Ang Author 12: nasirang cellphone

2.2K 160 1
                                    

Habang nagta type si Wilma ng mga karagdagang pangyayari ay hindi niya mapigil ang mapangiti. Siyang siya ang pakiramdam niya. Hindi man writer ang kanyang kaibigan ay wide reader ito. Alam nito kung maganda at may sense ang isang kwento sa umpisa pa lang. At kahit boring ang isang istorya ay tunog nito kung may pangdiin sa dulo o may magandang patutunguhan naman ang kwento. Kahit hindi pa kilala at baguhan ang author ng isang istorya ay binabasa na nito at pinupuri ang pagkakagawa. Kaya naman masayang masaya siya. Alam niyang talagang nagustuhan ng kaibigan ang gawa niya hindi dahil magkaibigan kasi sila. Hindi nito alam na si Wilma at at si akosiDarna ay iisa.

Ganadung ganado siya sa pagta type. Lahat ng nangyari pa na nakita niya sa pamamagitan ng pag upo sa loob ng tindahan ng ina ay idinagdag niya maliban na nga lang sa nangyaring pagbibida ng kaibigan tungkol sa bagong author na walang iba kundi siya. Tiyak na mabubuko na siya ng kaibigan kapag eksaktong ang pag uusap nila ang inilagay niya. Kaya minabuti niyang lagpasan na lang iyon.

Muli siyang nag publish., at sa pagkakataong iyon ay apat na kabanata ang nagawa niya na pinamagatan niyang Love hurts, School of tears, Regrets at Inspired by you.

Natulog siyang puno ng tiwalang magkakamit na naman ng maraming reads at votes ang kwento niya pagdating ng umaga.

Kinabukasan...,

Hindi niya muna tinignan ang notification niya pagkagising. Kinontrol niya ang sarili. Nang makapagbihis na at maihanda ang sarili ay saka pa lamang niya inalam ang naging bunga ng apat na parteng ginawa niya.

Gaya ng inaasahan ay muli na namang nadagdagan ang reads ng kwento niya. Kinuha niya ang scratch notebook at isinulat ang day 2 at ang bilang ng reads. Ganun din kasi ang ginawa niya nung unang araw, upang ma monitor ang gawa. Malapad na malapad ang pagkakangiti niya. Matapos makita ang reads ay tinignan naman niya kung pang ilan ang gawa niya sa what's hot . Napa "yes" pa siya nang makitang pang lima na ito kung saan kahilera ng mga gawa ng mahuhusay na manunulat.

Isinilid na niya sa bulsa ang cellphone nang marinig ang boses ng kaibigan. Lumabas na siya at magkasabay na silang pumasok sa eskwela.

Nang ungkatin ni Nica ang tungkol sa author na akosiDarna ay sinabi na lang niyang binasa na rin niya ang kwento ng author. Madami pa silang napagkwentuhan bago pa nakarating sa paaralan.

Lumipas pa ang ilang mga araw at linggo. Patuloy na tumataas ang bilang ng reads sa kanyang kwento.

Nasa kahabaan na siya nang naita type na pangatlong parte upang idagdag sa kabanata ng kanyang kwento nang biglang mamatay ang cellphone niya.

"Put*** ina naman! Patapos na saka pa na drain! Nakakainis! Fourthy eight percent pa ang battery mo bakit namatay ka na?!", galit na galit niyang tanong sa cellphone na hawak.

Muli niyang diniinan ang gilid ng gadget upang mabuhay uli ngunit hindi iyon nangyari. Inulit niya ang pag diin, mas matagal. Pero wala pa din. Nagmamadali niyang kinuha ang charger at isinaksak sa outlet. Ngunit nanatiling black out ang screen nito.

"Bakit naman ganyan ka? Bakit ka nasira?", umiiyak na tanong niya sa cellphone.

Humahangos siyang lumabas ng kwarto upang ipaalam sa ina ang nangyari.

"Hayaan mo at dadalhin ko bukas kay Edward yan para magawa. Huwag ka na umiiyak. Akala ko naman ay kung ano na ang nangyari sa iyo.", sabi ng inay niya.

"Pano naman kasi.., gamit na gamit ko ang cellphone ko inay. Kailangang kailangan ko ito.", may kahalong inis ang pag iyak niya. Hindi lang niya masabi sa ina na konti na lang at ipa publish na niya ang next three chapters ng kwento tapos ay nasira pa ito. Gigil na gigil talaga siya sa inis.

"Hayaan mo at bukas na bukas din ay ipagagawa ko na yan. Sige na, huwag ka na ngumuyngoy diyan. Matulog ka na at gabi na. Ang akala ko ay natutulog ka na kanina pa, yun pala ay nag aaral ka pa.", sabi ng inay niya.

Sa narinig mula sa ina ay bahagya siyang nakaramdam ng sundot ng kunsensya. Pinahiran na niya ang luha at nagpaalam na.

"Matulog ka na at ako na ang bahala dito bukas!", pahabol pa nito.

Hindi niya nagawang makatulog agad. Ang ginagawang kwento ang laman ng isip niya. Hinayang na hinayang siya sa mga pinaghirapang gawin. Iniisip din niya ang mga readers at followers na alam niyang nag aabang ng update niya.

Gusto niyang ma maintain ang magandang image na masipag mag post at gabi gabing may bagong kabanatang mababasa ang mga ito.

Hindi na niya namalayan kung anong oras napagod ang utak niya sa kaiisip bago nakatulog. Isa lang ang sigurado.., napuyat siya.

Kinabukasan ay matamlay na matamlay ang pakiramdam niya. Parang isang napakalaking bahagi ng bawat araw ang nawala dahil sa pagkasira ng cellphone na chine check niya bago pumasok sa paaralan. Pakiramdam niya ay maysakit siya. Biyernes pa naman at makakagawa sana siya ng mas magagandang kwento. Magbabantay siya sa tindahan ng nanay niya. Pagdating naman ng sabado at linggo ay mas maraming kwento ang makikita niya sa mga kapitbahay. Kaya talagang masamang masama ang loob niya.

"Nay, yung cellphone ko ha.", pagpapaalala niya sa ina bago tuluyang umalis upang pumasok sa paaralan.

Misteryo sa WattpadWhere stories live. Discover now