Sidewalk (Part 2)

3 1 0
                                    

WARNING: Contains gore scenes, violence, and abuse.

For the Part 1 link, here it is:
https://www.facebook.com/100052925345673/posts/176089000831944/?app=fbl

Kailangan nang umuwi ni Abigail sa bahay nila dahil nag-aalala na siya sa kaniyang anak, ngunit hindi niya maiwan ang batang musmos. Nadala na sa ospital ang kaniyang Lolo ngunit huli na ang lahat. Kailangan pa ng maraming proseso para maiuwi nila ang bangkay ng matanda.

Nanatili lang silang tahimik doon, at dumating ang ilang taong galing sa isang kagawaran. Kinausap nila ang bata, tinanong kung may matutuluyan ito, pero wala itong naging tugon. Lumingon lang ito kay Abigail habang inihahatid siya sa sasakyan.

Naiwan siyang mag-isa. Mahaba-habang lakaran ito, paano kasi ay kinailangan siyang kausapin ng mga pulis para lang alamin kung anong nangyari. Natagpuan silang naroon sa sidewalk, at mukha namang nauunawaan ng mga pulis ang dahilan nito.

Wala siyang magawa kung hindi ang gumastos para sa pamasahe. Iipunin pa sana niya pero mukhang delikado na talaga sa labas. Umupo siya sa pinakadulong upuan ng dyip at sumilip sa bintana.

Kaunti na lang ang mga tao sa labas, halos nagsasara na rin ang ibang establishimento. Wala naman siyang makakausap sa loob kaya tumingin na lang siya sa mga nakatayong gusali habang nasa biyahe.

May isang matandang lalaki na pinaghahampas ng isang babae gamit ang tabla. Naririnig ang iyak nito ng mga dumaraan na mga taong nasa mga sasakyan, pero ni wala man lang sumubok na tumulong. Lahat sila pinanonood lang ito na animo'y may panibagong isyu.

Sa isa namang gusali, may isang bukas na karinderya, at ang mga naroong kostumer karamihan ay mga tsuper ng dyip at traysikel, nakatambay na parang walang lumaganap na sakit.

Marami pa rin talaga ang makukulit ang mga kokote, ang nasa isip ni Abigail. Marami pa siyang nakitang mga senaryo, pero may isang ikinatigil ng kaniyang paghinga.

Nakita niya ang isang batang kahawig ng kaniyang anak sa tabi ng kalsada, umiiyak at tila naguguluhan sa ingay at sunod-sunod na daan ng mga sasakyan. Garalgal at napapahawak na lang sa pader ng isang gusali. Palakad ito papunta sa mismong daanan ng mga sasakyan, kaya napasigaw si Abigail, "Para ho! Dito na lang po ako!" saka inabot ang kaniyang bayad. Agad siyang bumaba ng sasakyan matapos na tumigil ito.

Nakita niya ang batang nasa gilid ng kalsada, akmang tutuloy, pero umiyak ulit. Tumakbo si Abigail papunta sa bata pero nahuli na siya dahil diretso itong lumakad sa gitna ng kalsada, at isang bus na mabilis tumakbo ang nakabangga.

"REIN! REIN! TUMABI KAYOOOOO!"

Agad nagsitigil ang mga sasakyan at tumungo si Abigail sa kinaroroonan ng insidente. Sa harap ng bus, duguan, at halos 'di na makilala ang kaniyang anak. Bali ang braso, basag ang bungo. Nanlalambot siya sa kaniyang nakita.

Kinailangan pa niyang pumunta ulit sa ospital para bantayan ang bangkay ng kaniyang anak, ngunit ang sinabi lang sa kaniya ng mga pulis ay umuwi na lang siya't mamahinga, sila na raw ang bahala sa bangkay ng kaniyang anak.

Pero sino nga bang magulang ang gustong hayaan ang kaniyang anak 'di makita sa huling araw nito sa mundo? Pinilit na niya ang mga ito ngunit wala siyang nagawa, kaya ito na nga't umuwi na lang siya sa kanilang tahanan.

Iyak siya nang iyak, wala siyang magawa. Agad niyang nakita ang kaniyang ina sa silid-tanggapan na abalang nanonood ng telebisyon.

"'Ma, napanood mo ba ang tungkol sa apo mo? Bakit nasa labas iyon nang makita ko kanina, 'Ma, hinabol ko pa eh kaso..." Bigla siyang tinigil ng kaniyang ina sa pagsasalita. Naguguluhan ito kaya naman tumayo ito at humarap sa kaniya.

"Ano bang sinasabi mo? Ipinaparating mo ba sa akin na pinababayaan ko ang anak mo? Dapat mahiya ka nga sa akin kasi ako ang nagbabantay sa tuwing nagtatrabaho ka," sumbat ng kaniyang ina.

Naluluha na lamang na sinambit ni Abigail ang mga salitang, "Si Rein, 'Ma, namatay siya kanina lang!"

Ngunit, nasa mukha ng kaniyang ina ang pagtataka at tila 'di ito naniniwala sa mga sinabi niya. Pinatay niya ang telebisyon at muling nagsalita, "Anong pinagsasasabi mo riyan? Gusto mo bang mamatay nang maaga ang iyong anak?" Agad na binuksan ng kaniyang ina ang kwarto at may tinuro sa loob, "Iyon ang anak mo oh. Tulog na tulog. Ang kulit nga niyan kanina dahil sabi niya nga sa akin, nangungulila na siya sa iyo."

Tinignan nga ni Abigail ang bata sa loob ng kwarto. Si Rein nga. Rein.

PanoramaWhere stories live. Discover now