Kabanata 63

447 24 11
                                    

 |Kabanata 63|


             Kakalabas ko lang ng bihisan at pabalik na ako sa may higaan nang mapansin ko ang bolso na dala ko papuntang De Alrazon na nakalagay sa sahig malapit sa paanan ng kama. Kaagad ko iyong nilapitan at napahinga ng malalim nang bumabalik na naman sa isipan ang nangayari noong gabing iyon.


Napaupo ako sa sahig at binuksan ko iyon saka inisa-isang tinignan ang mga nasa loob nito. Naroon pa rin ang mga damit ko at lalagyan ng pera. Nakuha naman ng aking atensiyon ang isang pares ng damit ko. Ang pares na sinuot ko noong nagpunta kami sa plasa noong gabing iyon. Kaagad ko naman iyong kinuha at tinignan. Mistulang piniga ang puso ko nang makita ko ang mga dugo ni Agustin na dumikit sa damit noong niyakap ko siya.


Hindi na nagpaawat pa ang mga luha kong muli na namang umagos mula sa aking mga mata. Sumikip pa ang dibdib ko habang yakap ko ang damit at humahagulgol sa gilid ng kama. Kung mas lalo kong itatago ang nararamdaman ko at isiping hindi nga iyon si Agustin ay ipapaalala na naman ng isipan ko kung paano nagdusa si Agustin habang hawak-hawak ko siya. Kahit isipin ko pang buhay siya ay alam kong kasinungalingan lamang iyon. Kasinungalingan lamang ang pag-iisip na buhay pa siya.


"Kristina?"


Napalingon ako nang marinig ang boses ni Ina mula sa aking likuran. Nakita ko siyang nakatayo na sa aking likuran habang nakatingin sa akin na nababahala at nagulat. Kagyat siyang napaupo sa aking tabi sabay hawak sa aking mga balikat.


"Anak, bakit ka tumatangis? Kumatok ako sa iyong pinto ngunit hindi ka sumagot kaya pumasok na ako. Ayos ka lamang ba?" nababahalang aniya. Nang marinig ko iyon ay kaagad akong napasandal sa kaniyang dibdib at doon umiyak pa lalo.


Alam kong naguguluhan siya ngunit hindi na siya nagtanong pa at hinayaan na akong umiyak habang hinahaplos niya ang aking likod at braso. Naiyak pa ako lalo dahil sa nangyayari nang maalala kong namatay ang ina ni Kristina noong siya pa ang narito. Kahit saan, kahit sino sa aming dalawa ni Kristina, may mamamatay at mamamatay talagang mahal namin sa buhay dahil dito. Hinding-hindi iyon maiiwasan. Dahil sa pagkawala ni Agustin ay napagtanto ko nang hindi ko na kayang mawalan pa ng minamahal sa buhay. Dahil hinding-hindi ko kakayanin.


"Iiyak mo lang iyan, anak, hanggang sa maging magaan ang iyong pakiramdam."


Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa tila ba'y wala ng luha pang umagos mula sa aking mga mata ay nagpahid ako ng mga luha saka umayos ng upo at tumingin kay Ina. Ngumiti naman siya ng kaunti sa akin ngunit bakas ang kaniyang pagkalito at pag-aalala.



"Nais mo bang pag-usapan ang dahilan kung bakit ka tumatangis?" mahinahon niyang tanong.

Huminga naman ako ng malalim saka napatingin sa damit na hawak ko na nakapatong sa aking mga hita at mahigpit iyong hinawakan. Kumakabog pa ang puso ko dahil sa nais kong sabihin. Ano na lang kaya ang mararamdaman ni Ina kapag nalaman niya ito?


"Kasi... Ina, si A-agustin...," kinakabahan kong usal.


"Mm-hmm? Ano ang mayroon sa kaniya? Nagkaroon ba kayong ng hindi pagkakaintindihan?" Kung sana, Ina, ay ganiyan na lamang.


Sa Taong 1890Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ