Ang follower 23: ang pagsunod

2.6K 177 17
                                    

This chapter is especially dedicated to @E_L_I_A_H

Nalito si Elaine.., susundan ba niya ang kapatid na papapalayo o babantayan ang katawan nito?

Nagulat siya nang tumunog uli ang cellphone at gumalaw! At sa gilid ng mga mata ay nabanaag niya ang isang lalaking nakatayo sa may tagiliran niya! Dumaloy ang kilabot sa buo niyang katawan. Agad siyang humakbang palabas at hinila ang pintuan pasara! At nagmamadaling sinundan ang kapatid.

Napansin niyang ilan lamang ang bukas na ilaw a pasilyong nilalakaran niya. Private at suite ang kahabaan ng mga silid na naroroon kaya naman tahimik na tahimik. Wala siyang taong nakikita.

Sandali siyang huminto at luminga sa paligid.

"Edwina.., nasaan ka?", bulong niya sa sarili.

Itinuloy niya ang paglakad. Nadaanan niya ang nurses station na walang ibang nurse maliban sa isang nakayukyok.

"Tulog na yata ang isang ito. Siguro ay nagra rounds na ang ibang nurse na kasama niya.''

''Kailangang maibalik ko si Edwina bago pa pumunta ang mga nurse sa kanyang silid!"
Pagkasabi ay muling naglakad si Elaine habang nagpapalinga linga.

"Hayun! Edwina!", malakas niyang tawag sa kapatid. Huli na nang ma realize na baka may mabulahaw siya sa pagsigaw na ginawa.

Nagmamadali ang hakbang na ginawa niya upang sundan ang kapatid na nakitang lumiko. Papuntang hagdanan ang pinuntahan nito. Hindi na uli siya sumigaw. Nag alalang mapagalitan siya o masita sa ingay na ginagawa. Paano niya ipapaliwanag na hinahabol niya ang kapatid na ang katawan ay nasa malalim na pagkakahimbing sa loob ng silid nito. May maniniwala kaya sa kanya? Baka isipin pa ng mga makakarinig na isa siyang baliw.

Nang makarating siya sa punong baitang ng hagdanan ay muling nawala si Edwina.

"Edwina..., please! Huwag kang umalis. Nasaan ka na?"

Muli siyang nagpalinga linga. Upang manghilakbot lang sa makikita!

Nakatayo sa may pasilyo ang hugis lalaki. Madilim sa bahaging kinaroroonan nito. Hindi niya kayang tagalan ang pagtingin sa lalaki. Pakiramdam niya kapag tinitigan niya ito ay mahihipnotismo siya. Nararamdaman niyang gusto nito ang maisama siya!

Nang humakbang ang lalaki pasulong sa kanya ay agad din siyang humakbang sa baitang ng hagdanan pababa. Nagmamadali siyang makalayo.., hindi siya dapat maabutan!

Nataranta si Elaine.., gusto niyang takasan ang sumusunod sa kanya. Ngunit gusto rin niyang mahanap ang kapatid at maibalik sa loob ng silid kung saan naroroon ang katawan nito.

Nababa niya ang dalawang palapag ng hospital na hindi namamalayan. Saklot ng takot para sa lalaking sumusunod sa kanya at pag aalala para sa buhay ng kapatid na nais niyang maibalik. Hindi niya nararamdam ang pagod.

"O Diyos ko! Edwina, huwaaaag!" Hindi na niya napigil pa ang sarili. Hindi na niya inisip na baka makabulahaw ng ibang pasyente ang ginawa niyang pagsigaw.

Si Edwina! Palabas na sa malapad na pintuan ng hospital!

Halos magpadaudos na lamang sa hagdanan si Elaine makababa lang agad at mapigilan ang kapatid sa paglabas.

"Huwag mong gawin yan, Edwina. Kapag lumabas ka ng hospital na ito ay hindi ka na makabalik sa iyong katawan. Huwag mong gawin yan, please..", namamaos na ang tinig niya dahil sa pag iyak.

Tuluyang nakalabas ng hospital si Edwina.., nakaramdam ng matinding hapo si Elaine. Ganun pa man ay ipinagpatuloy niya ang pagsunod sa kapatid.

Hindi siya susuko. Hindi niya isusuko ang kapatid. Hindi siya papayag na lisanin nito nang tuluyan ang kanilang pamilya. Ito lamang ang nakakaintindi sa kanya. Ito lang ang nakakakilala sa kanya.., ang tumatanggap sa mga kapalpakan niya. Ito lang ang palaging nag aalala sa kanya.., ang nag iisip para sa ikapa payapa ng loob niya..., ng magpapasaya sa kanya.

Mahal na mahal niya ang bunsong kapatid..., ang kanyang bestfriend.

Sinundan niya si Edwina. Hindi niya alintana ang mga nakakasalubong na mga lalaking lasing at sumusuray sa daan. Nagkakanda haba ang leeg niya upang huwag mawala sa paningin ang kapatid na ilang hakbang ang layo sa kaniya. Hindi na rin niya pinapansin ang takot na nararamdaman para sa lalaking hindi man niya lingunin ay alam niyang nakasunod pa rin sa kanya.

''Matapos lang ang problema ko ngayon kay Edwina ay haharapin na kita. Hindi maaaring palagi na lang akong natatakot at tumatakas sa iyo! Kung sino ka man!'', buo ang loob na desisyon ni Elaine.

Malayu layo na ang nalalakad niya sa pagsunod sa kapatid nang huminto ito sa isang lugar na maraming tao. Maliwanag at maraming mga bulaklak. Bulaklak ng..., patay!

Nakaramdam siya ng kilabot! Pumasok si Edwina sa loob at huminto sa tapat ng isang ataul.

Malakas na malakas ang pagkabog ng kanyang dibdib. Inilinga niya ang paningin sa paligid. May hinahanap siya. Mula pa kanina ay hindi pa niya ito nakikita. Sila lamang ang magkakasamang pumunta kay Edwina.

Nakita niyang lumuluha ang kanyang ina. Katabi si Eliah. At si Errol naman ay kausap ang mga kasamahan sa trabaho..... ng kanilang Daddy.

"Daddy?!" Pagkasabi ng ganun ay agad siyang lumingon!

Wala! Nawala na ang lalaking sumusunod sa kanya habang sinusundan naman niya si Edwina!

Mabilis at malalaki ang hakbang niya palapit sa ina at sa kapatid.

Masamang masama ang loob niya sa mga ito.,

"Pati ba naman sa ganitong pagkakataon ay hindi nyo pa rin ako sinabihan? Pinagmuka nyo na naman akong walang kwenta! At si Edwina na comatose pa ang nagdala sa akin dito! Parte ba talaga ako ng pamilyang ito ha, Mommy?!", umiiyak na sumbat niya sa inang panay ang iling.

Bahagya siyang natigilan nang lumapit sa kanila si Errol. Hindi niya inaasahan ang kasunod na magaganap.

Misteryo sa WattpadWhere stories live. Discover now