Ang Follower 8: elevator

3.5K 248 27
                                    

Masiglang nagising kinaumagahan si Elaine. Matapos umusal ng maikling panalangin ay agad na hinawakan ng dalaga ang cellphone at tinignan ang nasa notification.

Muli siyang napangiti nang makita ang mga boto at napakagagandang komento ng mga readers sa mga kwentong ginawa niya. Ang mga mensahe ng mga tagasubaybay ang nagbibigay ng malaking kasiyahan sa kanya. Bagama't hindi kilala ang mga ito ay alam niya at nasisiguro niyang mahal niya ang mga readers na matiyaga at walang sawang naglalaan ng oras upang magpadala sa kanya ng mensahe.

Good morning miss author!

Good morning idol!

Kamusta ka na po miss author?

Ang gaganda po ng mga story mo miss redboxE, sulit na sulit po ang pagpupuyat ko. God bless!

Sana po madami pa kayong magawang story, good luck po!

At kung anu ano pang mga papuri na humahaplos sa kanyang puso. Ang mga matatamis na salita mula sa mga taong kahit hindi personal na kilala ang pinanggagalingan ng kanyang umagang kay ganda.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay muli niyang pinuntahan ang kanyang inbox. Muli niyang binasa ang mensahe na naroroon at muli rin siyang napangiti.

"Good morning braveheart!", bulong niya sa hangin habang tinitignan ang profile nito.

Napaigtad siya nang maisip ang nagawa at pagkatapos ay marahang ipinilig ang ulo.

"Kumilos ka na nga, Elaine! Kay aga aga ay pagkirengkeng ang inuuna mo! Magbukas ka na ng tindahan!", sermon niya sa sarili.

Umahon na siya mula sa kama at maliksing inayos ang pinaghigaan. Pagkatapos ay bumaba na sa kusina kung saan nadatnang nagluluto ng almusal ang kanilang kasambahay.

Nakangiti niyang binati ang babae na gumanti rin ng pagbati sa kanya. Nagtimpla siya ng sariling kape at pagkatapos panay panayin ang paghigop ay muling pumanik upang maligo at ayusin ang sarili.

Eksaktong alas singko y media ng umaga ay nakapagbukas na siya ng tindahan. Sunud sunod na nagdatingan ang mamimili niya.

Bigas, kape, gatas, asukal, monay, mantikilya, mantika, itlog, mantika, sabon, shampoo, toothpaste, gel, pambaon ng mga batang papasok sa eskwelahan at maging papel, lapis, ballpen, at kung anu ano pang school supplies. Dahil kabisado na ang kinalalagyan at ang presyo ng mga paninda niya ay mabilis ang kanyang serbisyo sa mga bumibili. Hindi naiinip ang mga ito dahil nakabukas ang isang maliit na television paharap sa kanila kung saan nakasalang ang isang pelikulang katatawanan.

Ilang oras pa ay madalang na ang bumibili. Nagawa na niyang kainin ang almusal na kanina pa dinala ng kanilang kasambahay.

Pagkatapos kumain ay naglista na siya ng mga produktong paubos na. Ilang sandali pa ay nagdatingan naman ang ahente ng ibang produkto na kinukunan niya. Mas convenient para sa kanya ang ganun. Hindi na niya kailangang mamili lagi. Hindi na niya kailangang magsarado ng tindahan. Wala ng pagod ay tipid pa sa pamasahe.

Kapag nakalipas na ang dagsa ng mga mamimili at pagdatingan ng mga ahente ay ang pagsusulat naman ng kwento ang pagtutuunan niya ng pansin. Habang walang bumibili ay nakakapag tipa siya. Nakakagawa ng paunti unti.

Pagdating ng alas dose ay nagpapaskil siya ng ''close/lunch break'' sa harapang bintana ng tindahan. Kakain siya at iidlip sa makitid na papag na nasa loob din nito. Alas dos na uli siya magpapatuloy sa pagtitinda hanggang alas diyes ng gabi. Araw araw ay ganun ang ginagawa niya kaya nakasanayan na niya. May maliit na comfort room ang tindahan niya at may maliit na lababo kung saan naroroon ang isang kalan at ilang gamit.

Tila isang bahay na nakabukod ang kanyang tindahan. Kahit maghapon siya sa loob nito ay kuntento na siya. Sa kanya ang lugar na yon, siya ang nagpapatakbo at nasusunod. At ang pagsusulat ng mga kwento ang pang tanggal ng stress na madalas niya dating nararamdaman. Ito rin ang kumukumpleto sa naramdaman niya dating kakulangan.

Nang gumabi ay muling nagdagsaan ang mamimili sa kanyang tindahan at pagkaraan ay muling naging madalang. Sinamantala niya na walang bumibili. Matapos tignang muli ang nagawa at chekin kung ayos na ay pinablis na niya ito. Ilang sandali lang ay nagkaroon na ng bilang ang mga bumasa. Mga silent reader na laging naka antabay sa mga gawa niya. Kaya kada may natatapos siyang kwento ay hindi niya nakakalimutang pasalamat ang mga ito. At palagi siyang nagbabakasakali na isang araw ay magpapakilala rin ang mga ito sa kanya. Gaya ni braveheart. Sa pagkaka alala sa reader ay naramdaman niya ang muling pag iinit ng pisngi.

"Ano ba itong nararamdaman ko? Para akong tanga! May crush ba ako sa braveheart na ito? Tanga nga ako! Ni hindi ko pa nakikita at nakikilala ang taong ito ay nagkakaganito na ako. Baka kapag nakita na niya ako ay ma disappoint lang siya sa itsura ko. Baka mawala na ang paghanga niya sa mga kwento ko. Kung bakit naman kasi hindi ako naging perpektong gaya nila Edwina at Eliah. Sana ay nararanasan ko rin ang maligawan at magkanobyo. May mga nagpapalipad hangin man sa akin dito sa tindahan ay alam ko namang puro nanloloko lang. Pati ang mga nagte text sa number na pinanglo load ko ay alam kong puro taga rito lang din. Ayaw ko nang mapaglaruan. Tama na yung minsan na napaniwala ako ng isang lalaki na may gusto nga siya sa akin sa kabila ng itsura ko. Tama na yung panahon na ginawa akong katatawanan sa buong klase. Ayoko nang maulit pa ang ganun. Ayoko nang masaktan. At itong si braveheart.., gagawin ko na lang siyang isa sa mga imahinasyon ko. Hanggang dun na lang. Tama na ang ganun.", malungkot na bulong ni Elaine sa sarili.

Nasa ganun siyang pag iisip nang humahangos na dumating ang kanilang kasambahay.

"Elaine ang Daddy mo isinugod daw sa hospital!", sabi ni Manang.

Kasunod ng pagbabalitang yon ng kasambahay ay tumunog ang kanyang cellphone., ang mommy niya ang tumatawag.

"Hello, Elaine! Ang Daddy mo nasa hospital! Hindi ko siya mapupuntahan agad dahil naipit na ako sa traffic. Puntahan mo agad ang Daddy mo para malaman natin kung ano na ang kalagayan niya.. please anak. Ikaw na muna ang bahala sa Daddy. Susunod na ako, paparating na rin ako."

Matapos alamin ang hospital na kinaroonan ng ama ay nagmamadali nilang isinara ni Manang ang tindahan niya.

Nagmamadali siyang nagpalit ng damit.., dala ang isang linggong pinagbentahan ng tindahan na humangos upang puntahan ang amang inatake.

Sa hospital......

Mild stroke ang nangyari sa Daddy niya. Naagapan ito ng mga doktor at ligtas na sa kapahamakan. Kailangan na lamang manatili ng ilang araw sa hospital upang makapag pahinga. Nakahinga silang lahat ng maluwag.

Kinabukasan ay muli siyang bumalik sa hospital upang magdala ng ilang gamit para sa ama at upang makahalili sandali ng kanyang Mommy. May kailangan lang itong ayusing files na iniwanan kahapon dahil sa nangyari.

Pasara na ang elevator na kinatatayuan niya nang may pumasok na lalaking nakaupo sa wheelchair na itinutulak ng isang may edad na nurse. Napatitig siya dito na tila nag uusyoso.

Ngumiti sa kanya ang lalaki. Nakadama siya ng hiya kaya bahagyang napayuko.

"Komportable ka ba, Marlon?", tanong ng nurse na agad tinanguan ng lalaki.

"Tita! May update na pala si redboxE kagabi pa!", excited na sabi ni Marlon habang ipinapakita sa nurse ang cellphone na hawak.

Tumango tango naman ang nakangiting nurse at hinayaang magbasa ang binatang alaga. Sandali lang at bumukas na ang elevator. Maingat na itinulak ng nurse ang wheelchair palabas. Naiwan ang dalagang hindi nakapagsalita. May kung anong damdaming napukaw sa kanya.

Misteryo sa WattpadDove le storie prendono vita. Scoprilo ora