Kabanata 59

359 14 2
                                    

|Kabanata 59|


Hindi ko na alam kung anong klaseng kaba ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko na pilit kong kinakalma kasabay ang pag-asa at tiwalang tama ang gagawin ko at magtatagumpay ako. Maraming mangyayari at alam kong mapapahamak ako kapag nagging palpak ang kinahinatnan nito. Ngunit, mananatili ang kagustuhan kong gawin ang bagay na ito dahil nais ko nang makita si Joaquin.

Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa akong sulat na natatanggap mula sa kaniya. Tinatanong ko si Isay kung naipadala niya ba ang mga liham ko at sigurado naman siyang naipadala niya iyon. Hindi ko rin naman kailangan na pagdudahan pa si Isay dahil alam kong ginagawa naman niya ang mga pinapakiusap ko sa kaniya. Mas lalo tuloy na bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa isang bagay na pumasok sa aking isipan.

Paano kung bumitaw na si Joaquin?

Hindi. Mabilis akong umiling. Hindi siya susuko. Nangako siya sa akin na hinding-hindi niya gagawin iyon. Hindi ko pa alam kung ano ang kanilang sitwasyon ngayon kaya hindi ako maaaring maghusga at bimitaw ng mga salitang hindi ako sigurado. Isa lang ang paraan para malaman ko ang kasagutan sa aking mga tanong. Iyon ay ang pagpunta ko sa kanila.

Inayos ko na lang ang may kalakihang bolso na hawak ko habang inilagay ang maliit kong pitaka na naglalaman ng sapat na pera upang magamit ko sa buong byahe ko. Hindi ko alam kung ilang araw ba akong mananatili roon, pero ang alam ko ay isa o isa't kalahating araw ang byahe papunta roon. Alam kong hahanapin talaga ako ng husto ng mga tao sa pamamahay na ito pero sana magkaroon pa ako ng sapat na oras upang makita at makausap si Joaquin bago nila ako matagpuan.

Isinuot ko na ang bolso at dinala ang mahabang kumot sa may gilid ng higaan upang itali iyon sa poste nito. Hindi ako maaaring lumabas mula sa pinto dahil sarado naman iyon at hindi na ako magkakaroon pa ng dahilan para palabasin nila ako rito dahil hindi na tumatanggap si Ama ng dahilan at palusot. Kaagad ko nang inihulog ang kabilang dulo ng kumot sa labas ng bintana. Dumungaw ako sa baba at nakitang hanggang sa may itaas ng hagdan ang naabot ng kumot.

Tama kaya itong dadaanan ko? Hindi ba ako mababalian nito? Sigurado akong kinaumagahan ay malalaman kaagad nilang umalis ako kapag nakita nila ang kumot na ito. Pero naman kasi pareho lang din na mangayaring malalaman nilang umalis ako dahil padadalhan naman nila ako ng pagkain. Syempre pagbukas nila ng pinto makikita nilang walang tao, edi mabubuking din na wala ako. Isa pa, paano nga ako makakalabas sa pinto ng ganitong oras na hindi sila binubulabog. Nakakandado sa labas ang pinto at nakay Dueña ang susi.

Nang muli kong sinilayan ang daan ko pababa ay tila nahulog ang puso ko. Mataas iyon at panig uradong bagsak sa lupa ang kahihinatnan ko. Maaari pang bali at pasa ang makuha ko at hindi sagot sa aking mga katanungan. Sinubukan ko na lang munang hilahin ang kumot at nagpabigat upang subukan kung hindi ba siya luluwag at matanggal. Bumuntong-hininga ako bago lumapit muli sa may bintana kasabay ng paggulo ng isip ko sa maraming mga bagay.

Kaya mo ito, Chestinell.

Huminga ako ng malalim sabay bitbit sa isang lamparang gagamitin ko paalis. Napapikit ako ng maigi bago mahigpit na humawak sa kumot at tumuntong na sa bintana. Kahit anong gawin kong pagpapakalma sa puso ko ay hindi ko magawa. Dahan-dahan na lang akong lumambitin kasabay ng malalalim na paghinga. Naging mahigpit ang pagkapit ko sa kumot nang nakabitin na ako sa ere.

Pechay, Chestinell, ang bigat mo!

Nanlaki naman ang mga mata ko nang marinig kong tumunog ang higaan na tinalian ko sa kumot. Mas lalo pa tuloy na bumilis ang tibok ng puso ko nang isiping mahuhulog ako sa hagdan at puro bali sa katawan ang natamo. Kaagad akong napailing habang nanginginig na pinapadaos-dos ang sarili pababa. Hindi pa naman ako nakakalahati ng pagbaba. Nangangawit na nga ang mga braso kong nakakapit dahil hindi ko akalaing ang bigat ko na pala. Umiling uli ako. Dahil lang iyan sa dala mo.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now