Ang Author 1: simula

4.2K 190 15
                                    

PULO PULO NATIONAL HIGHSCHOOL

Sa classroom ng lV- Sampaguita ay nagkakagulo ang mga istudyante nang ipaskil na ng kanilang adviser ang sampung pangalan ng pinaka mahuhusay nitong mag aaral.

Nagkanya kanyang bulungan ang mga estudyante. Bawat grupo ay may kaklaseng sinusuportahan.

"Ang galing talaga ni Lyra ano? Siya na naman ang top one. Bukod sa maganda na ay matalino pa! Nakaka inggit, kung naging matalino rin akong gaya niya ay tiyak na mapapansin na ako ng crush ko.", nakangiti at tila kinikilig na sabi ng isang babaeng estudyante..

"Tama ka, bes! Mula pa nung first year ay honor student na siya at may mga outstanding award pa! Last year ay top 2 lang si Lyra pero ngayong graduating na  tayo ay siya na ang number one. Pinakain niya ng alikabok ang mga kalaban niya! Kaya idol na idol ko siya eh!", nakangiti at humahangang sabi naman ng isa pa.

Sa isang panig ay tahimik lamang si Wilma. Ang top 2 sa talaan ng mga matatalino.  Lumipat sa ibang eskwelahan ang dati nilang first honor. Kaya nag aral siyang mabuti upang mapalitan sana ito sa pwesto. Mula sa pagiging top 5 ay napanik niya ang mas mataas pa. Kaya siya ang nakapag pakain ng alikabok sa mga kasama nila sa honor roll.

Nagkukunwari ang dalagita na abala at walang naririnig. Ngunit sa loob ng utak nito ay gustong gusto nang lamutakin ang bunganga ng dalawang kaklaseng panay ang puri sa pinaka mahigpit niyang kalaban.

Kung pangalawa lamang sa pinaka matalino ang dalagita ay ito naman ang  pinaka magaling at top one sa pagtatago ng tunay na saloobin.

Kunwari ay nagsusulat at binubuklat nito ang isang libro nang maupo ang bestfriend na si Nica sa kanyang tabi.

"Bakla!", tawag nito sabay bunggo sa balikat niya.

"Uhh..", sagot niya habang patuloy lang sa kunwaring ginagawa.

''Kaunti lang ang lamang sa iyo ni Lyra kung makaarte itong dalawang bobita na ito eh parang super extreme ang lamang ng manok nila! Pagbuburahin ko kaya ang kilay ng dalawang mahaderang yan!", iritadong sabi ng kaibigan niya.

"Huwag mo na patulan. Lalo lang mang aasar ang mga yan. Kita mo nga at talagang nilalakasan nila ang boses para marinig natin. Relax ka lang.", nakangiting sagot ni Wilma.

"Hindi ngayon ang pag ganti sa dalawang yan! May araw rin sila!", tunay na laman ng isipan niya.

"Mas magaling ka diyan kay Lyra, bakla. Mas mataba ang utak mo at napakagaling mo sa paliwanagan. From top 5 ay umarangkada ka sa top 2. Samantalang siya top 2 na last year pa. Lagi ngang ikaw ang may mataas na grade sa oral recitation. Pati  elective teacher natin ikaw ang bet. Dikit na dikit lang kayo, bakla. Konting kembot lang!", sabi pa rin ng nanghihinayang na kaibigan.

Nangiti si Wilma sa papuri ng pinaka malapit at number one niyang supporter at bestfriend. May sense kasi ang sinabi nito. 93 ang grade ni Lyra at siya naman ay 92.8. Konting konti lang ang lamang nito sa kanya. Naghahabulan lang ang grades nila twing exam. Kung ito ang nakakuha ng highest score sa Math ay siya naman ang pinaka mataas sa Science. Ganun lang ang score nila. Salitan lang. Lamang lang ang kalaban sa extra curricular activities at mga projects.

May kaya kasi ang mga magulang nito kaya nasusuportahan ang mga projects at activity ng kanilang anak. Mas mataas ang marka kung naba budget-tan ng maganda. Nakakasali rin ito at nakakasama sa lahat ng fund raising ng school na involve ang pera. Gaya ng nakuha nitong title na Miss Math/Scie.

Samantalang siya ay anak lamang ng amang factory worker at ng ina na may maliit na tindahan sa harapan ng kanilang bahay, na ang puhunan ay inuutang pa sa lending.

Mayroon siyang dalawang kapatid na lalaki na makakatulong na sana para gumaan ang pamumuhay nila. Subalit pareho namang nag asawa agad gayung wala namang permanenteng trabaho.

Kaya kung walang pambili ng ulam at bigas ay sa inay pa niya umutang na wala namang bayaran.

Madalas ay nanggagaling pa rin sa kanilang tatay ang pinambibili ng gatas at diaper ng mga pamangkin niya. Habang ang mga magagaling niyang kuya ay nagagawa pang mag tong-its at makipag inuman na madalas ay nauuwi pa sa basag ulo na damay pati ang mga magulang nila sa perwisyo.

Kaya alam na alam niya sa kanyang sarili na talagang matalino siya at magaling. Dahil sa kabila ng mga problema at stress niya ay matataas ang kanyang mga marka.

Nakakapag perform siya ng maayos sa loob ng classroom at kahit hindi masyadong nakakapag review bago ang kanilang test ay nakakakuha pa rin siya ng matataas na score.

Gusto niyang makuha ang full scholarship sa college na ibibigay daw ng kanilang Mayor sa ga graduate bilang valedictorian. Mula pa nung elementarya ay honor student na siya. Marami na ang medalya niyang nakasabit sa dingding ng kanilang bahay. Ganun din nang mag sekondarya. Kaya lang ay hindi iyon sapat. Kailangang gumaradweyt siya bilang valedictorian. Bilang pinaka mahusay at pinaka angat sa lahat. Hindi siya naabutan ng K-12 curriculum kaya tatanggap na siya ng diploma ng pagtatapos ngayong taon.

Pangarap niyang maging abogado. May kursong political science sa unibersidad ng kanilang munisipalidad. At kung sa kanya mapupunta ang scholarship ay makakapag aral siya na walang babayaran. Ang ibang gastusin gaya ng pamasahe, uniporme, libro at kung anu ano pa ang siya na lamang iraraos ng kanyang mga magulang. Nakahanda niyang gawin ang lahat ng pagtitipid at pagsisikap makapagtapos lang ng pag aaral. Kung kaya ng iba ay makakaya niya rin. Gusto niyang umasenso at makaalis sa squatter's area na tinitirikan ng kanilang bahay. Gusto niyang maging matagumpay.

Misteryo sa WattpadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon