Ang Follower 15: gandang nakatago

2.6K 184 6
                                    

Boracay...

Maagang natapos ang meeting na dinaluhan ni Edwina. Kung kaya bumalik ito sa condo na inokupahan niya. Masigla siyang naligo at nag ayos ng sarili. Isang puting longsleeve na maluwag at maong na short ang isinuot ng dalaga kapares ng isang puti ring rubber shoes. Nagsuot din siya ng isang puti at may lasong sumbrero na katamtaman lamang ang lapad.

Matapos masiyahan sa nakikitang repleksyon ng sarili sa harap ng salamin ay nakangiti niyang kinindatan ang sarili.

Ilang pag ikot at pagtagilid pa ang ginawa ng dalaga at nang makatiyak na kahit maigsi lamang ang suot na short ay disente pa rin siyang tignan ay isinuot na niya ang isang salaming nag aagaw ang itim at rosas na kulay. Lalong tumingkad na kariktan ng dalaga. Pagkaraan ay kinuha na niya ang body bag na ka kulay ng laso niya sa sumbrero at naglakad na palabas.

Samantala......

Ilang damit na ang nakakalat sa ibabaw ng kama ni Elaine na matapos isuot at tignan ang sarili sa harapan ng salamin ay huhubarin uli at muling magsusuot ng iba. Katatapos lang niyang maligo ngunit parang naliligo na naman dahil sa pagtagaktak ng pawis.

Sandali niyang inihinto ang ginagawa at nilapitan ang bentilador na nakatutok sa gawi niya. Itinodo niya ang lakas nito upang hindi na pagpawisan at muling pumili sa mga nakasabit na damit sa loob ng kanyang closet.

Nagahol ang dalaga nang makita ang oras sa suot na wristwatch.

Nagmamadali nitong sinuot ang isang pantalong itim at isang v- neck cotton shirt na pula. Napangiti siya nang makitang lalong tumingkad ang maputi niyang balat sa suot. Ang balakang at puwit niya ay nagmukhang mahubog sa pagkakalapat ng hapit na pantalon. Naipagpasalamat niya ang pagpayat dahil sa araw araw na pagod sa pagtitinda. Pagkatapos ay umupo siya sa harapan ng tokador at ang mukha naman ang pinagtuunan ng pansin. Muli siyang napangiti dahil ang mga taghiyawat niya ay unti unti nang nawala maliban sa bahagyang peklat na lamang na mapusyaw na. Pinagtiyagaan niya ang pagpapahid ng toner, rejuvenating lotion, rejuvenating cream at sunblock na prescribe ng dermatologist na pinagdalhan sa kanya ni Edwina pagkatapos magpa facial treatment.

Bahagyang make up lang ang inilagay niya sa mukha matapos magpahid ng manipis lang din na concealer cream. At manipis na lipstick na kulay pula naman ang ipinahid niya sa labing may natural na pamumula.

Napabungisngis siya nang makita ang itsura. Nagandahan siya sa sarili. At nagdesisyon na mula sa araw na yon ay palagi na siyang mag aayos at mgtitiwalang may ganda rin siyang nakatago. Na hindi baleng may katabaan siya atleast maganda naman. Naisip niyang bigla ang bunsong kapatid. Tama nga ang madalas nitong sabihin sa kanya. Magkamukha nga silang dalawa.., pirated nga lang siya! Nakangiti niyang kinuha ang cellphone. Kinunan ang sarili at pagkatapos ay ipinadala kay Edwina.

Pagkaraang paulit ulit na spray yan ng pabango ang halos lahat ng panig ng katawan ay kinuha na niya ang shoulder bag. Nakangiti siyang lumabas ng kwarto at diretsong bumaba ng hagdanan. Nagpaalam siyang may pupuntahan sa kasambahay na tumango lang. Hindi na siya nito nilingon dahil sa abalang abala ito sa pagpapalit ng mga kurtina. Ipinagkibit balikat lang niya ang inasal ng ale. Ayaw niyang mabad vibes. Walang makakabasag ng saya at excitement na nararamdaman niya. Matapos muling tignan ang mukha sa salamin na nakatayo sa gilid ng pintuan ay nakangiti na siyang lumabas patungo sa gate ng kanilang bahay.

Pagkalabas ay sinulyapan pa niya ang nakasarado niyang tindahan.

"Diyan ka lang muna ha. Haharapin ko na muna ang aking lovelife at pagkatapos ay ikaw na uli.", nakangiti niyang kausap sa karatulang Elaine's Sari-sari. Pagkatapos ay tila nakalutang sa ere na naglakad papunta sa sakayan ng mga dyip.

Ang usapan nila ni Marlon ay magkikita sila sa loob ng isang fastfood chain ng bubuyog na masaya. Nanggaling lang ito sa sakit kaya nag suggest siya na sa malapit na lugar ng lalaki sila magkita. Malakas siya at walang iniindang masakit sa katawan kaya siya na lang ang magbibiyahe ng malayo upang hindi ito mabinat. Nung una ay ayaw pumayag ni Marlon. Ngunit napaliwanagan niya ito ng magandang dahilan kung kaya sa bandang huli ay napapayag na rin niya.

Mabilis siyang nakasakay ng dyip. Madalang ang mga pasahero dahil patay na byahe ang oras na yon. Lima lang silang pasaherong lulan ng dyip. Matapos makiabot ng kanyang bayad at sabihin kung saan siya bababa ay inilagay na niya sa tenga ang headset at nakinig ng soft music. Dala ng puyat kinagabihan ay nakadama ng antok ang dalaga. Malakas ang hampas ng hangin at malamyos ang awit na pinakikinggan kaya lalo siyang hinihila ng antok. Ipinilig niya ang ulo at pilit na idinilat ang mga mata. Nakita niya ang apat na pasaherong nakayukyok at nakapikit. Hula niya ay tulog ang mga ito. Tumanaw siya sa labas ng dyip at tinignan ang mga nadaraanan.

"Malayo pa!", bulong niya.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon