko ito kasi...” Hinawakan niya ang dalawa kong kamay at ibinigay niya sa akin ang barya.

“Anong meron ba?” Nagsalita na ako. Ang gulo niya.

“Hilingin mo ulit ang bagay na hiniling mo noong nakaraan, noong pumunta tayo rito, ngayon mismo sa aking harapan.” Nagulat na lang ako sa tinuran niya. Seryoso ba siya? Paano kung pagtawanan niya ako at lumayo siya pagkatapos kong hilingin ito? O baka, alam na niya?

O sige, pagkatapos nito, tatanggapin ko na, talo na ako.

Pumikit ako muli at sinambit ang hiling ko, “Ang hiling ko lang ay mapansin ako ng lalaking kasama ko ngayong gabi.” Inihagis ko ang barya sa fountain at muling minulat ang aking mata. Agad akong umiwas ng tingin sa kaniya.

“Tama ang hinuha ko. Akala ko na...”

Bigla niya akong niyakap, habang napalilibutan kami ng mga pulis.

“Bitawan mo ang babaeng iyan, kung ayaw mong mabaril!” sigaw ng isang pulis.

Mahigpit siyang nakayakap sa akin, ibinubulong ang mga salitang, “Mahal kita.”

Isang malakas na putok ng baril ang tumama sa kaniya. Hanggang sa mawalan siya, iyon pa rin ang naririnig ko sa kaniya. Bigla na lang bumuhos ang aking luha, tila nabingi ako at ang tangi kong nakikita ay ang liwanag ng mga sasakyan ng mga pulis, at bulto ng mga taong ‘di ko maaninag ang mukha.

PanoramaWhere stories live. Discover now