Ang Author 5: subukan ko kaya?

2.6K 167 6
                                    

Nakauwi na si Wilma ay natatawa pa rin ito nang maalala ang kakulitan ni Nica. Magkapitbahay lang sila. Magkadikit dinding lang. Ang mga magulang nito ang nakabili ng bungalow sa tabi nila.

Wala pang titulo ang mga lupa sa kanila dahil kasalukuyan pa lang inaayos ng National Housing Authority pero silang mga tagaroon ang beneficiary.

Hindi man masasabing mayaman ay lalong hindi naman mahirap ang pamilya ng kaibigan niya. Furniture maker sa Riyadh ang Papa at ang kuya nito. Bunsong anak din na gaya niya. May computer shop pa ang Mama nito kahit ilang unit pa lang.

Dahil magkadikit lang ang bahay nila at mag bestfriend pa ay pinaalam ni Nica sa kanya ang password.

Kaya naman may libreng wifi siya. At kahit luma na at second hand lang ang kanyang android cellphone ay malaking tulong ang nagagawa nito sa pag aaral niya.

Mahilig siyang magbasa at kung may hindi maintindihan o may gustong idagdag sa kaalaman ay sa browser lang niya hahanapin at okay na. Hindi siya mahilig gumala o tumambay sa labas. Ayaw niya ng maingay at maraming tao. Gusto niya ay tahimik ang paligid. Nahihilo siya at nasusuka kapag maraming naglisaw lisaw sa harapan niya. Kaya naman kuntento na siya sa loob ng bahay.

Si Nica ang madalas na nagpupunta sa kanila kapag may assignment o project silang gagawin. At kung wala naman ay mag isa lang siya sa loob ng bahay nila at si Nica naman ay bantay sa comshop.

Mas gusto pa niya magbasa ng mga istorya sa Wattpad. Hindi na niya kailangang umarkila ng pocketbook gaya noon para malibang.

Ang asawa ng kuya niya ang nagturo sa kanya kung paano magkaroon ng account noong panay pa lang ang tambay nito sa kanila. Noong nagpapa cute pa lang ito sa kuya niya.

Kaya naman kapag natapos na siya sa mga dapat unahin at gawin ay nagbabasa na siya ng kwentong sinusubaybayan.

Mahilig din magbasa si Nica at kung may magandang istoryang nabasa ay agad na sinasabi sa kanya. Babasahin naman niya at kapag nagkita na sila ay pinag uusapan nila ito na parang mga sira. Dahil pareho ng hilig ay lalo silang nagkasundo.

Hindi pa niya alam noon na pwedeng gumawa ng istorya ang kahit na sinong may account.

Hanggang sa may makita siyang isang istorya na nakapag inspire sa kanya na subukang gumawa rin ng kwento.

Tawa siya ng tawa pagkatapos basahin ang isinulat na iyon ng isang writer.

"Ang ganda ng username, ang ganda rin ng ''description about me'' niya at ang title ng story ang angas ng dating pati book cover, pero waaaalang kakwenta kwenta ang istorya! Ang gulo gulo! Kumbaga sa direksyon ay maliligaw ka kapag sinundan mo! Jesus!", paarte niyang sabi.

Nadaanan siya ng nanay niya sa ganung itsura.

"Hoy! Bakit nagsasalita ka diyan mag isa? Sinasapian ka na yata ah!", tanong nito.

Ipinaliwanag niya sa ina ang dahilan ng pagtawa at pagsasalita mag isa sa pagitan ng pasalit salit na pagtawa.

"Asus! Ang yabang ng anak ko ah. Nakikibasa ka na lang ng walang bayad kung makapintas ka ay parang marunong kang gumawa ng kwento diyan sa Wattpad Wattpad na yan.", sermon ng ina sa anak.

"Inay, hindi ko naman sinabi sa kanya (sa author) ang comment ko. Syempre alam ko namang masasaktan siya. Sinarili ko lang naman.", katwiran ng dalaga.

"Ah, ganun ba? Ang akala ko ay pinintasan mo yung tao diyan. Hindi kasi magandang ugali ang mang hamak ng kapwa. Alam mo anak ang ganyang pag gawa ng kwento na parang nakikita at nararamdaman ng mga nagbabasa ay isang talento. Kahit hindi mataas ang pinag aralan ng isang tao basta may talento at angking galing ay makakagawa na siya ng mga ganyan. Siguro sinubukan ng taong iyan kung may talent siya. Kawawa naman kung makakabasa pa siya ng masasakit na salita mula sa mambabasa.", patuloy na sabi ng kanyang ina.

"Tama ka inay, kaya lang minsan ang makatikim ang isang tao ng pamimintas ang siyang makakapagturo sa kanya na pag isipan kung ano ang mali at magawang itama iyon. Kung ang akala niya ay tama ang ginagawa niya at walang makakapagsabi sa kanya na may mali, di na niya mapapaghusay ang sarili niya. Constructive criticism ang tawag dun, nay. Meron namang iba na ang over makapamintas to the point na napaka inconsiderate na sa feelings ng writer. Kahit saang larangan hindi nawawalan ng namimintas at namumuri. Hindi lahat mag ookey.", mahabang paliwanag niya sa ina na tumango tango naman bilang pagsang ayon sa sinabi ng anak.

Nang bumalik na ang kanyang nanay sa pagtitinda at maiwan na uling mag isa ay napaisip siyang mabuti.

"Ano kaya kung subukan ko rin ang gumawa ng kwento sa Wattpad? May talento kaya ako gaya ng sinasabi ng nanay? Magawa ko kayang maipakita sa mga magbabasa ng kwento ko ang gusto kong makita nila? Maramdaman kaya nila ang istorya ko? Magustuhan kaya nila? O mapagtawanan lang din? Kunsabagay subok lang naman. Titignan ko lang kung may makaka appreciate sa kwento ko. Testing testing lang. Wala din namang formal training yung karamihan sa kanila. Basta nagsusulat lang ng mga kwento. Subukan ko rin kaya? Baka may ma publish din akong story sa mga sikat na bookstore!", tila nangangarap na sabi niya sa sarili.

Agad siyang gumawa ng bagong account. Isisikreto muna niya lalo na kay Nica. Baka kasi walang magbasa ng isusulat niya. Ayaw niyang mapahiya sa kaibigan. Gusto niyang dumami muna ang reads, votes, nice comments at followers niya kapag ipinakilala na niya ang tunay na identity ng bagong username na napili niya. Ang akosidarna.

Misteryo sa WattpadWhere stories live. Discover now