Kabanata 27

1.2K 48 11
                                    

|Kabanata 27|

Disyembre 1, 1889

        Kakaalis lamang niya. Sana ay bumalik na kaagad siya. Isa pa naman siya sa mga taong nakakasundo ko rito sa mansiyon. 

Martina



Tahimik kong tinapos ang pagkain ko. Ako nalang naman kasi ang nahuhuli sa pagkain dahil natapos na sina Don Carlos at Kuya Luis. Kaunti na lang ang pagkain ni Gabriel at Leon pati na rin ng Donya. Ang akin ay wala pa sa kalahati.

Si Joaquin naman kasi, kulang nalang gawing bundok ang kanin ko dahil may karamihan ang inilagay

Eh, kasalanan mo rin naman, Chestinell, dahil nakatitig ka lang sa kaniya imbes na pigilan mo siya sa paghain niya sa iyo.

Umiling nalang ako at nagmamadali ng kumain. Hindi naman iyon nahalata ng mga kasama ko sa mesa kaya mas lalo pa akong nagmadali. Mabuti nalang talaga medyo nagbagal si Joaquin sa pagkain kaya naabutan ko siya. 

Bakit naman siya biglang nagganoon na malapit naman na siyang matapos? Marahil ay busog na.

Matapos na kumain ay pinapunta ako ng Donya sa sala mayor. Doon daw muna ako maghintay dahil magkukwentuhan pa raw kami. Nagpunta kasi siya sa kusina at mayroon pang inaasikaso.

Ang apat naman ay nagsipag-alis at bumalik na sa kanilang mga silid dahil may mga gagawin pa raw sila. Ang Don naman ay bumalik na uli sa sentro ng bayan para sa kaniyang trabaho, ilang mga sandali matapos na kumain. 

“Hija, narito na pala ang mga palayok. Iyan ay naayos ko na at nahugasan,” biglang sulpot ng Donya habang nakaupo ako na nakaharap sa labas ng mansiyon.

Agad akong napatayo at tinanggap ang dala niyang basket. Ngumiti naman siya sa akin sabay haplos sa gilid ng ulo ko, “Batid mo ba, hija? Nais pa sana kitang makausap at makakwetuhan ngunit mayroon pa pala akong aasikasuhin sa itaas,” aniya saka malungkot na ngumiti.

Agad akong napailing, “Ganoon din naman po ako, Donya Victorina. Ngunit mas kailangan niyo po gawin ang mga tungkulin niyo kaya naiintindihan ko po,” tugon ko.

Mas lalo naman siyang napangiti, “S'ya, hindi na kita papatagalin pa at baka ikaw ay hinahanap na rin sa inyo,” aniya. Napatango naman ako kaagad.

“Ipapahatid kita sa aming kutsero, halika,” alok niya pa sabay hatak sa akin papalapit sa kaniya at inilagay ang kamay niya sa pagitan ng braso ko. “O’ Joaquin, nariyan ka pala. Saan ka paroroon? Halika muna rito.”

Napalingon ako nang tawagin niya si Joaquin. Dumaan ito sa sala mayor dahil kalapit lang ito sa pinto papalabas ng kanilang mansiyon.
Napalingon siya sa amin at bahagyang nginitian ang Donya at naglakad pabalik at pumasok sa sala mayor. 

“Mayroon po akong paroroonan, Ina,” sagot niya pagkalapit sa amin.

Nagliwanag naman ang mukha ng Donya, “Tunay? Kung ganoon ay ihatid mo na rin ang Binibini pabalik sa kanilang mansiyon,” utos ng Donya.

Nanlaki kaagad ang mga mata ko at palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Bahagya namang napataas ang dalawang kilay ni Joaquin habang ang Donya ay nakangisi.

“P-po? Hindi na po kailangan. Nakakahiya naman po kay Ginoong Joaquin. Nakakaabala na po ako. A-ayos lang po ako, Donya Victorina,” pigil ko.

Naku naman po. Ayaw kong makasama siya, nakakahiya. Naiilang ako sa kaniya dahil sa nangyari kanina sa palikuran.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now