Chapter 11

12.7K 401 54
                                    

Chapter 11

Biik

Tirik na tirik ang araw sa alas dos ng hapon ay bumaba ako ng traysikel bitbit ang styro ice box na may lamang juice sa loob. Ibinaba ko ito sa lupa at nag-abot ako ng pamasahe sa drayber. Nang makaalis na ito ay tinanaw ko sina Kuya Baldo na nasa gilid ng kalsada.

May iba pa siyang kasamahan na mga lalaki at hindi na ako nagulat pa nang isa sa kanila ay si Doc Theo. Kasalukuyan nilang ikinakabit ang banderitas na may iba-ibang kulay sa poste ng ilaw.

Hindi pa man nakakatawid ng kalsada ay kaagad akong nakita ni Doc Theo. Binitiwan niya ang dulo ng banderitas at iniwan ang mga kasamahan niya. Tumawid siya sa kalsada at naglakad palapit sa akin.

"Tulungan na kita," aniya sabay abot sa hawakan ng styro ice box. Siya na ang nagdala nito at sabay kaming naglakad patawid ng kalsada.

"Mukhang napasubo ka yata kay Kuya, ha," komento ko habang naglalakad kami.

"It's cool. Wala rin naman akong ginagawa," sabi niya sa magaang boses. Sinulyapan niya ako. "I didn't expect you'd be here."

Napatingin ako sa styro box na walang kahirap-hirap niyang bitbit. "Napag-utusan lang ni Ate Meryl."

Naudlot ang usapan namin dahil nakalapit na kami kina Kuya Baldo.

"I'll just go get the sandwiches." Inilapag ni Doc Theo sa lupa ang styro at naglakad siya patungo sa nakaparada niyang sasakyan.

Binalingan ko ng tingin si Kuya na abala na ngayon sa pagbubukas ng styro.

"Si Doc Theo ang pinabili mo ng snacks ninyo, Kuya? Nakakahiya naman," saway ko.

"Na-flat kasi ang gulong ng traysikel ko kaya hindi na ako nakadaan ro'n sa bayan. May dala naman siyang sasakyan kaya nagpresinta siya." Isa-isa niyang iniabot sa mga kasamahan ang pack ng juice.

Inabutan niya ako ng isa at kaagad naman akong umiling.

"Ayaw niya ngang tanggapin 'yong pera na bigay ni Kapitan para sa budget ng snacks, eh," pagpapatuloy pa niya. "Nahiya nga ako."

"Sana nag text ka na lang pala kay Ate Meryl para kami na lang din ang bumili ng tinapay." Hininaan ko ang boses dahil napansin na naglalakad na pabalik sa gawi namin si Doc Theo dala dala ang dalawang paper bags.

Pareho kami ni Kuya Baldo na umayos kaagad sa pagtayo at hinarap na ang paparating na si Doc Theo.

"Here." Iniabot ni Doc Theo ang dalawang paper bags kay Kuya na agaran naman nitong tinanggap.

"Ikaw, Dok? Meryenda ka na rin muna," alok sa kanya ni Kuya Baldo.

"Busog pa ako," pagtanggi niya. "Nag-lunch na rin kasi ako sa bayan no'ng binili ko 'yan."

"Sige sige. Bigay ko lang 'to sa mga boys," paalam ng pinsan ko at pagkatapos ay tinalikuran na niya kami ni Theo. Nilapitan niya ang mga kasamahan niyang sumilong sa lilim ng malaking puno.

Iginala ko ang tingin sa itaas. Ramdam na ramdam na talaga ang pista dahil sa mga banderitas na nakalagay.

"Patapos na pala kayo," komento ko habang nakatingala sa iba-ibang kulay ng banderitas.

The Second Fallजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें