Kabanata 68

731 24 12
                                    

|Kabanata 68|


          Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Hindi tuwa, hindi, galit, hindi lungkot, hindi kaba, hindi ko alam. Habang naghihintay na mayroong magssalita ay hindi ko mapigilang isipin na sana ay magawa kong papaniwalain si Ama na masamang tao ang kaniyang naging kaibigan. Hindi ko akalaing sa pagiging strikto niya ay hindi niya napansing iba ang intensiyon ng taong iyon. Kung sana man lang ay nagawa niya iyon ay hindi ako narito ngayon nakatayo at ikinakasal.

          Tumango naman ang lalaki sa aking harapan nang wala kaming narinig na pagtutol kaya nagsalita na siyang muli. Bumuntong-hininga na lang ako at hinintay ang mangyayaring mga milagro. Ang tahimik ng lahat na halos ang paghinga ng mga tao ay naririnig ko na. naroon pa rin ang kaba sa puso ko at malalamig pa rin ang aking mga kamay. Nakakatakot.

          "Sapagkat walang tumutol, ating ipagpatu—,"

          "Hindi sila maaaring ikasal!"

          Kasabay ng malakas na sigaw ay isang malakas na putok ng baril ang namayani sa buong lugar. Sigawan at tilian ng mga panauhin buhat ng gulat at takot ang namayani sa aking tenga. Mistulang natanggal at kumawala ang aking kaluluwa mula sa aking katawan. Nanginginig ang aking mga kamay at tuhod at halos maluha-luhang tinignan ang sarili kung mayroon ba akong tama. Hindi ko na alam kung anong nangyayari dahil nagmanhid na ang aking buong katawan.

          "Senyorita!"

          Halos mahulog ang puso ko nang makitang walang dugo ang lumabas sa akin na magpapula ng aking suot. Muli na naman na nagtilian ang mga panauhin kaya kaagad akong napalingon sa kanila. Natagpuan ko ang isang lalaki na nakatayo sa may bukana ng simbahan. At sa sandali ring iyon ay may isang lalaking nakaitim ang nahulog mula sa balkonahe ng simbahan at bumagsak sa may paanan ng lalaking nakatayo roon.

          Naroon pa ang panginginig at panlalamig ng aking mga kamay nang binitawan ko ang hawak na pumpon ng bulaklak. Mabilis kong hinugot ang kwintas na aking suot at kaagad na binuksan iyon. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang masilayang tumigil na sa pag-ikot ang kamay ng segundo. Tumigil ang oras insaktong alas dose ng tanghali. Hindi na nakayanan pa ng aking mga tuhod na suportahan ang aking katawan at bumagsak na ako sa sahig at hindi ko na napigilan pang mapaiyak.

          Nagawa ko! Nagawa ko, Kristina!

          Napahagulgol na ako sa tuwa habang mahigpit ang naging paghawak sa kwintas. Naroon pa rin ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Tumalungko naman si Primitivo sa aking tabi kasabay ng kaniyang paghawak sa aking braso.

          "Ayos ka lamang ba, Binibini?" aniya.

          "Senyorita!"

          Napatingin ako sa aking kaliwa nang marinig ko ang boses ni Isay. Bakas sa kaniyang mukha ang gulat sa pangyayari dahil sa magkarugtong niyang mga kilay, panlalaki ng mga mata, at kunot na noo. Kaagad niya akong dinaluhan sa sahig at niyakap.

          "Ayos lamang ba kayo, Senyorita?" Tumango ako habang kayakap siya.

          "Anong kaguluhan ito, Ginoong Agustino?!"

          Kaagad akong napatingin sa kanila nang marinig ko ang pagbanggit ni Don Miguel sa pangalan ni Agustin. Nagakakgulo na ang buong lugar at ang lahat ay napatingin sa likuran. Maraming mga gwardiya ang nasa loob na. Nagimbal ako nang makita ang lalaking nasa sahig nakahandusay ay naliligo na sa kaniyang sariling dugo.

          "Sa kautusan ng Corregidor ng probinsyang ito, kagalang-galang na Corregidor Andrés Atravencio, ikaw ay darakpin, Teniente de Policia Miguel Letreval, buhat ng patong-patong na kasalanan laban sa pamahalaan."

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now