Ang follower 20: ang alaala

2.6K 189 10
                                    

Parang wala sa sarili ang dalaga. Hindi makahuma sa narinig. Kanina ay si Marlon at ngayon naman ay ang mahal na mahal niyang kapatid.

Naglakad siya pabalik sa kama at buong panghihinang ibinagsak ang kanyang buong bigat. Wala pa rin sa sarili nang buksan ang cellphone at tignan ang mga larawan nilang magkapatid.

Napangiti siya sa mga larawang tinitignan. Naalala ang mga masayang araw na magkasama silang dalawa.

"Edwina..., lumaban ka! Huwag kang sasama kay kamatayan, ha. Huwag mo akong iiwanan. Wala ng magtatanggol sa akin kapag umalis ka. Sino pa ang makikinig sa akin.? Sino pa ang magsasabi sa akin na magaling ako? Ikaw lang ang naniniwala sa akin. Ikaw lang ang nakakakita sa akin. Huwag kang sumuko, kapatid ko. Huwag mo akong iiwanan ha, bunso.", pakiusap ni Elaine sa tinitignang mukha ng kapatid habang patuloy ang paglagaslas ng luha sa mukha.

"Susundan ko sila Mommy! Sasama ako! Gusto kong makita si Edwina! Ako ang magbabantay sa kanya!", tila wala sa sariling sabi ng dalaga. Tumutulo pa rin ang luha sa magkabila nitong pisngi. At pagkatapos ay nagmamadaling lumabas ng silid.

"Mommy! Sasama ako!", sigaw niya.

Wala silang kibuan habang nasa byahe. Lahat ay abala sa iniisip. Si Errol ang nagmamaneho katabi ng kanilang Mommy. Habang sila naman ni Eliah ay magkatabi sa likod.

Hanggang sa binasag ni Eliah ang katahimikang iyon.

"Ate...", umiiyak na tawag ng pangalawang kapatid na nakapag palingon sa kanya.

Agad na lumapit si Elaine sa kapatid. Bilang ate ay gusto niyang ipadama rito na pwede siyang masandalan kahit sa maliit lang niyang kakayanan. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Eliah.

"Shh..., makakaligtas si Edwina. Huwag tayong mawalan ng pag asa. Manalangin tayong lahat para sa kaligtasan niya. Pakikinggan tayo ng Diyos.", pagpapalakas niya sa loob ng kapatid. Pilit niyang pinasisigla ang tinig. Kahit na nga siya man ay natatakot sa kalagayan ng kanilang bunso. Kinabig niya ang balikat ni Eliah palapit sa kanya at hinimas himas ang ulo nitong nakasandig sa kanyang balikat.

Hungkag man ay ngumiti pa rin siya kay Errol na nakatingin sa kanila ni Eliah mula sa salamin ng kotse. May luha din ito sa mga mata.

Ganun din sa inang saglit na lumingon sa kanila.

"Edwina.., lumaban ka alang alang sa aming lahat na nagmamahal sayo.", pabulong muling pakiusap ni Elaine.

Ilang sandali pa at narating na nila ang hospital. Silang tatlong mga babae ang naunang pumasok sa loob upang magtanong sa gwardiya. Si Errol ay nagtuloy sa parking area ng hospital.

Maya maya lang ay nakasunod na ito sa kanila at sabay sabay na silang sumakay sa elevator papunta sa private room na inuokopa ni Edwina.

Napasugod si Elaine papasok sa loob pagkakitang pagkakita sa nakahigang kapatid. Nakabalot ng benda ang ulo nito at may kung anu anong tubo at aparatong nakakonekta sa katawan.

"Edwina, ang ate Elaine mo ito. Huwag kang matakot ha. Nandito kaming lahat para sa iyo. Huwag kang masyadong magtatagal sa pagtulog kasi maraming marami akong iku kwento sayo.", sabi ni Elaine sa kapatid na walang kagalaw galaw. Umaagos ang luha niya sa awa. Hindi siya makapaniwalang sasapitin ng kanilang bunso ang ganung estado.

Si Eliah at Errol man ay nakikiusap din na lumaban ito sa kamatayan. Ang kanilang Mommy ay wala ring patid sa pagluha. Hawak nito ang isang kamay ng bunso na idinikit sa kanyang noo. Pagkatapos ay mariing pumikit at taimtim na pinagdarasal ang kaligtasan ng anak.

Nang dumating ang doktor ay agad na kinausap nito ang kanilang ina. Hindi maintindihan ni Elaine ang pinag uusapan ng mga ito kaya inayos na lamang niya ang higaan at ang kumot ng kapatid.

Pagkatapos ay lumabas na ang kanilang Mommy kasama ng doktor. Kasunod nito si Errol na nakaalalay sa ina.

"Edwina..., huwag. Lumaban ka. Huwag mo kaming iiwan. Please..", sabi ni Eliah.

Nangiti si Elaine sa narinig. Ibang Eliah ang nakikita niya sa mga oras na yon.

Nang maupo ito sa tabi niya ay muli niya itong hinawakan sa kamay . Malungkot siya sa sinapit ng bunso nilang kapatid. Ngunit may bahagi sa kanyang puso ang natutuwa. Masaya siya na ngayon ay magkakasama silang magkakapatid na nagkakasundo. Hindi nagtatalo na gaya noong araw sa twing magkakaroon ng pagkakataon na magkakasama silang apat. Nagkakaisa sila sa hangarin at pananalanging sana ay malampasan ni Edwina ang krisis sa kanyang buhay.

Matagal na ay hindi pa bumabalik ang kanilang ina. Naghikab si Eliah kaya naman agad na tinapik ni Edwina ang hita na parang sinasabing maaaring gawing unan ng kapatid ang matataba at bilog na bilog niyang hita. Nahiga si Eliah. Siyang siya si Elaine habang hinahaplos ang malambot at unat na unat na buhok ng kapatid. Naalala niya noong mga malilit pa sila ay siya ang nagtitirintas ng buhok nito at ni Edwina. Tuwang tuwa pa ang dalawa habang pinagtutulungang itirintas naman ang buhok niya na nauuwi sa pagkakabuhol buhol. Lalo pa niya itong gugusutin at kapag nakasabukot na ay magkukunyari siyang bruha gaya sa fairy tale na Hansel and Gretel. Magtatakbuhan naman ang dalawa niyang kapatid habang nagsisipag bungisngis dahil sa paghabol niya.

Iku kwento sana niya kay Eliah ang naalala ngunit nang tignan niya ito ay nag aantok na.

"Magpahinga ka muna at ako na ang bahalang magbantay kay Edwina.", nakangiti niyang sabi.

Pumikit naman si Eliah hanggang sa tuluyang maidlip.


Misteryo sa WattpadWhere stories live. Discover now