Untitled Horror Story 1

2 1 0
                                    

Sa isang masikip na kwarto, naroon ang tatlong lalaking abala sa pagsasaayos ng mga pekeng papeles. Magtatakip-silim na ngunit tambak pa rin mga gawain nila. Umunat muna si Timothy saka tumayo sa kinauupuan.

“Uuwi na ako ha. Kayo na ang bahala rito. Kailangan ko pang sumipot sa pinag-usapan namin ni Ka Zalde.”

Inaayos niya ang mga papeles sa kaniyang mesa at isinilid sa kabinet na malapit sa kinauupuan niya. Nakatingin lang ang dalawa sa kaniya, akmang magrereklamo ngunit wala nang magawa dahil nawala na sa paningin nila ang anyo ng lalaki. Humugot ng hininga si Lorenzo at ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.

Alas siete ng gabi, naroon pa rin sila. Tapos na sa ginagawa niya si Imo, isa sa mga lalaking naroon sa kwarto na iyon, kaya inayos na rin niya ang mga pinagkaabalahan niya.

“O siya, ako’y uuwi na. Ikaw na rin ang bahala rito. Nandiyan na rin ang susi, at saka baka mahuli tayo ng mga pulis gaya no’ng nasa balita noong nakaraan.”

Umalis na si Imo at naiwan na lamang si Lorenzo. Nakakalat ang ibang mga papel sa sahig, pati na rin ang mga hindi pa nagagamit. Nakabukas pa rin ang mga printer na ginamit ng dalawang nauna. Sa kaniyang mesa, nakalagay Ang mga papeles na nagpapakita ng mukha ng may pangalan, mga salitang “Quarantine Pass,” mga pekeng medical records, pekeng business permits, at iba pa.

Itinago niya ang mga ito sa kabinet. Inayos niya ang mga dapat ayusin at mga linisin. Sumilip siya sa bintana at nakita niya ang medyo madilim na daanan.

Saglit muna siyang umupo at umidlip dala ng pagkangalay at antok. Napakatahimik at nag-iisa lang siya kaya tamang-tama lang sa kaniya ang atmospera.

Nagising siya sa sigaw ng isang lalaki. Pamilyar ang boses nito ngunit tila walang nakakarinig dito. Mukhang doon pa sa silid patungo ang lalaki.

Nagtago siya sa ilalim ng mesa. Bumukas bigla ang pintuan at tinawag siya nito.

Sumilip muna siya bago tumayo. Mukhang pagod na pagod ito, at hingal. Bakas sa mukha nito ang masidhing takot, kaya naman ay agad itong tumayo upang kausapin ito. Biglang nagliwanang ang mukha nito noong makita ang presensiya niya.

“Hindi kapani-paniwala ang sasabihin ko, Renz. Pero, nakakatakot talaga noong nakita ko ito!” balisang wika ni Imo. May bakas ng dumi sa damit nito kaya naman nagtaka si Lorenzo.

“Ano bang nangyari, Imo? Bakit ganiyan ang itsura mo?”

Isinalaysay lahat ni Imo ang nakita niya. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Lorenzo. Gusto na niyang umuwi ngunit parang hinihila siya sa silid na ito dahil sa takot.

“Gusto ko nang umuwi, Renz! Hinihintay na ako ng mag-ina ko pero takot pa akong mamatay! Ano na’ng gagawin ko?”

Binuksan ni Lorenzo ang pintuan, at ang tanging nadatnan niya ay isang napakadilim na daanan. Isinara niya itong muli at sumilip sa bintana. Iba ang nakikita niya. Wala na ang mga kalapit na gusali. Ang silid na kinalalagyan nila ngayon ay tila nasa gitna ng isang bukirin.

‘Paano nangyari ito? Nasa Maynila kami kaya paanong nasa bukirin kami?’

Hindi na nila alam kung nasaan na sila kaya naman may naisip si Lorenzo. Kinuha niya ang kaniyang cellphone sa bulsa at kumonekta sa WiFi na mayroon sa gusali. Nagtataka siya dahil paanong itong silid lang nila ang may kuryente sa lugar na iyon?

Naghanap siya ng mga impormasyon na maaaring makatulong sa kanila mula sa internet, pero ang lumabas na mga teksto ay "This site can't be reached."

Naisip niya na lamang ay lumabas ng silid kasama si Imo. Sa una, ayaw ng lalaki ngunit kalaunan ay pumayag na ito.

Matataas ang mga damo, kaya naman mahirap para sa kanila ang makadaan. Pinagpatuloy lang nila ang paglalakad ngunit parang walang katapusan ang bukirin. Mistulang ang mga nasa malayo ay lalong lumalayo, at lalong dumidilim. Wala ni bituin o buwan man lamang sa kalangitan.

Diretso lang sila sa paglalakad. Nakatanaw lamang si Lorenzo sa malayo at pati na rin sa likuran niya. Makaraan ang ilang minuto, nawala si Imo sa kaniyang tabi, ngunit may naririnig pa rin siyang paghinga bukod sa kaniya.

Hingal na siya ngunit kailangan niyang hanapin si Imo. Hindi nawawala ang paghinga na iyon kaya halos mahilo na siya sa kakaikot.

Pinagpatuloy lang niya ang paglalakad hanggang sa makaaninag na siya ng puno, at isang lalaking kumakaway sa malayo.

Malapit na siya sa puno, ngunit bumalik siya sa silid, na ngayon ay madilim. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari. Binuksan niya ang ilaw ngunit hindi ito magbukas. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at inilawan ang nasa silid. Naroong nakahandusay ang mga lalaki sa kanilang kinauupuan na duguan at walang malay.

Sumilip siya sa bintana, at bumalik sa dating tayo ang silid.

Pero, may isang pigura ang naroon sa pintuan.

Nakamasid na tila walang emosyon.

PanoramaWhere stories live. Discover now