Kabanata 50

572 25 11
                                    

|Kabanata 50|

Tahimik akong nagpapaypay sa sarili kahit maginaw na ang ihip ng hangin dahil malapit ng dumilim. Pero nababagot na ako sa loob ng karwaheng ito. Hindi pa kasi kami umaalis dahil wala pa si kuya Lucio at hinihintay pa siya.

Tahimik lang si kuya Marco sa harap ko. Halatang hindi rin masaya na sasama dahil magkakrus lang ang mga braso at nakapikit na tila ba natutulog na siya ng mahimbing. Naiwan kami rito dahil umakyat muna si kuya Lucas.

Pero saan naman kaya kami paroroon? Hindi kaya nakipagkasundo si Ama kay Don Carlos na doon kami maghahapunan sa kanila para mapag-usapan ang tungkol sa amin ni Joaquin? Yieee. Baka nga roon. Kasi hindi ba sabi ni Ama ay hapunan daw. Naks, Ama ha, pamisteryoso ka pa ng plano. Ginutom mo pa ako ng ilang araw.

Pechay! Bigla tuloy kumulo ang tiyan ko dahil sa pag-iisip ng pagkain. Nasaan na ba kasi sila at hindi pa umaalis?

Inayos ko na lang ang makulimlim na berde kong palda. Berde kasi ang gusto ni Ina na suotin ko kaya sumang-ayon ako. Handog pala iyon noong kaarawan namin ni Kristina noong ika-dalawapu.

Ang gara at mamahalin nga tignan eh. Hindi ko naman alam kung kanino ito galing kasi si Isay naman ang nag-aayos ng mga gamit.

“Paumanhin, Ama, at ako’y natagalan sa aking lakad.”

Kaagad akong napalingon nang marinig ang boses ni kuya Lucio. Sumilip ako sa bintana at nakitang nakatayo siya sa may pinto ng karwahe na sinasakyan nina Ina. May sinabi naman si Ama na hindi ko marinig pero tumango si Kuya dahil doon saka naglakad papalapit sa karwahe na sinasakyan ko.

“Kuya, saan ka galing?” bungad kong tanong sa kaniya.

Medyo nagulat naman siya dahil sa bigla kong pagsalita kaya natawa ako ng kaunti saka binuksan ang pinto.

“Galing ako sa sentro ng bayan,” nakangiting tugon niya saka sumakay. “Kumain ka na ba?”

“Hindi iyan kumain, Kuya. Ang tigas ng ulo,” laglag ni kuya Marco, na nakapikit pa rin, na hindi ko akalaing magsasalita.

Dahil sa sinabi niya ay napaseryoso si kuya Lucio ng tingin sa akin. “Martina. Bakit hindi ka kumain?”

Napiling na lang ako saka nagkibit-balikat, “Hindi naman ako nagugutom.”

Nagkasalubong lalo ang kaniyang mga kilay. “Ilang beses ko bang uulitin na nararapat ka nang kumain? Haya‘t ikaw ay pumapayat na o. Binibigyan mo naman kami ng labis na pag-aalala niyan, Martina.”

Nawala naman ang mga ngiti ko sala sumimangot. Gusto ko na nga na sumagot pero naunahan ako ni kuya Lucas.

“Sige na, Kuya, nagdala na ako ng pagkain at kahit papaano ay makakakain siya sa ating pagbiyahe.”

Hindi nagsalita si kuya Lucio saka tipid na umiling. Nginitian naman ako ni kuya Lucas saka tinanguan. Sumakay na silang dalawa na si kuya Lucio ay tahimik na tumabi sa akin.

Napasimangot tuloy ako habang nakatingin sa kaniya. Marahil ay galit si Kuya sa akin. Naiintindihan ko rin naman ang punto niya. Pero hindi ko rin hahayaan si Ama na ipasunod sa akin ang nais niya. Kung magmamatigas talaga siya, ay naku, lalo na ako.

Isinara na ni kuya Lucas ang pinto ng karwahe at umupo sa tabi ni kuya Marco. Maya-maya pa ay umusad na ang sinasakyan namin.

“Ito, Martina, paborito mo ito. Kainin mo nang hindi ka magutom papunta sa paroroonan natin.”

Inabot ni kuya Lucas ang dala niyang maliit na bayong sa akin kaya tinanggap ko nalang kahit hindi ko gustong tanggapin iyon.

Ngumuso ako sa kaniya, “Nag-abala ka pa, Kuya. Wala naman kasi akong ganang kumain ngayon.”

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now