Ang follower 19: masamang balita

2.4K 176 3
                                    

Hindi kumikilos si Elaine sa pagkakaupo. Maging ang leeg na nakalihis at ang mga matang sa labas ng dinadaanan nakatanaw ay hindi rin gumagalaw. Parang manikin lang. At tanging ang lalamunang lumulunok ang kumikilos.

"Diyos ko po! Diyos ko po!", usal niya ng paulit ulit.

Kinapa niya ang earphone sa loob ng bag na nakapatong sa kandungan. Nabuksan niya ito kahit hindi nakatingin. Inilagay niya sa magkabilang butas ng tenga ang kawad at nakinig ng masayang tugtugin. Pilit na kinakalma ang sarili. Nang isa isang magbabaan ang mga kasama niyang pasahero ay lalo siyang natakot. Dalawa na lamang sila ng ale na nakasakay sa loob ng dyip. Isang kanto pa bago ang sa kanto nila ay gusto na niyang bumaba. Marami ang mga naglalakad sa gilid ng kalsada kaya lumakas ang kanyang loob.

"Para!", sigaw niya. Napangiti siya nang makasabay pa niya ang ale na pumara. Kung nagkataon ay maiiwan na lang siyang mag isa katabi ng sumusunod sa kanya.

Umuna pa siya sa pagbaba. Nakatingin siya sa kabilang panig ng sasakyan kung saan nasa kabila naman ang iniwasang makita.

Umaandar na ang dyip papalayo nang magawa niya itong tignan.

Laking hilakbot niya nang makitang wala na rin sa loob ng dyip ang sumusunod sa kanya.

"Bumaba rin siya?!

Nasa likuran ko siya!

Diyos ko po! Bantayan Mo po ako! Tulungan Mo po ako!", paulit ulit niyang panalangin.

Malalaki ang ginagawa niyang paghakbang. Ilan na sa mga naglalakad ang kanyang nalampasan sa bilis ng lakad takbo niyang ginagawa.

Nang sa wakas ay makarating na siya sa tapat ng kanilang gate ay nabuhayan na siya ng loob.

"Nakauwi na ako! Siguro naman ay hindi na niya ako susundan sa loob ng bahay!", pagpapalakas loob niya sa sarili.

Nang makapasok ay nagmamadali niyang isinara ang gate. Nahagip pa ng kanyang paningin ang anyo ng sumusunod sa kanya na nakatayo sa tapat nito.

Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng kanilang bahay. Nakahinga siya ng maluwag nang sumilip siya sa bintana at hindi na makita ang kinatatakutan.

"Wala na! Salamat po, Diyos ko!", sabi niya.

Nadatnan niya na nagluluto ang kasambahay sa kusina.

"Narito na ako, Manang", sabi niya. Bahagya lang itong lumingon sa kanya. Malungkot ang mga mata nito na tingin niya ay katatapos lang sa pag iyak.

"Bakit po Manang, may problema po ba kayo?", malungkot rin niyang tanong. Hindi agad ito sumagot sa halip ay nag umpisa na namang umiyak.

"Hintayin mo na lang ang sasabihin nila ate.", sabi ng kasambahay at ipinagpatuloy na uli ang ginagawa.

Naguluhan siya sa sinabi ng kasambahay. Napakunot ang kanyang noo. Hindi na siya nagtanong pa upang hindi na ito maistorbo sa ginagawa.

Maya maya lang ay magdadatingan na ang mga magulang niya at kapatid. Wala na siyang balak magbukas ng tindahan dahil sa takot na naramdaman niya kani kanina lang. Bahagya pa lang siyang nakaka recover ngunit nangangatog pa rin siya. Hindi na lang siya magpapahalata sa mga kasama sa bahay. Natitiyak niyang pagtatawanan lang siya ng mga kapatid kapag sinabi niya ang naranasan. Isa pa ay magtatanong ang Mommy at Daddy niya kung ano ang ginagawa niya sa lugar na yon. Malalaman ng mga ito ang dahilan at ang hindi pagsipot sa kanya ng lalaking kakatagpuin.

"Hindi nila ako maiintindihan. Si Edwina lang ang nakakaintindi sa akin.", sa sinabi ay naalala niya ang kapatid.

Nagmamadali siyang pumasok sa sariling silid at agad na nag turn on ng wifi.

Sunud sunod ang pagtunog ng cellphone niya. Notifications sa Wattpad at Facebook. Una niyang tinignang ang inbox sa Facebook niya. Agad na sumikdo ang kanyang dibdib nang umpisahang basahin ang mensaheng naroroon.

Miss Elaine, Mommy ako ni Marlon. Pinakialaman ko na ang account ng anak ko para maipaalam ang nangyayari.

Baka sa oras na mabasa mo ang message na ito ay naitakbo na namin si Marlon sa hospital. God knows gustung gusto ka niyang puntahan. Gusto ka niyang makita.

He is dying, miss Elaine. May taning na ang buhay niya. At dumating na ang araw na kahit anong gawin ko ay hindi ko na kaya pang pigilan.

We are very very sorry..
Hindi namin agad sinabi sayo...

Maraming salamat sa masasayang araw na naging bahagi ka ng kanyang buhay. Salamat sa lahat ng nagawa mo para sa aking anak.

At patawarin mo sana siya kung hindi niya natupad ang kanyang pangako.

Hindi na makakarating ang anak ko miss Elaine.

Tumulo ang luha ni Elaine matapos basahin ang mensaheng iyon ng ginang.

"Marlon... kaya pala. Kaya pala.", nanangis ng nanangis ang dalaga.

''Natatakot ako.., baka kung magpapakita ka sa akin ay himatayin ako. Nakita mo naman kanina di ba? Hindi ko kaya. Duwag ako. Naririnig mo ako, di ba?'', sabi ng dalagang palinga linga pa sa gilid, sa likod at sa taas ng kinauupuang kutson.

Ilang oras na siya sa kanyang silid nang marinig na nag uusap ang kaniyang Mommy at mga kapatid. Nung una ay hindi niya pinansin ang mga ito. Ganun naman talaga. Hindi naman kailangan ang kanyang presensya at opinyon.

Ngunit nang marinig ang paghikbi ng ina at ni Eliah ay napasilip siya sa gilid ng pintuan. Dinig na dinig niya ang pinag uusapan ng mga ito sa nangyaring aksidente sa bunsong kapatid. At ang pag aagaw buhay nito sa hospital.

"Mommy, lakasan mo ang loob mo. Makakaligtas si Edwina.", malungkot na sabi ni Errol sa kanilang ina.

"Sige na Mommy, puntahan na natin si Edwina. Inilipat na siya sa St. Lukes.", sabi naman ni Eliah.

Parang itinulos sa kinatatayuan si Elaine. Dalawang masamang balita ang magkasunod niyang nalaman.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon