Digital Pen

4 0 0
                                    

29th of June, 2022

Sa dami nang naiisip niyang kwento, hindi alam ni Hoshiko kung ano ang uunahin niya. Kapag isusulat na niya, napapalayo ang mga pangyayari sa nais niya, nawawalan ng direksyon ang kwento kaya minsan hindi siya nasisiyahan sa katapusan nito. Mahal niya talaga ang pagsusulat, pero sa pagkakataong iyon, baka hindi pa siya handa.

Masama ang loob niya, iyon ang tingin niya kung bakit hindi niya naisusulat nang ayos ang nasa imahinasyon niya. Mapanakit talaga ang nakaraan, nakapanghihina. Hanggang ngayon ay minamahal pa rin niya ang taong iyon, kahit na ilang beses siya nitong tinaboy. Nanahimik siya at iniisip na naman niya ang kaniyang pagkukulang, pero sa ilang saglit ay ibinaling na lang niya ang kaniyang atensyon sa ibang bagay.

Ayaw niyang mapariwara tulad ng ibang taong dahil sa pag-ibi’y nawala sa kanilang sarili, mas pinili nila ang taong minamahal nila kaysa sa kanilang sarili. Pero sa kaso ni Hoshiko, kahit na masakit sa kaniya, uunti-untiin niyang tanggapin kahit na mahirap para sa kaniya.

Kaya nga kahit paano ay nailalabas niya sa pamamagitan ng pagsusulat, ngunit nahihirapan siya ngayon na makapagsulat ng ayon sa kaniyang napagplanuhan.

Binisita niya ang kaniyang kaibigan na si Carolene. Mukhang may inaabangan ito na patalastas sa telebisyon, kaya napaupo na lang si Hoshiko sa sofa at nakinood din. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa remote control habang tutok na tutok sa TV. Ni hindi nga niya napansin ang pagdating ni Hoshiko.

Nang lumabas ang patalastas tungkol sa paligsahan sa paggawa ng pinakamagandang webtoon, napatayo ito at lalong humigpit ang hawak sa remote control. Hindi niya inalis ang paningin niya sa palabas hangga’t hindi ito natatapos. Nang lumipas na, tumalon pa siya sa tuwa, saka pa lang niya napansin ang presensiya ni Hoshiko.

“Uyy, nandyan ka pala! Matagal ka na ba riyan?” tanong ni Carolene. Napakibit balikat na lang siya, pero nabigla siya nang hinawakan ang kaniyang mga kamay ng babae.

“Ito nga kaseee, kaya ako ay natutuwa na naman.” Mahahalata na naroon ang pagkasabik na masabi ang mga salitang mukhang mahalaga, nanluluha pa ang mata nitong nakatingin kay Hoshiko.

“Sumali ka kaya sa webtoon contest? Alam mo naman ‘di baaaa, magaling ka naman gumuhit, bakit ‘di mo i-try? Malay mo sumikat katulad ni Yaongyi na gumawa ng True Beauty!!! Hindi ba alam mo ang webtoon na yuuuun?”

Gumuhit? Alam nga talaga ng kaibigan niya ang kaniyang kakayahan. Pero, kailanman, hindi siya gumuhit, maliban noong nagmahal siya ng isang tao. Marami siyang naialay na sining, ngunit, kahit na ganoon na lamang ang kaniyang pagtitiyaga sa taong iyon ay nagawa pa rin nitong iwan siya.

Ni pagsulat nga, hindi niya maiayos. Napanghihinaan siya ng loob. Ang pagguhit ay maaaring ibalik sa kaniya ang mga alaala na dapat ay limutin na niya.

Ngunit, bakit hindi? Sayang ang gantimpala na matatanggap niya mula roon, at maaari pa siyang magtrabaho sa kumpanya na iyon. Sa panahon ngayon, ang webtoon ay patok sa mga kabataan, at kung mailalagay niya roon ang kaniyang puso, marahil maraming makaka-relate sa kaniya...

At makalimutan siya.

“Sige ba! Susubukan ko, pero kung hindi man manalo, at least may experience, ‘di baaa?”

Nakangiti lang siyang nakatingin sa kaibigan niya. Ang mga susunod na mga araw ay magiging hamon para sa kaniya.

‘Iguguhit ko ang aking mga hinanakit. ‘Wag kang mag-alala, ito na ang huli.’

Sinimulan niya noong makatapos na siya sa iba niya pang kaabalahan. Hawak ang digital pen, nilalabanan niya ang luha niya na pabagsak na sana.

‘Kakayanin ko.’

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 28, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

PanoramaWhere stories live. Discover now