Ang Follower 10: hiling

3.3K 224 12
                                    

Nang bumaba at mag umpisang magdatingan ang mga suki ni Elaine ay nalibang na ito. Lalo na nang magkakasunod na nagdatingan ang mga kabataang nagpapa load at bumibili ng kung anu anong gagamitin sa projects sa pagpapasok. Muling lumamig ang kapeng tinimpla niya upang ilaman sa humahapding sikmura. Hindi siya nakakain ng hapunan kagabi kaya pakiramdam niya ay naghihiganti ang mga bituka niya at lamang loob. Tila nag ra rally ang mga ito sa loob ng kanyang tiyan. Ininit niya ang kape na binibili pa ng Mommy niya sa kumare nitong nagne networking. Healthy at marami raw benefits sa kalusugan kahit pa nga may kamahalan ang presyo. Kaya nang uminit na ay agad na niyang ininom kasabay ng pagkain sa malamig na ring pandesal.

Hindi na niya nagawang maupo uli dahil kailangan pa niyang lagyan ng mga de bote ang refrigarator na kapag nagsasara siya ng tindahan sa gabi ay pinapatay at hinuhugot niya muna sa saksakan. At kapag nagbukas naman sa umaga ay saka pa lang uli binubuhay.

Nag agiw din siya gamit ang feather duster na niregalo sa kanya ni Edwina nung unang araw niya sa pagtitinda. Pagkatapos magwalis ng naka tiles na sahig ay nilampaso naman niya ito. Nakagana sa kanya ang masiglang tugtog mula sa mp3 niya na ikinonekta niya sa dalawang speaker. Habang naka charge ang cellphone niya ay at hinihintay ma full ang baterya ay ginawa na niya ang mga dapat at pwede niyang magawa. Tamang tama na iyon mamaya at magagamit na niya habang naghihintay ng mamimili.

Samantala........

"Aahhh....", daing ni Marlon.

Nataranta ang nurse sa paglapit sa binata. Nakahawak ito sa tiyan at naka uklo.

Katatapos lang ng radiotherapy ni Marlon at ang after effect nito para sa alaga ay ang pananakit ng tiyan. Maagap nitong inabutan ng tabletas ang binata at inalalayang makainom. Kinuha ng nurse ang cellphone nitong nabitawan. Gaya nang madalas niyang gawin sa ganoong pagkakataon, mabilis niyang hinanap ang istoryang sinusubaybayan ng alaga at binasa ng malakas.

Gaya pa rin ng dati, nakinig si Marlon sa kanya. Nahati ang atensyon nito. Ang pananakit ng tiyan ay hindi na masyadong nararamdaman hanggang sa tumalab na ang gamot na ininom.

"Salamat po, tita.", sabi ni Marlon sa nakangiting nurse.

"Huwag mo sanang pupwersahin ang iyong sarili. Lalo na ang abusuhin ito. Mas mahihirapan ka kung hindi ka mag iingat.", paalala ng ale. Punumpuno ng pagmamalasakit ang tinig.

"Sorry po, tita.", hinging paumanhin ng binata.

Ang nurse ang madalas niyang kasama. Ang Mommy niya ay nagsisikap na palaging kumita ng maraming salapi upang matustusan ang napakalaking halagang kinukunsumo niya sa pagpapagamot. Naaawa na siya sa ina. Nakakakuha man sila ng suporta mula sa foreigner niyang ama ay hindi pa rin sasapat kung hindi ito kikilos. Naaawa na siya dito. Hindi man dumadaing ng pagod at nagagawa pa siyang alagaan kapag walang appointment ay batid niyang nahihirapan na ito. Dapat ay nakakatuwang na siya ng ina. Dapat sana ay isa na rin siyang arkitekto tulad nito. Dapat sana ay siya ang nag aalaga dito. O kaya naman ay nahaharap na sana nito ang personal na buhay. Nahanap na rin sana ng ina ang sariling kaligayahan gaya ng kanyang ama na may bago ng pamilya.

Hiling niyang mabuhay. Gusto pa niyang makasama ang ina. Gusto pa niyang ipakilala dito ang babaeng pakakasalan niya. Gusto pa niyang magkaroon ng maliliit na Marlon na mangungulit at magpapatawa sa ina. Marami pa siyang gustong gawin. Maraming marami pa. Hanggang sa hilahin ng antok ang binata. Maya maya lang ay panatag na ang pagtaas baba ng dibdib nito.

Pumatak ang luha ng nurse na kanina pa pinipigilan nang makitang tulog na ang binatang inaalagaan. Maingat niyang hinaplos ang mukha at magaan na ipinatong ang palad sa noo nito. Umusal ng panalangin ang nurse. Pinagpe pray over ang binatang parang anak na kung kanyang ituring.

Pagkatapos ay inayos ang pagkakalagay ng kumot sa alaga. Nahaplos niya ang braso nito na may ilang pasa.

"Sana ay gumaling ka, Marlon. Sana ay mag himala ang langit at dugtungan pa ang iyong buhay hindi lamang para sa iyong sarili kundi para sa napakabuti mong ina. Dinggin nawa ng Diyos ang panalangin natin at hiling kung iyon ang higit na makabubuti.", bulong ng butihing nurse.

Samantala....

"Ate, kanina ka pa tingin ng tingin diyan sa cellphone mo ah. May hinihintay ka bang tawag?", tanong ni Edwina.

"H-ha!", gulat na nasabi ni Elaine. Nabigla siya sa tanong ng kapatid kung kaya wala siyang naapuhap na sabihin.

"Uuy..., ang ate ko may secret na sa akin. Hindi na nagtitiwala sa bunso niyang kapatid.", paninita ni Edwina na dinaan sa biro.

"Wala lang..., ikaw talaga.", tanging nasabi ni Elaine.

"Ate ha, hindi lang tayo sisters.., bestfriends pa.. ganito tayo o.", pagpapaalala ni Edwina sa kanyang ate. Pinagdikit pa nito at pinag akap ang dalawang daliri.

Napahagikgik si Elaine sa itsura ng bunsong kapatid. Nanghahaba pa ang nguso nito at bahagyang nakaismid. Cute na cute ito sa kanyang paningin.

"Nakakapagtampo ka na, ate. Sige na.., ikwento mo na sa akin. May boyfriend ka na ano?", pangungulit ni Edwina sabay sundot sa tagiliran ng kanyang ate.

"Hoy...!", saway ni Elaine. Nakiliti sa ginawa ng kapatid.

"Aah..., hindi ka pa aamin ha.", nakakagat labi na sabi uli ng bunso at inihanda ang dalawang kamay na ang mga daliri ay iginagalaw galaw. Nagbabanta na muling kikilitiin ang ateng hindi pa man dumadapo sa katawan ang mga daliri niya ay panay na ang ginagawang pag iwas at paghawi sa kanyang kamay.

"Tama na..., suko na ako.", nanghihinang sabi ni Elaine sa kapatid na nakaangat na ang dibdib na tila nanalo sa pakikipaglaban.

"Okey... Pero ipangako mo na hindi mo ako pagtatawanan ha.", paunang sabi ng panganay. Nag angat naman ng kamay ang bunso bilang pangako.

At sinabi na ni Elaine ang lahat lahat sa bunsong matamang nakikinig lamang.

"Siguro pinagtatawanan mo ako ano? Para akong teenager na nagka crush agad sa textmate.", malungkot na sabi ng panganay nang hindi agad nagsalita ang bunso matapos sabihin ang lahat ng saloobin niya.

"Hindi ah...! Alam mo ate, yang kilig.., nararamdaman yan ng kahit sino. Ke batang bata pa, dalaga, may asawa at yung iba nga mas matanda pa. Hindi masama ang nararamdaman mo. Natural lang yan., kapag may hinahangaan tayo nagkakaroon ng spark na nakakapag stimulate ng hormones natin. Kapag wala ka nang nararamdaman.., iyon ang dapat mong katakutan at ipag alala!", pagpapaliwanag ni Edwina.

"Huwag kang mag alala, bunso. Hindi ako lalampas sa kung hanggang saan lang ang dapat. At hindi ko kalilimutan kung dapat at kailangang huminto.", nakangiting sabi ni Edwina. Alam niyang bagama't maganda ang sinabi ng kapatid ay nag aalala ito na baka masaktan na naman siya.

"Isang malaking check ka diyan ate!", natatawang sabi ni Edwina. Tinulungan na niyang magsarado ng tindahan ang kapatid. Nasisiyahan siyang makita itong masigla.

"Ate.., sana ay hindi ka lamang pinaglalaruan ng Marlon na yan. Sana ay siya na nga ng lalaking magbibigay ng kulay rosas na paligid para sa iyo. Ngunit kung hindi.., sana ay madali mo lamang makalimutan ang sakit na umasa lang uli. Sana ay hindi mo na maramdaman ang mabigo sa pag ibig. Palagi kong hiling na maging masaya ka ate. Mahal na mahal kita.", bulong ni Edwina sa sarili.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon