Kabanata 44

662 25 23
                                    


|Kabanata 44|

Nobyembre 30, 1887

Madalang kitang masilayan ngunit sa tuwing nangyayari iyon ay nagbibigay iyon ng lakas sa puso ko. Ngiti mo lamang ang pumapawi sa kalungkutan ng aking puso. Ngumiti ka lamang palagi at bumaling ka na rin sa aking gawi. Kahit hindi mo man ako binibigyang pansin ay salamat sapagkat nariyan ka upang paalalahanin akong maganda ang buhay sa kabila ng mga sakit na aking nararamdaman.

Sana balang araw ay sa iyo na tuluyang papahinga ang puso kong ito. Huwag ka sanang umibig ng iba.

— Martina





Dala-dala ang bulaklak na kaniyang ibinigay sabay kaming lumabas at bumaba ng mansiyon.

“Pasensya ka na pala at ako’y hindi na nakadalaw matapos ang nangyari sa iyo. Ngunit, labis kong ikinatuwang ika’y nasa maayos na kalagayan at magaling na.”

May kaunting ngiti na nakapaskil sa kaniyang mukha ngunit bakas pa rin ang pag-aalala sa nangyari. Nginitian ko naman siya pabalik saka umiling. 

“Ayos lang. Alam ko naman na abala ka sa maraming mga bagay. Nagpapasalamat nga rin ako dahil kahit pa ganoon ay nagawa mo pa akong dalawin, pati na nga rin ngayon.”

“Walang anuman, Binibini. Hinding-hindi ako magiging abala kapag iyon ay tungkol sa iyo.”

Napatitig ako sa kaniya at ngumiti saka dahan-dahan na tumango. Inaamoy ko ang bulaklak habang naglakad papunta sa mga mirasol na tinanim namin ni Mang Kardo. 

“Ikaw, kumusta ka na?” tanong ko sa kaniya.

“Maayos lamang ang aking kalagayan, Binibini. Salamat sa iyong pangungumusta.” Ni hindi nawala ang mga ngiti sa kaniyang labi habang tumutugon sa akin. 

Nginitian ko siya pabalik, “Masaya akong marinig iyan. Sana ay maayos lang din ang kalagayan ng iyong pamilya.”

Tumango siya saka natahimik at bumaling sa lupa. Napailing na lang ako at naglakad na ulit.

“Binibini, may...mayroon pala akong nais na sabihin sa iyo.”

Natigil ang mga paa ko’t dahan-dahan na lumingon sa kaniya. Seryoso siyang nakatingin sa akin ngunit malambot ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Bahagya akong nakangiti habang pinagdugtungan siya ng kilay. 

“Bakit? Ano iyon, Ginoo?”

“Mahal kita, Binibining Martina.”

Nanlaki ang mga mata ko habang pinoproseso ang mga salitang kaniyang binitawan ng walang pagdadalawang-isip.

“Hu–huh?”

“Mahal kita, Binibining Martina. Mahal kita, at kung iyong pahihintulutan ay maaari ba kitang maging kasintahan?” Nanlaki ang mga mata ko. “Hindi. Hindi iyon ang nais kong ipahiwatig. Uh, pahihintulutan mo bang ika'y aking ligawan? Oo, iyon nga.”

Hindi ko alam kung matatawa ba ako, maaawa o tititigan na lang siya. Totoo ba ang naririnig ko? Si Primitivo naman ngayon ang may gusto sa akin? Shucks! Is it supposed to be like this?! Ano ba ang nangyayari? 

“Bakit ako?” tanging mga salitang nasambit ko dahil hindi ko alam kung ano ba ang sasabihin ko. 

Wala nga akong ginawang tama at puro mga kabardagulan lang ang mga naidulot ko simula noong napunta ako sa lugar na ito pero bakit? Bakit may mga nagkaroon ng interes sa akin—sa amin ni Kristina?! 

Ganoon na ba talaga ako kaganda?

“Kung tatanungin ang ibang ginoo ay tiyak na kanilang sasabihin ay ganoon din, Binibini. Kapag nakilala mo ang tunay na katangian ng isang tao ay maiibigan mo siya.”

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now