Magkaibang Mundo

3 0 0
                                    

Langit ka, lupa ako...

Nananahan sa aking isipan ang awiting ito sa loob ng ilang araw, marahil, nararapat lamang sa kung paano ko maihahambing kung anong meron tayo. Langit ka, ako’y lupa, narito akong laging nakatingala upang masilayan ka. Magkalayo tayo ngunit, tila malapit sa akin, mga matang paningi’y nagtatagpo. Tuwing umuulan, hinihintay ko ang mga ulap na humawi’t kahit wala ka’y sinisikap kong huwag pumikit ang mga mata, baka may mga pagkakataong hindi ko maaabutan kung magkagayon.

I. Isa akong anghel na laging luhaan, anghel na iisa ang pakpak, ‘sing itim ng aking pagkatao. Kadiliman ang nananalaytay sa aking presensiya, pero ikaw, ang aking anghel na nagbibigay liwanag sa bawat araw na aking binibilang mula sa aking tahanan, pinawi mo lahat ng kasamaang itinanim sa aking puso.

             “Para saan kung ihahambing
               kita sa iba? Ikaw ay natatangi
               sa lahat ng aking nakita,
               dalisay ang iyong kaluluwa’t
               kung paano mong ginagawang
               katotohanan ang iyong mga
               salita’y napahahanga mo ako.”

II. Magkaibang magkaiba tayo, ngunit ‘di ibig sabihin ay salungat na ang nararamdaman natin para sa isa’t isa. Nais kitang isayaw sa saliw ng paborito mong musika, makita lang kitang ngumiti’y magagalak na ako. Gusto ko ring ipadama sa iyo ang yakap na siyang inaasam ko sa tuwing ika’y nasa aking panaginip. Hahagkan ko ang iyong mga labi kung mangyaring magkasundo ang langit at lupa, ngunit, kailan mangyayari iyon?

              “Pagtatagpuin kaya ang ating
                mga landas? Paglayuin man
                nila’y gagawa ang tadhana ng
                paraan upang magkita tayo.
                Aking sinta, pakiusap, hintayin
                mo akong dumating at ika’y
                aking dadalhin sa lugar na
                tayong dalawa ay malayang
                magmamahalan.”

III. Langit ka, lupa ako. Masama bang magmahal kung kaiba ka sa akin? Hindi ba nararapat ang katulad mo sa isang katulad ko? Bumubulong ang mga kaluluwang pinaaalala sa akin na isa akong hamak na masamang nilalang, maaaring mabahiran kita, ngunit nais pa kitang makasama.

      Ngunit, mas mabuti na ring hindi kita mahawakan, o tagpuin. Maaari na siguro ang pagsilay sa iyo mula sa malayo. Mahal kita, aking sinta, ngunit hindi tayo nababagay para sa isa’t isa.

                 “Marami pa akong gustong
                   gawin kasama ka, kung
                   panaginip lang lahat, sana
                   ginawa na lang nating
                   totoo. Pinagmasdan ko ang
                   aking sarili sa salamin at
                   noon ko lamang naalala
                   na dadalhin ko ang sakit na
                   dinadala ko sa napakaraming
                   taon. Sana’y maunawaan
                   mo kung bakit ko ginawang
                   lumayo pa sa iyo, sinta.”

Kaya narito, sinusulat ko ang mga salitang ito habang pinakikinggan ang awitin na yaon. Tumingin ka muli rito sa ilalim at hayaan mong pagtagpuin ang ating mga paningin, dahil hanggang doon na lamang ang nakikita kong pag-asang makapiling ka. Luhaan habang nakangiting sinisilay ang liwanag na taglay mo, muling umulap at umulan.

Ngunit natapos na ang ula’t nawala na ang iyong presensiya. Nawawala na ang aking liwanag, nangangapa muli’t bumabalik ang kadiliman sa aking puso.

PanoramaWhere stories live. Discover now