Ang Author 8: obserba

2.3K 154 5
                                    

Ilang sandali pa ay natanawan na niya ang ina. Hindi pa man naririnig ang sasabihin nito ay may ideya na siya kung ano. Madilim na madilim ang mukha ng kanyang inay at parang hindi sumasayad sa lupa ang mga paa kung maglakad.

"Ang kapal ng mukha! Siya na nga itong inaamag na ang utang ay siya pang may ganang magalit! Kuuu! Kung hindi lang ako nahawakan ni Mareng Joy ay tiyak na nanghiram siya ng mukha sa alaga niyang aso!", pulang pula ang mukhang sabi ng inay niya.

Iniabot niya dito ang isang basong may malamig na tubig. Otomatik na inilapit naman nito ang baso sa bibig at mabilis na inubos ang lamang tubig.

Tinapatan niya ng bentildor ang ina upang lalong mapreskuhan. Matapos mainom ang tubig ay bahagya nga itong kumalma.

Nagkatinginan silang mag ina pagkatapos. At ilang saglit lang ay nagkatawanan na. Mabait ang nanay niya at mahaba ang pasensya nito. Hindi nito kayang manakit kahit galit na. Madali itong pakiusapan at maawain. Madalas ay ito ang tagapayo sa mga kumareng may mga hinaing sa buhay.

"Ang inay, kung bakit naman kasi pinuntahan mo pa. Kung gusto ka pang bayaran ng kumare mo kahit pakonti konti ay nagbayad na yun. Madala ka na kasi sa pagpapautang. Kakaunti na nga lang ang paninda mo pinapautang mo pa.", nakangiti niyang sermon sa ina.

"Paano naman kesyo wala daw pambaon ang anak o kaya naman ay wala pa daw ulam ang mga anak kaya naman hindi ko natiis. Naawa lang ako tapos kaninang sinisingil ko ay galit pa! Hay naku! Bawas na siya sa listahan ng mga kumare ko! At huwag na huwag niya akong mapunta puntahan dito para daingan ng mga problema niya dahil dadagukan ko siya!'', galit na sabi uli ng kanyang inay.

Natawa na lang siya sa sinabing iyon ng nanay niya. Maraming ulit na kasi niyang narinig ang dialogue na yon ngunit kapag nakapag sorry naman ang mga kaibigang kumare ay okey na uli ang nanay niya.

Minsan ay naiinis siya sa ugaling yon ng ina. Madali itong magpatawad at hindi nagtatanim ng galit. Sandali lang magtampo kaya naman payapa ang loob. Dahil walang bigat sa dibdib na dala dala ay mabilis itong makagawa ng antok. Madikit lang ang likod sa higaan o upuan ay agad na nakakatulog. Ugaling lihim niyang hinahangaan ngunit hindi magawang tularan.

Nagbalik na sa loob ng tindahan ang ina ni Wilma. At dahil walang pasok sa eskwela siya ang nagboluntaryong pumunta sa talipapa upang bumili ng ilulutong ulam para sa pananghalian. Malapit lang ang talipapa sa kanila. Katabi lamang iyon ng baranggay hall. Ilang maliliit na kwadradong pwesto ng mga hilaw na karne ng baboy at manok. Iba't ibang isda gaya ng bangus, tilapia, dalagang bukid, galunggong, hasa hasa, bisugo at kung anu ano pa na hindi pamilyar sa kanya dahil hindi naman nila naihahain sa mesa. Mga gulay na panahog sa mga lulutuing putahe at ilang prutas ang mga panindang naroroon. Kaya hindi na kailangang mamasahero pa para makapamili. Kung mga ulam ulam lamang ay mayroon na sa kanilang talipapa.

Uuwi ng maaga ang kanyang itay kaya magsisigang ang nanay niya para sa pananghalian na pati hanggang gabi ay ulam na nila.

Nasa tapat siya ng nagtitinda ng karneng baboy at butu-buto. Habang naghihintay na mapagbilhan ng tindera ay nagmasid masid siya sa paligid. Naghahanap siya ng materyal na gagamitin para sa kasunod na chapter ng ginagawang kwento.

Dahil walang dalang ballpen at papel ay masusi na lamang siyang nag obserba. Tinandaan at isinisiksik sa utak ang mga nakikitang nangyayaring pagkilos ng mga naroroon sa talipapa.

Napalingon siya nang marinig ang pag uusap ng dalawang magkatabing tindera sa magkatabing pwesto.

Walang bumibili sa dalawang tindera kaya nakatingin ang mga ito sa isang pwestong nakahiwalay sa kanilang lahat na magkakahilera.

Nasundan niya ng tingin ang tinitignan ng dalawa.

Maraming mamimiling nakatayo sa tapat ng kariton ng tinderang nakangiti habang inaasikaso ang mga bumibili.

Bahagyang naka make up ito at maayos ang pananamit. Naka apron at nakapusod ang buhok ng babae. Malinis ang paligid ng kariton at maayos ang pagkakalagay ng mga panindang assorted. Tantiya niya ay naroroon sa pwestong iyon ang lahat ng kakailanganin ng mga bumibili. Maliksi ang kilos ng tindera na hula niya ay nasa thirties ang edad.

"Kuu..., malakas kasi kay Kap yan kaya nakapwesto diyan. At saka tignan mo at naka make up pa! Pati ang suso ay lalawit lawit kaya madami ang bumibili! Hmp! Ang arte!", sabi ng isang maitim at losyang na tindera. May nakasungalngal pang sigarilyo sa bibig nito.

"Akala mo kung sinong maganda! At saka dapat hindi dyan nakapwesto yan, harang na niya ang mamimili bago pa makarating sa pwesto natin! Dapat ireklamo natin yan eh!", sabi naman ng isa pa na sa tingin niya ay hindi man lang yata nagawang maghilamos ng mukha dahil may bakas pa ng uling ang baba.

Napatingin tuloy siya sa paninda ng dalawang tinderang panay ang reklamo.

Lasog lasog na ang tiyan at mapupula na ang mata ng mga isdang tinda nito. Naglipana din ang malalaking langaw sa hasang na nasa lapag na kaagawan ng mga pusa.

Ang katabi naman nitong tindera na tango ng tango at panay ang ismid ay panay ang bugaw sa mga langaw na umaaligid ligid sa mga namumuting karne ng baboy at mga longganisang iba na rin ang kulay na tinda nito.

Napailing siya at lihim na natawa. Wala talagang pinipiling edad ang inggit.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon