Ang Follower 18: puting longsleeve

2.5K 179 5
                                    

Hindi nakatiis si Elaine. Bumaba siya sa dyip na sinasakyan at pinuntahan ang lugar na kinakitaan kay Marlon. Nanatili siyang nakatayo habang nagpapalinga linga sa lugar. Naglakad lakad din siya sa paligid sa pagbabaka sakaling makita ang lalaki ngunit nabigo siya.

"Bakit naman ganito ang nangyari, Marlon? Ang tagal kong hinintay na dumating ang araw na magkita tayo ng personal tapos ay nainip ka naman agad sa paghihintay sa akin. Di ba kung talagang gusto mo akong makita ay maghihintay ka? Gaya ng mga stories na ginagawa ko.., gaya ng mga love stories na napanood at nabasa ko. Di ba dapat ganun? O baka naman talagang hindi ka dumating. Baka naman nagbago ang isip mo kaya di ka na lang sumipot. Bakit naman ganyan ka, Marlon? Di ba nangako ka? Bakit ka nangangako tapos hindi mo naman pala kayang tuparin? Mukha akong tanga! Pinagmukha mo akong timawa sa lalaki. Marlon, please magpaliwanag ka, ha. Please, sabihin mo sa akin na mali ang mga akala ko. Na mali ang mga naiisip ko. Maniniwala ako sa reason na sasabihin mo.", umiiyak na kausap niya sa sarili.

Pasimple niyang pinahid ang luha na pumatak sa pisngi upang hindi pagtakhan at kumuha ng pansin sa mga taong nagdaraan.

Napaigtad siya nang may kumalabit sa kanya! Isang batang lalaking gusgusin. Nakaangat ang braso nito at may itinuturo sa kanya. Napatingin siya sa gawing yon.

"Marlon?", nakangiti niyang sabi at nagmamadaling sinundan ang lalaking nakita niyang lumiko sa kanan habang paulit ulit na tinatawag ang pangalan nito.

"Huh!", maang na sabi niya nang walang Marlon sa dead end na nakita niyang nilikuan nito.

Binalikan niya ng tingin ang batang kumalabit sa kanya kanina. Ang batang nakatayo sa may gilid ng daan at nagturo kay Marlon. Ngunit..., wala na ito!

Agad siyang nakadama ng hindi maipaliwanag na takot. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa braso at nanlaki ang kanyang ulo.

Matatakutin siya. Kaya kung magsulat siya ng kwento ay general fiction, fantasy o romance. Gumawa man siya ng horror ay mas ang nakakakilig na tagpo at katatawanan.

Muli siyang napahawak sa tapat ng dibdib. Pakiramdam niya ay may mabigat na nakadagan dito. Biglang pumasok sa isip niya ang lalaki.

"Marlon, may nangyari ba?", nanlalamig ang mga kamay niyang tanong.

Napaigtad siya nang mula sa likuran ay may biglang humawak sa kanyang balikat!

Sa gilid ng kanyang mata ay kitang kita niya ang blurred na anyo ng isang taong nakasuot ng long sleeve na puti. Saglit na nanigas ang kanyang mga panga!

Gusto niyang sumigaw ngunit tila umurong ang kanyang dila!

"Huwag..., ayoko ng ganito. Tama na.., please.", sigaw ng kanyang utak.

Nag concentrate siya. Sinikap na maigalaw ang mga paa. Kailangang makaalis siya sa lugar na kinaroroonan!

Naikilos naman niya ang mga paa. Nagawa rin niyang ipiniksi ang balikat upang kumawala sa kamay na nakahawak at pagkatapos ay walang lingon lingon na naglakad..., takbo..., lakad. Agad siyang sumakay sa dyip na naghihintay ng mga pasahero. Nanlalaki pa rin ang ulo niya. Lalo na nang may tumabi sa kanya. Nangalisag ang mga balahibo niya sa katawan!

"Sinundan niya ako! Nandito siya sa tabi ko!", takot na takot na bulong niya sa sarili.

***********

Wiiii.......! Wiiii.....!

Tunog ng humahagibis na ambulansya sa gitna ng kalsada. Lulan nito ang duguan at walang malay na si Edwina. Naghintuan at nagsitabi ang iba pang sasakyang nasa daan upang mabilis itong makarating sa hospital.

Ang mga taong nag uusyoso sa nangyaring aksidente ay may kanya kanyang bulung bulungan tungkol sa pagsalpok ng kotse ng dalaga sa temporary concrete barriers sa daan, ang pagtagilid nito at muling pagsalpok sa isang poste. Halos mapipi ang unahang bahagi ng kotse ng dalaga. Naipit pa ito at malakas na humampas ang ulo sa salamin. Dahil hindi nakasuot ng seatbelt ay higit na pinsala ang kanyang tinamo.

May mga pulis at media na nagkakanya kanya ng pag i interview sa mga nakasaksi sa pangyayari. Lalo na sa isang babae na may kasamang bata na halos hindi makapagsalita. Nanginginig pa rin sa takot ang dalawa. Ilang sandali pa at isinakay na rin ang mga ito sa mobile car papunta sa presinto upang makunan ng pormal na salaysay habang ang ibang otoridad ay naiwan upang patuloy na mag imbestiga.

Nagmamadaling naglabasan ang ilang staff ng hospital nang pumarada ang ambulansya sa tapat ng emergency entrance. Mabilis ngunit maingat ang pagkilos ng mga ito.

Agad na nagtulung tulong ang mga doktor at nurse na bigyan ng karampatang lunas ang nag aagaw buhay na pasyente. Ilang test ang agad na isinagawa sa walang kagalaw galaw na dalaga. May kung anu anong tubo ang nakakabit sa bibig at dibdib nito. Ganun din sa kamay at mga daliri.

"We need to inform her immediate family. Kulang ang facilities ng ating hospital para gamutin ang tinamong head injury ng pasyente. Kailangang mai transfer siya agad sa malaking hospital. Tignan nyo sa identification cards niya.", utos ng doktor.

Agad na tinawagan ng nurse ang ilang contact number na nakita sa wallet ni Edwina. Sa trabaho at sa mga magulang nito.

Misteryo sa WattpadWhere stories live. Discover now