SAM'S POV.
Nananatili akong nasa parking lot, malamig ang gabi. Walang bituin kaya batid kong makulimlim ang langit, nakakapanghina. Paulit-ulit, ito na naman ang pamilyar na pakiramdam. Ang pakiramdam na kahit anong bilis ng takbo ko ay hindi ko na talaga yata matatakasan.
Ilang sandali lang ay napalingon ako sa hindi kalayuan nang makita ko si Vrel na kahihinto lang sa pagtakbo. Nakatingin s'ya sa mga mata ko, hindi ko maiwasang makaramdam ng galit. Walang tuwa sa pakiramdam ko.
"Sam.." mahina n'yang banggit sa pangalan ko.
Nananatili akong umiiyak habang hindi rin inaalis ang paningin sa mga mata n'ya. Hindi ako agad makapagsalita, pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko. Mas bumibigat ang pakiramdam ko sa tuwing naiisip ko ang napakaraming araw na hinayaan ko ang sarili kong malugmok, manghina, at umiyak ng umiyak dahil ang alam ko ay hindi n'ya ako maalala.
"Eto naman panay walk out," dinig kong reklamo ni Andy sa malayo.
Kasama n'ya na si Zia na inaalalayan si Kalia papunta sa direksyon namin. Ngunit imbis na magpatuloy ay huminto agad sila bagaman malayo pa ang agwat sa amin, saka nila kami tiningnan. Nailipat ko ang tingin kay Vrel, ang malamig na hangin ay mas nagpapalungkot sa pakiramdam ko. Napakahilig sumabay ng panahon sa nararamdaman ko.
"I'm sorry," dinig kong sambit n'ya.
Hindi ko inalis sa kan'ya ang paningin, pinagmasdan ko lang ang mga mata n'ya na ngayon ay napakaraming ipinapahiwatig, napakaraming sinasabi.
"Bakit?" halos hindi ko iyon masabi ng maayos, "Bakit kailangan mo akong pagmukhaing tanga, Vrel?"
"No," marahan s'yang umiling, "I'm sorry, I need to do that—"
"Para saan?" nagugulohan kong tanong, "Kailangan mong gawin 'yon para saan?" hindi ko maiwasang mainis.
Saglit n'ya akong tiningnan, "To protect you," mahina n'yang sagot.
Unti-unti ay kakikitaan ko na ulit ng samo't-saring emosyon ang mga mata n'ya. Ang boses n'ya ay napakabigat pakinggan, tila may gustong ipaliwanag na hindi alam kung paano sisimulan. Ngunit gano'n pa man ay hindi ko pa rin maintindihan, ni wala akong maisip na magandang dahilan para magawa n'yang magsinungaling ng gano'n.
"Sa ginawa mong 'yon Vrel, hindi mo ako naprotektahan," muling nag-unahan sa pagpatak ang mga luha ko, "Sa ginawa mong pagsisinungaling sa'kin, hindi mo ako naprotektahan," umiiling kong saad.
Nakita ko s'yang magbaba ng tingin.
"Nasaktan ako, nadurog, nanghina, halos mabaliw ako kaiisip kung bakit kailangang ako pa ang makalimutan mo," napakabigat sa pakiramdam ng bawat salitang sinasabi ko, "Sa kahahabol ko sa'yo para pilit na ipaalala kung sino ako sa buhay mo, iniisip na ng ibang tao na ilusyonada ako," saad ko, "Na masyado kitang pinapangarap, kung ano-anong salita ang natanggap ko. Sa paanong paraan mo ako naprotektahan?"
Labis-labis ang bigat na nararamdaman ko, pakiramdam ko ay hindi ko na kakayanin pang magsalita ulit. Ngunit hindi gagaan ang pakiramdam ko kung hindi ko mailalabas lahat ng sakit, kailangan kong masabi lahat ng nararamdaman ko. Sa ganoong paraan ay maaari ko pang matulongan ang sarili ko.
"Napakarami kong tinanggap na salita mula sa ibang tao, saktan ako, kawawain ako, paglaruan ako," umiiyak kong saad, "Lahat 'yon kinaya ko, lahat 'yon ayos lang sa'kin. Kase wala eh, okupado na ang utak ko, hindi ko na kayang pansinin pa ang ibang tao, kase paulit-ulit, sinasagot ko ang mga tanong kung bakit nawala ako sa ala-ala mo!"
BINABASA MO ANG
OH MY GHOST [ONGOING]
Teen FictionSi Samara ay isang masiyahin at positibong tao, lahat halos ng nakakasalamuha n'ya ay napapagaan niya ang loob. Hindi natatakot sa multo, bata pa man ay hindi na s'ya naniniwala sa iba't-ibang kuwento patungkol sa mga kaluluwa. At sa hindi inaasahan...