Ang Follower 1: Ang nakaraan

8.9K 320 49
                                    

"Maryosep naman Elaine.., kundi bagsak ay puro pasang awa na naman ang grades mo! Nasa kolehiyo na si Errol at Eliah samantalang ikaw ay nasa highschool pa rin! Baka naman pati si Edwina ay mauna pang gumradweyt sa iyo! Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo?! Naturingan kang panganay pero wala kang ka kwenta kwenta!", sabi ng ama ni Elaine na si Vicente.

Hawak nito ang report card ng dalaga na ilang araw nang nasa loob ng bag at hindi magawang ipakita sa mga magulang.

Halos lamukusin ito ng ginoo nang makita ang grades ng panganay na anak.

Si Elaine naman ay nakayuko lamang at tahimik na lumuluha.

"Tama na yan, hon. Baka tumaas na naman ang blood pressure mo.", awat ng inang si Elmira sa kanyang esposo.

"Pagsabihan mo yang anak mo! Inilipat mo na nga ng paaralan pero tignan mo ang mga marka! Mabuti pa ang sira ulo may gamot, pero ang katangahan niyan.., wala!'', masakit na salita ng ama. Bagaman ang esposa ang kinakausap ay kay Elaine naman nakatingin.

Nanatiling walang imik at nakayuko lang ang dalaga.

''Kanino ka ba nagmana ha, Elaine?! Matalino naman kaming pareho ng Mommy mo! Panginoon kong Diyos.., nakakahiya!'', sigaw uli ng ama. Naalala na naman ang nakitang grades ng anak.

''Alugin mo kaya ang ulo niyang anak mo, hon at baka sakaling gumana ang utak niyang mapurol?!", gigil na sabi ni Vicente.

Pagkatapos ay padaskil na iniabot sa esposa ang hawak na report card ng panganay. At nagdadabog nang lumabas ng sala.., nagtuloy sa garden upang palipasin ang init ng ulo.

Tinignan na lamang ng ginang ang asawang palayo.

"Mommy...", humihikbing tawag ni Elaine sa ina. Nasa himig nito ang paghingi ng paumanhin.

Bakas sa mukha ng ina ang disappointment, nakahawak pa ang isang kamay nito sa noo nang tignan ang anak.

"Por Dios por Santo.., Elaine. Ano pa ba ang sasabihin ko na hindi ko pa nasasabi sayo, ha? Hindi ba ang sabi ko sayo mag aral kang mabuti?", tanong ni Elmira sa anak. Bakas sa tinig nito ang inis na pinagsisikapang pigilin.

"Nag aaral naman akong mabuti, Mommy. Kaya lang..", sagot ni Elaine.

"Nag aaral mabuti?! Nasaan ang nag aaral mabuti na sinasabi mo.., ito ba?!", pigil na sigaw ng ginang habang iwinawasiwas sa harapan ng panganay na anak ang report card mula sa pinapasukang paaralan.

Muling iniyuko ng dalaga ang ulo at iniwas ang mukha upang hindi tamaan.

"Pumanik ka sa kwarto mo, ngayon din! Huwag kang lalabas hanggat hindi kita ipinatatawag! Mag isip kang mabuti kung ano ang gusto mong gawin sa buhay mo! Nagsasawa na ako sa kasesermon sa iyo! Sige na!", utos ng ginang.

Nagluluha ang mga mata nito sa labis na pagdaramdam at habag para sa anak. Bilang ina ay nasasaktan din siyang makitang kinagagalitan ito ng ama. Ngunit nayayamot din siya sa tila hindi nito pag intindi sa kanyang mga pangaral.

Hindi naman komo mahina ang ulo nito ay hindi na nila mahal. Anak nila si Elaine kaya gusto nilang mapabuti rin ang katayuan nito gaya ng mga kapatid.

Mahirap pa ang buhay nila noon nang ipagbuntis niya ang panganay. Wala pa sa plano nila ang pagdating nito. Hindi pa sila handa. Maraming kulang.., maraming wala. Kaya nang isilang na ay madalas itong magkasakit. Naisip niyang marahil ay naapektuhan ng mga ininom na antibiotics ang development ng utak nito.

May pagkukulang din silang mag asawa sa pinagkaganun ng panganay na anak. Napabuntung hininga na lamang ang ginang.

Lulugu lugo namang tumalima si Elaine sa utos ng ina. Mabigat ang mga paang naglakad ito at pumanik sa hagdanan papunta sa sariling silid.

Siya man ay nag iisip kung bakit siya ay iba. Kanino nga ba siya nagmana?

Ang Daddy niya ay isang mahusay na accountant sa malaking kumpanya at ang Mommy naman niya ay isang manager sa isang travel and tours agency.

Ang tatlo niyang kapatid ay nasisiguro niyang nagmana sa kanilang mga magulang.

Si Errol na sumunod sa kanya ay consistent honor student, si Eliah ay palaging kasama sa top at si Edwina na bukod sa mahusay na sa klase ay panlaban pa ng paaralan na dati rin niyang pinapasukan.

Inilipat siya ng kanyang Mommy sa isang paaralang malapit lamang sa kanila. Ayon sa kanyang ama ay nasasayang lang daw sa kanya ang napakamahal na tuition fee at nagiging batik pa siya sa magandang imahe ng tatlo niyang kapatid.

Hindi niya ipinagdamdam ang naging desisyon ng mga magulang. Natuwa pa nga siya sa nangyari. Hindi niya talaga kayang gayahin ang tatlong kapatid. Perpekto ang mga ito. Maganda na ang itsura ay matatalas pa ang utak. Samantalang siya.., latak lang. May itsura nga ngunit mataba naman na punggok at tigyawatin pa. At higit sa lahat hindi siya matalinong gaya ng mga kapatid. Mahina siya sa akademya. "Slow" kung tawagin ng iba,''monggi'' naman sa ilan at "nerdy" sa marami. Kumbaga sa itlog.., isa siyang bugok!

Ayaw na nga sana niyang pumasok sa paaralan dahil hindi naman naa absorb ng isip niya ang mga itinuturo ng mga teachers niya. Nagiging katawa tawa lang siya sa classroom. At tinutukso ng mga kaeskwela.

Kaya lang.., ang sabi ng Mommy at Daddy niya ay magtapos man lang siya kahit highschool at saka na lang isipin kung ano ang kaya niya at gusto niyang gawin. Ang kaso lang.., hindi pa rin niya magawa.

Pagdating sa loob ng sariling silid ay pasubsob niyang itinumba ang sarili sa kama.

"Tanga kasi ako, bobo! Puro kahihiyan lang ang ibinibigay ko kila Mommy at Daddy! Wala na akong nagawa na ikinatuwa nila! Pangit na bobo pa!", galit na sigaw niya sa sarili.

"Hindi totoo yan, ate.", sabi ni Edwina.

Nakapasok ito sa kanyang silid nang hindi niya namamalayan. Tumihaya siya sa pagkakahiga at pinahid ang luha.

"Ikaw pala, Edwina.", sabi niya sa bunsong kapatid.

"Ang galing galing mo sa pag gawa ng mga tula, ate. Ang pagiging champion ko sa declamation contest ay utang ko sa iyo. Ikaw ang gumawa nang ni recite ko sa harapan ng naaapakaraming tao.", papuri ng bunsong kapatid.

"Ang tagal tagal na nun, eh. At saka ikaw naman ang nag edit nun kaya lumabas na maganda.", katwiran ni Elaine.

"Ate..., kung wala kang bilib sa iyong sarili paano bibilib ang iba sayo? Paano maniniwala ang iba sa galing mo kung ikaw mismo ay hindi naniniwala sa sarili mo?", nakangiting tanong ni Edwina.

"Totoo? Magaling din ako?", paniniyak na tanong ni Elaine.

"Ang ate ko talaga.., syempre naman!", pagkasabi ay lumapit na ito sa kapatid at nakihiga na rin sa kama nito.

"Alam mo ate, ganyan lang talaga si Daddy at Mommy. Gusto nila the best ang mga anak nila. Huwag mong masyadong didibdibin kung nakakapagsalita sila ng di maganda. Dala lang ng init ng ulo kaya ganun. Basta gawin mo ang lahat ng kaya mo. Kapag mayroon kang hindi maintindihan sa mga subject mo, magtanong ka sa akin. Nandito lang ako lagi para sa iyo. At saka hindi ka pangit. Ang amo amo kaya ng mukha mo. Magkamukha nga tayo eh. Ang mga pimples mo mawawala din yan. Derma lang ang katapat niyan!", matapat na sabi ni Edwina.

Nangiti si Elaine. Sa tatlo niyang nakakabatang kapatid ay ito ang malapit sa kanya. Ito lang ang palaging nakakaunawa sa kanya at ito lang din ang naniniwalang magaling siya.

"Halika na ate., pinatatawag ka na ni Daddy at Mommy. Magdi dinner na tayo.", aya ng kapatid.

Sa narinig ay napangiti na si Elaine. Akala niya ay nagalit na nang tuluyan ang mga magulang niya sa kanya. Magkasabay pa silang tumayo ng bunsong kapatid at magkahawak kamay na bumaba sa kusina.

Misteryo sa WattpadWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu