Chapter 7

13.7K 370 32
                                    

Chapter 7

Friends

"A-Ano raw ang sabi niya?" hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Tiya na ngayon ay nakasunod na ang tingin kay Doc Theo. Maingat itong naglalakad palapit sa manok.

"Huhulin niya raw po ang pananghalian natin." Mismong ako ay hindi pa rin makapaniwala sa walang pag-aalinlangang desisyon ni Doc.

"Susmaryosep," nahihiyang bulong ni Tiya. Napa-sign of the cross pa siya.

Nakapamaywang na ako habang pinagmamasdan ang bahagyang pag-squat ni Doc Theo habang pinapaunti-unti ang paglapit sa inahing manok na kasalukuyang may tinutuka na sa lupa. Sa pagiging abala ng manok ay hindi nito namamalayang halos nasa likuran na niya si Doc.

Ang weird nitong tingnan. Sa tangkad at tindig ni Doc Theo lalo na sa kanyang pananamit ay ni isang hibla ng posibilidad hindi ko lubos maisip na alerto siyang nakatitig sa bawat galaw ng inahin.

Sabay kaming mahinang napasinghap ni Tiya nang biglang kinain ni Doc Theo ang kaunting distansiya sabay bukas ng dalawang palad upang mahawakan na ang inahin ngunit mabilis naman itong nakapansin at tumakbo papalayo.

Tumayo nang maayos si Doc at nilingon niya kami ni Tiya. Nakita ko ang bahagyang pagngiwi niya bago muling hinarap ang manok na nagpatuloy naman sa paggala sa bakuran.

May tinuka na naman ang manok sa lupa. Posibleng uod. Kinuha ulit itong pagkakataon ni Doc Theo para kainin na naman ang distansiya. Halos patalon niyang sinubukang sikupin ang buntot ng inahin ngunit nakaramdam na naman yata ito kaagad dahil tumakbo ulit papalayo. Mistulang natatawa pa ang boses na pinakawalan nito.

Kumawala ang tawa sa akin na naging sinok dahil sa pagpipigil. Sinipat naman ako ng sariling tiyahin.

"Tulungan mo na si Doc, Claudine," mahina ngunit mariin niyang utos.

Idiniin ko ang pagtikom ng bibig at wala ng nagawa pa kundi ang sundin siya. Hindi rin naman ako pupuwedeng manood lang dahil baka wala na kaming makain mamaya. Tiningnan ko ang suot na simpleng tshirt at maong na shorts. Nilapitan ko na si Doc Theo na masyadong pokus habang tinatanaw ang manok.

"Sobrang ilap, 'di ba?" kaswal na tanong ko sa gilid niya. "Tulungan na kita."

Napasulyap siya sa akin at tumango. Ilang segundo akong nanatiling nakatayo sa gilid niya habang nag-iisip ng magandang estratehiya. Naglakad ako at iniwanan ang puwesto niya upang tumayo sa may hindi kalayuan at harapin siya.

Sa naging puwesto ko ay magkatapat na kami samantalang ang manok naman ay nasa gitna namin. Walang abug-abog ay sumugod kaagad ako sa manok at patakbo itong nilapitan. Kumaripas naman ito ng takbo ngunit mabilis na hinarangan ni Doc Theo.

"I got it!"listong sambit ni Doc Theo.

Gusto kong matawa sa sitwasyon namin ngayon. Hindi ko ma-imagine ang kasalukuyang ginagawa ni Doc Theo. Sanay na naman ako sa gawaing ito simula pa noong bata ngunit ang makita siya sa unang pagkakataon na ganito ay nakamamangha. Ang sobrang competitive niya pala maski sa pagdakip lang ng manok.

Mabilis ang pag-igting ng mga ugat niya sa braso nang pahaklit niyang hinawakan ang bandang buntot ng manok. Matagumpay niya itong nadakip dahilan ng malakas na paghiyaw ng manok. Hindi na ito makawala pa. Mahina siyang napamura nang sinubukan ng manok ang kumawala sa pagkakahawak niya.

The Second FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon