Ligaw na Kaluluwa

3 1 0
                                    

𝖨𝗄𝖺𝗅𝖺𝗐𝖺𝗇𝗀 𝖠𝗅𝖾𝗀𝗈𝗋𝗒𝖺

‘Di ko akalaing ganito na pala ang kinalak’han kong lugar, at muli na akong nagbabalik upang makasama ulit ang mga minamahal ko sa buhay. Sa tagal na nang pananatili ko sa kabilang mundo ay maaaring nag-iba nga ang aking estilo, ngunit ito pa rin ang dating ako na nakilala nilang isang batang laman ng mga eskinita.

Sa sulok ng aking paningin, sa malayo, nakita ko ang tahanan naming walang pinagbago sa anyo, naroon pa rin ang mga sako ng lupang nakatambak lamang sa tabi. Naghahabulan ang mga bata, mga nasa edad na lima pataas, doon mismo malapit sa kanal. Ang mga nanay nilang abala lumamon ng panibagong tsismis na nakalap sa kung saan.

Sa ‘di kalayuan, naroon ang ina kong payat kung tignan, buhat niya ang isang mabigat na kahon, hirap na hirap at pinagpapawisan na. Dahil sa habag ay agad kong sinalubong at nagulat siya sa presensiya ko. Ako na ang nagbuhat ng kahon at pinapahinga ko siya sa loob ng bahay.

Nakita kong muli ang bungad na mga medalyang nakamit nang mga kapatid ko. Nagkaroon ako ng pagkainggit sa kanila dahil hindi ako nabiyayaan tulad nila nang talino. Nakatapos sila ngunit ako ay hindi.

Nagtataka ako dahil hirap ang ina ko nang kaninang madatnan ko siya, samantalang dapat ay masarap ang pagkakaupo niya sa sopa at namamasyal sa gusto niyang puntahan.

Tahimik lang siya roon habang umiinom nang tubig. Pero pagkatapos ng ilang minuto ay bumalik na naman siya sa paggawa ng mga gawaing mabibigat.

“‘Ma, tama na iyan. Pahinga ka na.”

Hindi siya tumitingin sa akin at ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.

Naaalala ko noon na ako ‘yong kaisa-isang hinahabol niya dahil sa katigasan ng ulo ko. Lahat ng mga kapatid ko ay nakatutok sa kani-kaniyang takdang aralin samantalang nakikipag-away pa ako noon sa kapwa kong mga kabataan. Madalas pasa at sugat ang naiuuwi ko sa bahay, dagdag pa ang hagupit ng sinturon ng aking ama at sermon ng aking ina.

Malaki na talaga ang pinagbago ko.

Habang sila ay napauulanan ng puri at pagkilala sa mga natamo nila, ako naman ay nakatatanggap ng mga masasakit na salitang ‘sing talim ng itak, na kung tumagos sa aking laman ay nababalutan ako ng takot. Takot na matalo at maiwan.

Natuto akong maging mag-isa.

Sinubukan kong umalis sa tinahan kong lupain, baka sakaling magbago ang aking kapalaran. Ngunit nagkamali ako’t nabigo. Mayroong mali sa aking sarili kaya ganoon ang pakikitungo nila sa akin.

Sa akin magmumula ang pagbabago.

Oo. Naisip kong tama lang ang ginawa nila sa akin. Kung hindi nila iyon ipinaramdam sa akin, magiging katulad lang ako ng iba na dumedepende lamang sa iba, mayroon nang nakasulat na maaaring mangyari sa kanilang mga palad.

Hindi ko alam kung saan patutungo ito, pero ang aking mga paa ang gagamitin ko para maabot ang hinihintay na pagbabago.

Napansin kong wala rito ang mga kapatid ko sa bahay. Marahil, nasa kani-kaniyang pamilya o trabaho, pero paano nila naisip na iwan mag-isa ang aming ina rito? Masyado na siyang mahina at hindi na kayang ipaglaban ang sarili niya kung sakali man na may sumubok na manloob sa tahanan namin.

Sinubukan kong kausapin ang aking ina tungkol sa mga kapatid ko, kung anong nangyari sa kanila. Matagal bago siya sumagot, pero—

“Iniwan nila ako nang walang pasabi. Ni hindi ko alam kung saan na sila pumunta.”

Saan naman kaya napupunta ang ipinadadala kong pera para sa kaniya? Wala akong nakitang magandang pagbabago rito.

“Hoyyy, nariyan ka na pala. HAHAHAHA, may pasalubong ba kami?”

Narinig ko ang tinig ng nakatatanda kong kapatid na babae, mukhang galing sa lasingan. Agad siyang umupo at tinignan ako mula ulo hanggang paa.

“Aba, naasenso ka na. S-saan mo naman napulot iyan? Baka nga nagnanakaw ka lang doon sa tinatrabahuan mo. Hindi ka naman mati—”

Agad kong inilabas ang dala-dala kong pasalubong at ibinigay sa kaniya ang binili kong kasuotan. Nang makita niya ay itinapon niya ito sa sahig at naidlip doon.

Ganoon pa rin ba ang tingin nila sa akin?

“Hayaan mo na, anak.”

Hayaan? Bakit ko hahayaang maging ganito ang mga kapatid ko? Pagkatapos kong ayusin ang sarili ko ay nakagano’n sila?

Hindi ako umaasa noon na mapapantayan ko ang kakayahan nila. Pero sa mga reyalidad na nakita ko sa aking buhay, iyon na yata ang pinakamagandang natutunan ko.

PanoramaWhere stories live. Discover now