Chapter 14

11.6K 557 236
                                    

Araw-araw hinaharap ni Keanna ang hirap sa pagbangon. Masakit ang ulo niya, likod, balakang, talampakan, at ultimong pagligo minsan ay kinatatamaran na niya.

Kung puwede lang siyang mahiga sa maghapon, gagawin niya, pero hindi puwede dahil mayroon siyang kliyente.

Umalis ang parents niya papunta sa Manila dahil may kailangang asikasuhin sa isa sa mga property na pinahahawak sa kanila. Ang alam din niya ay magkakaroon ng meeting ang mga ito kasama ang mga Legaspi na nakilala dahil sa mga Laurent.

Mukhang nakikipag-usap kasi ang mga ito sa expansion sa Baguio lalo na at nasa real estate rin.

Lumawak ang network nila dahil sa Tito Juancho nila na nakapangasawa ng Laurent. Maraming koneksyon, maraming referral, at maraming kakilala.

Konektado rin ang mga Karev sa Laurent dahil best friend ng mommy ni Cale ang isa sa mga ito kaya hindi na bago ang mga ito sa kanila. Ultimong mga artista, nakilala ni Keanna dahil sa mga ito.

Bumaba si Keanna at naamoy ang champoradong niluluto ng kuya niya. Sakto rin naman na nakahain na at literal na kakain na lang siya. Ganoon sa araw-araw.

"Ang sarap naman!" Umupo si Keanna at uminom ng gatas na si Sarki na rin mismo ang nagtimpla. "Kuya, puwede ka nang mag-asawa."

Nangunot ang noo ni Sarki habang nakatingin sa kaniya at hindi ito nagsalita. Seryoso lang na naghahain bago naupo sa harapan niya.

Hindi naman inalisan ni Keanna ng tingin ang kuya niya. Hinihintay niya itong magsabi nang kahit na ano ngunit isang masamang titig ang ipinukol sa kaniya.

"Kumain ka na. Male-late ka naman," anito at nagsandok ng sariling pagkain. "Bumili pala ako ng avocado kahapon. Ano'ng gusto mong gawin ko r'on?"

"Shake na lang po," sagot ni Keanna. "Papasok ka ba sa office, Kuya?"

Tumango si Sarki. "Oo, pero dadaan muna ako sa Libiran." Tinutukoy nito ang isang transient nilang medyo tago. "Check ko lang kasi sabi ni Ate Liz, merong nasirang bintana 'yung nakaraang occupant. Titingnan ko kung ano'ng puwedeng gawin."

"Sige po. Sa office lang naman ako ngayon. Kailan pala uuwi sina Nanay?" tanong ni Keanna.

Umiling si Sarki. "Hindi ko alam, e. Wala silang nabanggit kung kailan. Bigla na lang din namang umuuwi 'yung mga 'yun."

Natawa si Keanna dahil totoo naman. Bigla na lang din aalis, biglang uuwi. Minsan hindi nila alam kung nasaan, nagpunta na pala sa ibang bansa dahil trip lang mag-tour at hinahayaan na lang nilang magkapatid.

Natigilan sandali si Keanna nang may maalala.

"Kuya, nakita ko pala, engaged na si Ate Cinna?"

"Nakita ko rin kanina. Tama rin naman. Matagal na rin naman sila ni Ace." Nagpatuloy sa pagkain si Sarki. "Huwag mong itanong kung kailan pa ako, please lang."

Natawa si Keanna dahil alam na niya ang sasabihin ng kuya niya. Aware naman siyang matagal pa. Matagal na matagal pa.

Nang matapos kumain, nagkaniya-kaniya na silang dalawa. Magkaiba naman sila ng pupuntahan. Dumiretso na rin muna si Keanna papunta isang office nila at kinuha ang mga papeles na kailangan niya bago sa hotel kung saan naka-check in ang bride-to-be.

Ang nasabing opisina ay ang bagong bukas na business ng pamilya nila na nagpaparenta ng events places.

Iyon ang inaayos ng parents niya nitong mga nakaraan. Kasosyo ng mga ito ang mga kaibigan ng tatay niya tulad nina Juancho, Melissa, TJ, at iba pa.

Sa hotel na pinuntahan ni Keanna, manager doon si Glydel, ang kapatid ni Fidel na bestfriend ni Tadhana. Kaagad siya nitong nakita at iginaya papunta sa isang bakanteng sofa.

Just About UsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon